KABANATA XI: KATUNGGALI
Rehan
Ang tahimik ng lugar, walang kabuhay-buhay. Nakakawalang gana magmasid. Si master kasi, sinabi niyang bantayan ko ang bawat kilos ng prinsesa ng Wiseman ngunit wala naman akong naramdamang interesante sa lugar na ito. Nakakabagot, mas nais ko pang sumabak sa isang labanan kaysa ang subaybayan ang walang kuwentang prinsesa. Siya na ba kasi ang Prinsesa ng Kalikasan? Kung pagmamasdan ng mabuti, isa lamang siyang ordinaryong babae. Nagsasayang lang ako ng oras dito.
Masyadong payapa at wala akong nararamdamang may kapangyarihan. Kahit mumunti o pinakamahina ay wala rin. Baka pinagloloko lamang kami ng mga taga Flenn na iyon, puputúlin ko talaga ang kanilang mga leeg kapag malaman kung nagsisinungaling sila. Hindi ko nais mauwi sa wala ang paghihintay na ginagawa ko.
Nakatayo pa rin ako rito sa taas ng poste habang nakatingin sa lawak ng palasyo. Ilang oras na ako rito subalit wala pa akong makitang kakaiba. Hindi pa rin lumalabas ang prinsesa. Nasaan ba kasi iyon? Hindi ba uso rito ang gumala? Para namang hindi ito kaharian, pawala-walang tao o baka nalalaman na nilang nalalapit na ang digmaan kaya mas dinudoble nila ang kanilang pag iingat.
Maya-maya, napansin ko ang biglang pagsulpot sa ibaba ng isa sa aking kasamahan na kasabay kong tumungo rito. "Hoy, ano? Nakita mo na?" sigaw nito mula sa ibaba. Nagrolyo ang aking mga mata at mabilis na tumalon pababa.
"Wala pa. Ikaw, saan ka nanggaling? Ba't ngayon ka lang?" tanong ko pabalik.
"Sinubukan kong maglibot sa lugar. Masyadong tahimik. Wala ring halos mga taong lumalabas sa kanilang mga tahanan," kamot noong sagot niya.
"Anong plano? Huwag mong sabihin maghihintay pa tayo rito ng matagal? Hindi ko makakaya iyon. Kung sa ibang lugar nalang sana, baka nakadelehinsiya pa tayo," sabi ko.
"Hindi ko alam. Si master ang pagsabihan mo. Ang iniisip ko ngayon, bakit hindi kaya natin bulabugin ang lugar na ito, tiyak magsisilabasan ang mga tao dahil sa takot," hindi mapakaling sabi niya na kinangiti ko.
"Magpalit tayo. Atat na atat na akong gawin iyan," nangangating sabi ko at hinawakan ng mahigpit ang hawakan ng aking espadang nakasabit sa likod ko.
"H'wag kang magpatawa. Mukhang hindi iyan patas. Magpapakasaya samantalang ako ay magbabantay? Hindi tama iyon!" Pinaningkitan niya ako ng mga mata.
Sarkastiko akong ngumiti. "Huwag ka mag alala, limang minuto lang naman!" pakiusap ko.
"Sandali, hindi ba't mahigpit nga pala tayong pinagbawalan ni master na huwag gumawa ng aksiyon. Ang prinsesa lamang ang pakay natin, tandaan mo iyan. Huwag mong kawawain ang lugar na ito at isa pa, wala ka namang makakalabang malakas tulad natin. Puro nga mahihina na sundalo lamang ang mayroon sila," sabi niya.
"Ngunit ikaw na mismo ang nagsabi na bakit hindi natin bulabugin ang lugar na ito? Hindi ko masasabi kung mahihina ang mga nandito kung halos maputulan ng braso si master pagkatapos niyang makatakas doon sa timog bahagi ng Wiseman Forest? Saka, hindi na rin nakabalik ng buhay ang ibang kasamahan natin maliban sa kanya," sabi ko.
"Baka ibang tao ang nakaharap niya o 'di kaya'y naunahan lang si master. Hay, kalimutan mo na iyon, ang mahalaga ang prinsesa ang makita natin ngayon."
Inakbayan ko siya sa balikat. "Pero paano kung hindi talaga siya ang prinsesang kailangan natin? Yayaman pa rin ba tayo sa kanya?" takang makahulugang tanong ko.
"Aba, malay ko. Sumusunod lang ako sa utos ng master."
"Kung hindi siya, sayang ang pagpunta natin dito tapos hindi ka pa papayag na manggulo ako?" nakasimangot kong sabi.
YOU ARE READING
WISEMAN KINGDOM: The War (Completed-Revise 2)
FantasyTatlong libong taon na ang nakalipas nang paslangin ang makapangyarihang prinsesa ng kalikasan matapos siyang patayin ng isang miyembro ng maalamat na angkan ng mga puting lobo. Matapos ng kanyang kamatayan, naghintay siya ng ilang taon bago muling...