MICHELLE's POV
Nanginginig pa rin ang buong sistema ko rahil sa nangyari kanina. Muntik na akong mabangga ng malaking delivery truck kung hindi agad nakapagpreno ang driver nito at kung hindi ako nailigtas ni Renz.
Si Renz.
Siya ang kauna-unahang lalaking gumawa ng bagay na iyon para sa akin. Sa buong buhay ko, sa sarili ko lang ako umaasa rahil maagang namayapa ang mga magulang ko. Kalaunan ay sumunod na nawala ang Lola Fely ko at naiwan akong mag-isa. Wala akong ibang inasahan kundi ang sarili ko. Kumayod ako para makapag-aral. At kahit High School lang ang natapos ko ay hindi ko hinayaang makahadlang iyon sa pag-asenso ko. Sa pagiging madiskarte ko ay na-hire akong secretary sa company na pagmamay-ari ng pamilya ng pinsan kong si Rannicia.
Lahat ng iyon ay sariling sikap ko. Walang tumulong sa akin para pagandahin at ayusin ang buhay ko. Kaya naman parang medyo gumaan ang pakiramdam ko kanina nang malaman at makita kong iniligtas ako ni Renz mula sa kapamahakan. Parang naramdaman kong special pa rin ako kahit papaano at may totoo pa ring nagmamalasakit para sa akin. Kahit sa previous boyfriends ko ay hindi ko naranasan iyon.
Malinaw pa rin sa isip ko ang nag-aalalang mukha ni Renz nang imulat ko ang aking mga mata. Kitang-kita ko sa mga mata niya ang concern.
Renz: O-okay ka lang ba?
Na-realize kong nasa ibabaw pala ako ng katawan ni Renz. Isinanggalang niya ang kanyang katawan para hindi ako tumama sa semento ng pavement sa kalsadang iyon ng subdivision. Tumango ako kay Renz at unti-unting kumawala mula sa pagkakayakap niya at sabay kaming mabagal na tumayo. Pinagpagan namin ang aming mga damit.
Nilingon ko ang driver ng delivery truck na bumaba at lumapit sa amin. Itinanong nito kung kumusta kami ni Renz o kung may masakit ba sa amin. Pinakiramdaman namin ni Renz ang aming mga sarili. Wala namang masakit sa amin at tingin namin ay hindi naman kami nabalian ng buto. Nagalusan lang ng maliit ang siko ni Renz. Sinabi namin sa driver na wala itong dapat alalahanin. Kung tutuusin ay kasalanan ko rahil bigla akong tumawid ng kalsada nang hindi tumitingin kung may paparating na sasakyan. Nag-iwan ito ng contact number in case magkaroon ng problema sa mga susunod na araw.
Nang makaalis ang driver ng delivery truck ay mahigpit kong niyakap si Renz. Saka pa lang nagsi-sink in sa akin na muntik na akong mapahamak or worse, mamatay. Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako sa balikat ni Renz at hinahaplos niya lang ang aking likod. Para akong hinihele ng yakap na iyon ni Renz.
Mga ilang sandali pa ay tumigil na ako sa pag-iyak. Naramdaman ko ang presensiya nina Ian, Rannicia, at baby Levi sa likuran ko. Saglit ko silang nakalimutan dahil sa nangyari. Bigla kong naalala na pangalan ni Ian ang tinawag ko bago ako mailigtas ni Renz kanina. Tiningnan ko si Ian. Blangko ang ekspresyon ng mukha nito. Hinanap ko ang pag-aalala sa mukha nito, pero wala akong nakita.
Rannicia: Are you okay, Michelle?
Nilingon ko si Rannicia. Karga-karga nito si baby Levi. Bigla ay umahon ang galit sa dibdib ko. Kung binantayan nitong mabuti ang anak ay hindi siguro mabibitiwan ni baby Levi ang bola at hindi ko ito hahabulin. Hindi sana nanganib ang buhay ko.
Tama. Si Rannicia ang may kasalanan ng muntik kong pagkakaaksidente. Wala ng iba.
Bigla kong naalala ang disappointment na naramdaman ko nang mabungaran ang mukha ni Renz pagkamulat ko ng aking mga mata kanina. Si Ian ang tinawag ko, pero hindi ako nito iniligtas. Ang ibig sabihin ay wala akong halaga rito. Sa lahat ng mga ginawa kong pang-aakit dito at sa lahat ng mga pinagsaluhan naming bawal na sandali ay hindi pa rin ako nagiging mahalaga sa asawa ng pinsan ko. Ang ibig sabihin ay wala pang napapatunguhan ang paghihiganti ko.
BINABASA MO ANG
Homewrecker
General FictionSi MICHELLE SAGROSO, ang babaeng maghihiganti sa sariling mga kamag-anak. Sa kanyang paghihiganti, makamtan kaya ang sayang hinahanap o magdudulot ito sa kanya ng matinding hinagpis at pagdurusa? Makakamit kaya niya ang pagmamahal na inaasam? ...