THIRD PERSON POV
Dahan-dahang ibinalik ni Melba ang urn na naglalaman ng abo ng kanyang namayapang ina sa kinalalagyan nito katabi ang urn kung saan nakalagay ang abo ng kanyang matagal nang pumanaw na ama.
Sa tuwing inaalala ni Melba ang kaluluwa ng kanyang mga magulang ay nililinis niya ang kinalalagyan ng mga urn at pagkatapos ay titingnan sa mga lumang photo album ang mga larawan kung saan masayang kasama niya ang kanyang mga magulang noon.
Sa ibang mga larawan na nasa photo album ay makikita rin ang nag-iisang kapatid ni Melba na si Zyra.
Si Zyra, ang pasaway na kapatid ni Melba.
Hinding-hindi makakalimutan ni Melba ang araw na nilisan ng kanyang bunsong kapatid na si Zyra ang kanilang malaking bahay para sumama sa isang lalaking maralita.
Tandang-tanda pa ni Melba ang araw na iyon.
Mahigpit na hinawakan ni Melba ang kanang braso ng kanyang kapatid na si Zyra para pigilan itong lumabas ng main entrance door ng kanilang bahay. Ang mga magulang ng magkapatid na sina Damien at Felicity ay nakatayo sa bungad ng kanilang living room.
Ang amang si Damien ay nag-iigting ang mga panga habang nakatitig sa nagrerebelde nitong anak na si Zyra habang nakasandal sa malapad na dibdib nito ang humahagulgol na asawang si Felicity.
Melba: Zyra, please, huwag mong gawin ito. Tapusin mo ang pag-aaral mo. Huwag mong sayangin ang kinabukasan mo para lamang sa lalaking iyan. Wala kang kinabukasan sa kanya.
Ang lalaking tinutukoy ni Melba ay ang kasintahan ni Zyra na si Timothy na naroon sa labas ng gate ng kanilang malaking bahay at hinihintay ang paglabas ni Zyra.
Malakas na binawi ni Zyra ang kanang bisig nito mula sa pagkakahawak ng kapatid na si Melba. Buo na ang desisyon ni Zyra na sumama kay Timothy at manirahan sa probinsya kung saan ito lumaki.
Zyra: Tama na, Ate. Hindi ninyo ako mapipigilan pa. Sawang-sawa na ako sa pagkontrol na ginagawa ng ating mga magulang sa ating buhay.
Isang masamang tingin ang ipinukol ni Zyra sa amang si Damien na ang kanang palad ay nakakuyom na ngayon.
Damien: Pagsisisihan mo itong gagawin mo, Zyra. I'll do everything in my power para maghirap kayo ng lalaking iyon at oras na dumating ang panahon na babalik ka rito sa ating pamamahay, sisiguraduhin kong wala ka nang babalikan pa.
Halos madurog ang mga ngipin ni Damien dahil sa diin ng pagkakabigkas nito sa mga salitang lumabas mula sa bibig nito.
Damien: I'm giving you one last chance, Zyra. Kapag lumabas ka ng pintong iyan, tandaan mong wala ka ng mga magulang.
Nanlaki ang mga mata ni Melba nang marinig ang sinabi ng amang si Damien habang si Felicity ay lalong lumakas ang paghagulgol.
Si Zyra ay hindi man lang natinag sa sinabi ng ama bagkus ay taas-noo pa itong sumagot kay Damien.
Zyra: Siguro nga ay mas tamang umalis na ako sa bahay na ito. Dito sa bahay na ito na punung-puno ng kasinungalingan. 'Di ba, Papa?
Pinandilatan ng mga mata ni Zyra ang sariling ama at napansin ni Melba na parang biglang naging malikot ang mga mata ng ama at iniwasan nito ang titig ni Zyra.
Kumunot ang noo ni Melba at hinarap ang kapatid.
Melba: Ano ba ang sinasabi mo, Zyra? Makinig ka na lang kay Papa. Nagpapadalos-dalos ka sa iyong desisyon. Nagpapadala ka sa iyong emosyon at pinaniniwalaan mong mahal ka ni Timothy. Pero ang totoo ay minamanipula ka lamang niya.
BINABASA MO ANG
Homewrecker
General FictionSi MICHELLE SAGROSO, ang babaeng maghihiganti sa sariling mga kamag-anak. Sa kanyang paghihiganti, makamtan kaya ang sayang hinahanap o magdudulot ito sa kanya ng matinding hinagpis at pagdurusa? Makakamit kaya niya ang pagmamahal na inaasam? ...