KABANATA XVIII

22 1 0
                                        

Hanggang sa mag-uumaga na ay hindi siya nakatulog dahil sa nabasang text mula sa cellphone ni Krenan. Masyadong siyang binabagabag, or maybe, nagseselos at nasasaktan. Hindi rin siya mapakali. Naroong uupo siya sa may sala pagkatapos ay pupunta ng kusina o kaya ay sisilipin ang ang binata habang tulog na tulog sa ibabaw ng kama.

Isang mahabang buntung-hininga ang kanyang pinakawalan saka pasalampak na naupo ulit sa sofa. Kasabay ng pagpikit niya ang ay pagkalaglag kanyang mga luha. Mabilis niya iyong pinahid ngunit tila tuksong sunod-sunod ang naging pagdaloy nito. Sa huli, tuluyan siyang napahagulhol dahil sa sakit na kanyang nararamdaman.

Sa tuwing magkakasagutan o magkakatampuhan ba sila kay Missy ito lumalapit? Sa tuwing nasasaktan siya at naghahanap ng makakausap ay sa iba ito nagko-confide? Imbes na pag-usapan nila ang problema, mas pinipili nitong makasama si Missy? Habang nag-iisa siya at tinatanong niya ang sarili kung may mali ba sa kanya, pinipili nitong layasan siya? Sa ngayon ay si Krenan lang ang mayroon siya pero mas pinipili nitong layasan siya at magbigay ng oras sa iba. Hindi naman niya hinihingi ang kabuuang oras nito dahil alam naman niya kung gaano kalaki ang responsibilidad nito bilang isang pulis at bilang isang Le Pierre. Gusto lang niyang umamot ng kaunting oras at pag-intindi mula rito ngunit kadalasan ay iba ang nagiging pakahulugan nito.

Hanggang sa magliwanag ay wala siyang nakuhang sagot sa kanyang mga katanungan. Bagkus ay lalo lamang siyang nagkaroon ng mga tanong hindi lamang para sa kanilang relasyon ng binata ngunit sa lahat-lahat na. Nag-umpisa na naman niyang kuwestiyunin ang kanyang sariling kakayahan at kung worthy nga ba siya na maging girlfriend ng binata at maging parte ng pamilya nito.

Isang malalim na buntung-hininga ang kanyang pinakawalan bago nagpasyang magtungo sa kusina upang magluto ng almusal. Nakakailang hakbang pa lamang siya ng tumunog ang kanyang cellphone. Si Miss Natasha ang tumatawag. Agad niya iyong sinagot. Panay lang ang naging pagtango niya sa mga sinasabi nito at pagkatapos ng tawag ay dali-dali siyang naligo at nagbihis upang magtungo sa bahay ng mga ito. Saglit lang niyang sinilip ang binata sa kanyang kwarto saka nagdesisyon ng huwag itong gisingin.

"Ate Amber!?" hiyaw ni Kara pagkakita sa kanya. Patakbo itong lumapit sa kanya saka siya mahigpit na niyakap. Muntik pa siyang mabuwal dahil sa ginawa nito. Nang tanawin niya si Miss Natasha na kasunod nitong nalalakad ay napapailing na lamang.

"Be careful, Kara! Baka matumba kayong dalawa ni Ate Amber mo!" saway ng Mommy nito, Pagkuwan ay bumaling sa kanya ang ginang. "Pagpasensyahan mo na ang anak ko, hija. Na-miss ka lang niya ng sobra. How about Krenan? Hindi ba kayo magkasamang pumunta rito? Ilang beses ko ring tinawagan ang batang 'yon ngunit hindi man lang sinasagot ang mga tawag ko."

"Sinilip ko ho bago ako nagpunta dito. Tulog na tulog po. Mukhang lasing kagabi kaya hindi ko na ho ginising."

Napailing na lang ito. "Hayaan mo na. Kapag nagising naman iyon at nalamang narito ka ay agad na susunod dito. Kung saan-saan na naman siguro nagpunta kagabi kasama ng barkada niya kaya lasing na naman. By the way, can we talk in my office, hija? It won't take long."

"Mommy!' sabat naman ni Kara. "Hindi ako naniniwalang it won't take long. Sosolohin mo na naman si Ate Amber, eh! Akala ko pa naman ay makakapagkuwentuhan kami!"

"Huwag nang makulit, Kara, okey? Saka bakit mo ba gagambalain ang Ate Amber mo? Busy siyang tao-"

"Saglit lang naman po, eh."

"Okey lang po," sambit niya bago pa man makapagsalita ang ginang pagkatapos ay binalingan niya si Kara. "Later, okay? Magtratrabaho muna ako ngayon. Ang mabuti pa, kung may kailangan kang gawin ay gawin mo na ngayon para mamaya, wala na tayong isipin, hmm?" Masuyo niyang hinaplos ang pisngi nitong makinis at mamula-mula.

STILL  YOURSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon