Chapter 70

14 1 0
                                    

MALAMIG ang sahig na kinahihigaan ni Eli. Halos dalawang linggo na rin nang sumuko siya sa custody ng mga pulis at makulong. Hindi naman gaanong mabigat ang kasong isinampa sa kanya na puwede namang makapagpiyansa kahit kailan niya gustuhin. Pero nakiusap siya sa mga magulang na hayaan muna niyang pagdusahan ang mga bagay na nagawa niya. Kabaliwan nga sigurong maituturing ang ginagawa niya sa sarili pero sa tingin niya, hindi niya magagawang patawarin ang sarili kung hindi siya maparurusahan sa kasalanang nagawa.

Nakatitig lang siya sa puting kisame ng selda kinaroroonan niya. Medyo maalikabok at may mga sapot na rin ng gagamba ang kuwartong kinalalagyan niya pero hindi niya iyon inalintana. May dalawang preso pa siyang kasama sa loob pero kahit kailan ay hindi siya nag-abalang kunin ang pangalan ng mga ito. Alam naman niyang hindi siya magtatagal sa kulungan kaya bakit pa niya aalalahaning makibigay sa mga presong naroroon?

"Alejo, may dalaw ka!" narinig niyang sigaw ng warden police na siyang nakabantay sa kanila. Napakunot siya ng noo. Hindi naman weekend, ah? Nakapagtatakang dumalaw ang mga magulang ang mga magulang niya sa araw na iyon. Inaasahan niya kasi na weekend lang makakapunta ang kanyang ama't ina. Pero baka may importanteng sasabihin ang mga ito kaya naman tumayo na siya bago pa makasigaw muli ang pulis na nakabantay sa kanila. Inayos lang niya ang buhok na noo'y humahaba na bago lumabas ng selda.

"Chief, wala pang weekend, ah? Akala ko ba tuwing weekend lang ang dalaw ng parents ko?" may pagtataka niyang tanong. Mga magulang lang kasi niya ang dumadalaw sa kanya nang makulong siya sa bilangguan.

"Hindi naman mga magulang mo ang dalaw mo, eh," sagot ng pulis.

Lalong nangunot ang noo ni Eli sa narinig. "Sino raw?"

"Iyon, oh. . . " Nakangusong itinuro ng pulis ang babae at lalaking nakaupo sa  bench. Magkamukha ang dalawa na pamilyar na rumehistro sa utak ni Eli kung sino ang mga iyon. Hindi niya inaasahan na bibisitahin siya nina Cole at Cassy.

"Bakit sila nandito?" tanong niya sa sarili na narinig naman ng pulis.

"Hindi ka ba handang harapin sila. Gusto mo, sabihin ko na lang na may sakit ka?" suhestiyon ng pulis.

"H-Hindi. Haharapin ko sila."

Huminga nang malalim si Eli. Humugot muna siya ng lakas ng loob na harapin ang dalawa. Pagkatapos noo'y saka pa lamang siya lumapit sa kinaroroonan nina Cassy at Cole na sa mga oras na iyon ay magkatabi sa upuan. Mukhang nasa maayos na kalagayan na si Cole dahil nakakangiti na ito. Hindi nga lang ganoon kalapad ang ngiti nang makita nito si Eli. Samantalang si Cassy naman ay hindi magawang makatingin sa kanya nang umupo siya sa harapan nilang dalawa. Para bang ilang pa rin ito sa kanya. Wala namang magagawa si Eli kung ganoon pa rin ang tingin ni Cassy sa kanya — isang hamak na mamamatay-tao.

Muntik na niyang mapatay ang kakambal nito kaya tama lang siguro na hindi siya kibuin ng dalaga. Mabigat din naman para kay Cassy ang mga nangyari lalo pa't alam nagkaroon sila ng malalim na pagtitinginan sa loob ng mahabang panahon.

"Kumusta?" tipid ang ngiting salubong ni Eli sa dalawa. Hindi niya alam kung iyon ang tamang sabihin pagkatapos ng lahat ng masasamang nangyari pero kung wala siyang sasabihin ay baka isipin ng dalawa na hindi siya handang harapin ang mga ito at pagsisihan ang lahat.

Ilang segundong natahimik ang kambal na tila ba naghihintayan kung sinong sasagot sa pagbati niya. "Okay lang." Unang nagsalita si Cole.

"Ahm. . . kung may gusto kayong—"

"Gusto ko lang magpasalamat sa 'yo, Eli, Pare," kaagad na saad ni Cole na ikinagulat ng dalawa. "Alam ko kasing ikaw ang nagdala sa akin sa ospital at nagbayad ng bills. Hindi ko alam kung paano ko mababayaran ang kabutihan mo. Kung ibang tao iyon, baka tinakbuhan na ako at isa na ngayong malamig na bangkay." Buong akala ni Eli ay sukdulan ang galit na nararamdaman sa kanya ni Cole. Hindi niya akalaing pagkatapos ng aksidenteng kinasangkutan niya na muntik nang ikapahamak ni Cole ay magagawa pa rin nitong patawarin siya.

"Humihingi ako ng pasensya sa nagawa ko sa iyo. Actually. . . sa inyo ng kapatid mo," saad ni Eli, tumingin pa ito kay Cassy.

"Hindi mo na kailangang humingi ng tawad. Napatawad na kita. Ang totoo niyan, kaya kami narito ay para rin magpasalamat sa iyo. Hindi natanggal ang scholarship ko sa MU dahil sa pakiusap mo sa ama mo at puwede pa raw akong pumasok ro'n next school year na scholar pa rin ako. Alam mo bang pangarap ko ang university na iyon?" Sobrang layo ng personalidad ni Eli kay Cole. Mapagpatawad at mabait si Cole habang si Eli naman ay mapagtanim ng sama ng loob pero binago ni Cassy ang ugali niyang iyon. Kaya nakapagtatakang nagustuhan siya ng dalaga.

"Deserved mo naman kasi ang scholarship na iyon. Hindi rin naman ako papayag na basta na lang nila alisin iyon sa iyo," giit ni Eli.

"Salamat, Pare." Saglit na tiningnan ni Cole si Cassy na tahimik lang silang pinakikinggan. "Oo nga pala, sinabi ko rin sa parents ko na iurong ang kaso laban sa iyo. Hindi ka dapat nakakulong dahil aksidente lang naman ang nangyari. Isa pa, hindi mo tinakbuhan ang responsibildad mo sa akin pagkatapos ng aksidente," dagdag pa ni Cole.

"Ang totoo niyan, Pare, muntik na kitang takbuhan noon dahil sa takot. Pero mas nangingibabaw sa akin 'yong pakiramdam na kailangan kitang tulungan. Kaya kahit takot na takot ako noong mga oras na iyon, pinilit ko talagang dalhin ka sa ospital," paliwanag ni Eli.

"Kaya maraming salamat, Pare. Hindi mo ako pinabayaan noong mga oras na iyon."

"Walang ano man."

Halos trenta minutos ding nagkuwentuhan sina Cole at Eli na parang hindi iyon ang una nilang  pag-uusap. Habang si Cassy naman ay wala pa ring imik sa mga nangyayari. Maya-maya lang ay tumunog ang phone ni Cole na kaagad na kinuha sa kanyang bulsa.

"Excuse me. I have to take this call," paalam ni Cole.

"Go on," sagot ni Eli bago tumayo si Cole at lumabas para sagutin ang tawag.

Naiwan sina Eli at Cassy sa bench na hindi man lang nagtitinginan sa mga mata. Katahimikan ang nanaig sa dalawa. Hindi alam kung sinong unang kikibo o may dapat bang kumibo. Pero naisip ni Eli na hindi dapat ganoon ang kahihinatnan ng muli nilang pagkikita ni Cassy.

Tumikhim si Eli bago nagsalita. "Ikaw ba, napatawad mo na ba ako sa nagawa kong kasalanan?"

Natagalan bago makasagot si Cassy. "Hindi ko alam kung pagpapatawad ba ang tawag doon pero hindi na ako galit sa iyo."

"Okay na sa akin iyon. Ang mahalaga, nagkita tayo ulit na wala ka nang sama ng loob sa akin. Huwag kang mag-alala. Kapag nakalabas na ako rito, hinding-hindi mo na ako makikita." May kirot na naramdaman si Eli nang banggitin niya ang huling kataga. Hindi niya kayang kalimutan na lang ang lahat ng pinagsamahan nila ni Cassy pero hindi makatarungan para sa kanya na makasama pa siya ng dalaga pagkatapos ng masasamang alaala.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong ni Cassy.

"My parents decided na ipatapon ako sa abroad after ng mga kagag*hang nagawa ko. Doon na rin ako mag-aaral para daw magtino ako," saad ni Eli.

Hindi niya alam kung bakit bigla na lang tumulo ang luha ni Cassy. Hindi naman nakakaiyak ang sinabi niya dahil alam niyang papabor sa dalaga ang paglayo niya.

"Kahit kailan talaga kayong mga lalaki, ang hilig ninyong mang-iwan!" bulyaw ni Cassy na ikinagulat ng lahat ng nasa loob ng presinto.

Napatayo si Eli na kaagad nilapitan ang dalaga. "Cassy, ano bang nangyayari sa iyo? Bakit. . . bakit ka ba umiiyak?"

"'Di ba, sabi mo, g*go ka? Oo, Eli, g*go ka talaga! Pagkatapos mong iparamdam sa akin na mahal na mahal mo ako, iiwan mo lang din pala 'ko!" Hindi napigilan ni Cassy ang sarili nitong hampasin si Eli sa dibdib pero kaagad niya itong hinawakan sa magkabilang braso at niyakap nang mahigpit.

"You have no idea how much I love you. Pero pinapangako ko sa iyo, bagong Eli na ang makikita mo pagbalik ko," wika ni Eli.

"Promise mo sa akin 'yan, siraulo ka."

"Yes. I promise."

🔖THE END🔖

MU Series: The Gentle BullyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon