"Mabuti naman at nagawi ka rito, Amber!" Hanggang ngayon ay mataas pa rin ang boses ni Manang Carmen nang bisitahin niya ito ng sumunod na araw. Kahit paano ay binilhan niya ito ng prutas dahil malaki rin naman ang utang na loob niya rito. Kahit palagi siya nitong nabubungangaan kapag delayed ang bayad niya noon sa bahay, naging mabuti rin naman ito sa kanya.
"Pasensya na rin ho kung ngayon lang ako nakadalaw. Naging abala rin po kasi ako sa bago kong trabaho."
Medyo napangiwi siya nang malakas nitong hampasin ang braso niya. Gano'n kasi ito kapag natutuwa!
"Naiintindihan ko naman, ano! Mabuti nga at parang nakakaluwag-luwag ka na yata ngayon!" anito na para bang binibistahan ang kanyang kabuuan. "Pero, teka lang, ha? Wala ka namang in-agrabyado rito, ha?"
"Ho? Ay! Wala ho!" mabilis niyang tugon. "Bakit niyo naman ho naitanong?"
"Aba'y noong makaalis ka ay madalas naming makita na may umaali-aligid diyan sa tinitirhan mo! Nang tanungin ko naman kung ikaw ba ang hanap, hindi ako sinagot at basta na lang akong tinalikuran!"
Bigla siyang nakaramdam ng kaba. Sa isip niya, baka may kaugnayan sa elligal na gawain ng kanyang nanay at sa kinakasama nito. Akala siguro ay may mahihita sa kanya!
"Manang Carmen, kapag nakita niyo ulit ang lalakeng 'yon, tawagan niyo ako, okey?" Kahit kabado ay hindi rin niya maiwasang magtanong kung sino ba ang lalakeng 'yon! "Mauuna na rin ho ako. Sumaglit lang ho talaga ako rito para kumustahin kayo."
"Aba'y maraming salamat sa bigay mong prutas," anito. "Mag-iingat ka sa pag-uwi mo!"
"Walang anuman ho. Aalis na ho ako."
Habang naglalakad palabas ng kanto, napuno ng palaisipan ang kanyang isipan kung sino ba talaga ang lalakeng tinutukoy ni Manang Carmen. Hindi niya tuloy namalayan ang paparating na motorsilko. Muntik pa siyang mahagip noon kung hindi lamang may humila sa kanya patabi ng daan.
"Salamat po," sambit niya. Ngunit basta na lang siyang tinalikuran ng lalakeng 'yon. Nakasuot ito ng itim na pantalon at gray poloshirt. Naka-cap din ito kaya hindi niya naaninag ang mukha. Sa tagal din naman niyang naninirahan doon, medyo kilala niya ang mga tao sa looban pero ang lalakeng 'yon, base sa tindig nito, parang bago lang ito roon. Mas lalo tuloy siyang kinabahan nang maalala ang sinabi ni Manang Carmen kanina.
Kahit habang sakay siya sa jeep, hindi niya maiwasang hindi ma-praning! Pakiwari niya kasi, may mga matang nakasunod sa kanya! Hindi niya tuloy maiwasang mapahiyaw nang bigla siyang kalabitin sa braso ng lalakeng katabi niya.
"Makiki-abot lang ako ng bayad, Miss!" Halata ang pagkainis sa boses nito.
Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag dahil sa sinabi nito. Nanghingi na rin siya ng paumanhin dahil sa inasal niya. Hanggang sa makarating siya sa kanyang Mama Pre, naiisip pa rin niya ang sinabi ni Manang Carmen.
"Ano bang naiisip mo at kanina pa nakakunot ang iyong noo, ha?" Sa edad na 68 ay matalas pa rin ang pakiramdam ng kanyang Mama Pre. Pagkagaling niya sa dating tinitirhan ay saglit niyang dinalaw ang kanyang Mama Pre.
Hindi man siya nanggaling sa sinapupunan nito ngunit ang bond na meron sila ay walang katulad. Madali kasi nitong nasi-sense kung may dinaramdam siya o kung may gumugulo sa kanyang isipan.
"Wala po. Medyo pagod lang din po sa trabaho lately." Hindi niya maiwasang ma-guilty dahil sa hindi pagsasabi rito ng totoo. Pero ayaw lang naman niyang mag-alala ito kaya hindi niya binanggit ang takot na nadarama dahil sa ikinuwento ni Manang Carmen sa kanya.
Hinawakan niya ang kamay nito saka marahang dinala sa kanyang pisngi. "Pasensya na ho ang hindi ko kayo mailabas rito. Pero kapag nakaipon na ako ay kukuhanin ko kayo rito."

BINABASA MO ANG
STILL YOURS
Romance"Alam mo naman siguro kung gaano kahalaga ang singsing na ito sa relasyon natin 'di ba? Pero basta mo na lang itinapon? Does this mean that you want to break up with me?" Sunod-sunod ang mga tanong nito. "Nang dahil lang sa nakita mo, makikipaghiwal...