KABANATA 3.
SABI ko gusto ko ng adventure dahil 'yon ang forte ko sa buhay pero hindi ko namang sinabing kasama si Koya sa magiging paglalakbay ng buhay ko. Oo, kinukulit ko siya no'ng una dahil akala ko magkakasundo kami pero marami nga namang namamatay sa maling akala. At sa kaso ko, pakiramdam ko nauubos ang buhay ko kapag titignan niya ako ng masama.
Ang weird lang, wala naman kasi akong ginagawa sa kanya. Hindi ko na nga siya pinapansin pero sa tuwing madadako ang tingin ko sa kanya ng hindi naman sinasadya, pinapatay niya na ako sa tingin.
"May problema ka ba sa akin?" tanong ko sa kanya nang matapos ang klase namin sa debate. Hinarangan ko pa siya sa may pinto pero hinawi niya lang ako pagkatapos ay naglakad nang muli sa susunod niyang klase, na hindi kami magkaklase.
"Tj!" sigaw ko na siyang ikinahinto niya. Napa-urong ako nang umikot siya at lumingon sa direksyon ko. 'Yong seryoso niyang ekspresyon na laging nakasuot sa mukha niya, mas dumoble ngayon. Mas intense na tipong gusto ko ng tumakbo dahil pakiramdam ko katapusan ko na.
Napalunok ako nang mabilis at malalaki ang mga hakbang niya papunta sa akin at marahas na hinila ang kamay ko. Napansin ko ang pagtingin sa amin ng iba pero tila wala lang sa kanya 'yon. Parang wala siyang pakialam sa mundo.
Napapangiwi ako sa higpit ng hawak niya sa kamay ko, parang nadudurog na 'yong buto ko dahil doon. Ano na namang ginawa ko? May nasabi ba akong mali? Wala naman, a! Bakit siya nagagalit? Pero, ano bang bago? Pakiramdam ko may gawin man ako o wala, galit siya lagi.
"P-Pakihinay naman ang paghawak, kung papatayin mo ako ngayon p'wede sa susunod na? May klase pa ako, e." Sinubukan kong magbiro pero parang wala siyang narinig. Naramdaman ko na lang na lumiko kami sa isang pasilyo hanggang sa kiladkad niya ako patungo sa likurang bahagi ng isang classroom.
Napangiwi akong muli nang itulak niya ako sa may pader, tumama 'yong ulo ko sa semento kaya't napapikit ako at huminga nang malalim. Kinalma ko 'yong sarili bago ko muli minulat 'yong mata ko. At nagtama ang paningin naming dalawa.
'Yong mata niya puno nang galit habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam pero natatakot ako. Nakaramdam ako ng takot na tipong gusto ko na lang himatayin sa mismong oras na 'to.
"What did you just called me?" mariin niyang tanong sa akin. At dahil doon mas lalo akong kinabahan. Mas lalong kumabog 'yong puso ko sa takot. Hindi ko inaasahang ganito... hindi ko inaasahang matatakot ako sa kanya. "Damn it, speak up!" sigaw niyang muli na halos magpatalon sa akin mula sa kinatatayuan ko.
Pumakit ako. Huminga nang malalim. Pinilit kong kinalma 'yong puso ko sa sobrang bilis ng pintig. Pinilit kong alisin 'yong takot na nararamdaman ko dahil sa mga mata niya... may lungkot pa rin akong nakikita kahit papaano. Malungkot ang mga mata niya. Parang gustong umiyak pero natatalo ng galit. Galit na hindi ko alam kung saan nanggagaling.
"I-I'm sorry," tangi ko na lang nasabi at napayuko. Nanginginig na rin ang mga kamay ko at nanlalamig. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko. Siguro nga may nasabi akong masama kanina kaya siya ganito ngayon. Mas gusto ko pa yata 'yong wala kaming pansinan, gaya nang mga nagdaang araw. 'Yong tipong tatapunan niya lang ako ng masamang tingin. Hindi 'yong ganito. Pakiramdam ko, may kasama akong mapanganib na hayop na kahit ano'ng oras susunggaban ako. At hindi ako nagkamali. Napasigaw na lang talaga ako nang sinuntok niya 'yong pader. Malapit sa mukha ko. Muntik na!
"I don't need your sorry!" galit niyang sambit atsaka na ako iniwan na mag-isa.
Halos mapa-upo ako sa lupa pagka-alis niya. Nanginginig 'yong tuhod ko at dalawang salita na lang talaga ang gusto kong sabihin. Shit lang!