Sa Ating Dalawa
Sumisilip na ang kulay kahel na ulap, patunay na malapit na ang paglubog ng araw.
Isang umaga na naman ang lumipas magbuhat nang tayo'y magkalayo sa isa't isa.
Ngayo'y ikaanim na taon nang ako'y mabighani sa iyong magandang tinig at mapupungay na mga mata.
Walang segundo sa isang araw na hindi kita naaalala. Ang iyong tinig, titig, at tindig ay namamayagpag pa rin sa aking isipan.
Pagod na ang mga mata't katawan ngunit pinipiling maging malakas ang puso, sa pag-asang ika'y babalik.
Isang taong pagsasama nang walang kasiguraduhan. Ako'y nalilito ngunit masaya sa piling mo.
Ang iyong presensya ay hindi ko pa ramdam, at tanging kaibigan lamang kung ika'y ituring. Hindi malalim at hindi espesyal ang damdamin ko para sa'yo.
Ngunit sa isang iglap, nagising na lamang ako. Ang maingay kong mundo ay biglang tumahimik pero hindi naging payapa.
Araw-araw akong binabalikan ng bungisngis mo. Minu-minuto kang dadaan sa utak ko. At bawat segundo ay naaalala ka ng puso ko.
Nang ika'y nawala, saka ko lang napagtanto ang bagay na aking sinayang. Ako'y natutulala at napapatanong na lamang sa sarili.
"Kailan ba ako magiging totoo at sigurado sa nararamdaman ko. Kung kailan ba wala na sila, saka pa ako magdudusa?"
Ayokong sumugal dahil hindi pa malalim ang nararamdaman ko. Hindi pa ako sigurado noon.
Ngunit sana'y nanatili ka hanggang magkaroon ng kalinawan ang puso kong naguguluhan.
Ako'y napagiwanan at patuloy na naghintay sa loob ng ilang taon. Walang araw na hindi ka nawala sa aking puso. Ang iyong mga ngiti ay hindi nabubura sa aking isipan.
Ngunit walang makakapantay sa tinig mong kay gandang pakinggan na animo'y musika sa aking pandinig.
Wala ka na sa aking tabi ngunit nananatili pa rin ang iyong presensya sa aking piling. Tunay ngang kakaiba ka sa lahat na aking nakilala.
Tanging ikaw lamang ang lalaking hiniling ko sa Diyos, na sana'y muling magbalik. At nangangako akong hindi na mauulit ang mapait na ating sinapit.
Tadhana nga kung maituturing ko ang muli nating pagtatagpo matapos ang ilang taon, sa parehong paaralan na una kitang nakilala.
Napahawak ako sa aking dibdib habang nakatitig sa iyo sa malayo sabay bulong,
"Pinakinggan na ba ng Panginoon ang aking munting hiling?"
Labis labis na saya ang aking naramdaman. Animo'y parang timbol na walang tigil sa pagkabog ang aking puso.
Ngunit sa iyong pagdating, tila ang lahat ay nagbago. Kakaiba ka na. Hindi na ikaw ang dating masayahing nakilala ko.
Isang ngiti ang aking inasahan mula sa iyo katulad ng lagi mong ginaggawa, ngunit iba na ngayon, sinalubong mo ako ng blankong ekspresyon mo.
Napupuno na ng lamig ang iyong mga titig at walang emosyon ang iyong mga mata.
Malayong-malayo sa dating ikaw, nung una kitang makilala.
Isang reaksyong hindi ko mabasa ang tunay mong nararamdaman.
Nagdidigmaan ang mga katanungan sa aking isipan.
Masaya ka bang makita ako o nagbabalik bang muli ang bangungot ng ating nakaaran.
Sa loob ng anim na taong paghihintay ko sa iyo, tinapos mo ang aking kahibangan sa anim na segundong titigan natin.
Walang salita. Sa iyong mga mata ko lang pala malalaman ang mga kasagutan sa matagal ko nang katanungan.
At kahit hindi mo buksan ang iyong bibig, naririnig ko pa rin ang sigaw ng iyong mga titig.
Sa pag-iwas ng aking tingin, walang alinlangan ang pagbagsak ng mga luha ko mula sa aking mga mata.
Marahil ay tuluyan nang natanggap ng puso ko ang totoo...na hindi talaga tayo ang nakatadhana.
Sa iyong pagdating ay siyang pagkawala ng pagmamahal na aking tinago sa ilang taon, pagka't nandito na sa harapan ko ang kasagutan.
Ngayo'y napagtanto ko na, sa iyong mga mata.
Ako lang pala ang umasa.
Ako lang pala ang naghintay.
Ako lang ang nagmahal
......sa ating dalawa.
- Ellie, 2023
YOU ARE READING
Too Late, Ellie
Teen FictionEllie Rivera A woman with assurance. Reliance on people isn't her job as she is always sure of every decision she make. A girl who pushes herself too much to something she like. She was doing fine, not until she met a man. Will she be true to hersel...
