Palagi
Bagong taon. Walang bago, ikaw pa rin. Ikaw lang talaga. Bagong taon ngunit walang pagbabago ang aking pagtingin sa'yo.
Walong taon na pala akong tahimik na humahanga sa'yo. Hindi naman kita nakikita, nahahawakan o nakakausap.
Hindi rin naman tayo magkaibigan dati. Ngunit bakit....bakit ang lakas pa rin ng kapit ko sa'yo kahit hindi naman naging tayo?
Bakit ba hindi pa rin kita nakakalimutan.....
Habang umuusad ang mga araw, mas lalo lamang lumalalim ang aking pagtingin sa'yo kahit pa ilang taon na kitang hindi nakasama.
Nakakatawa nga e.
Masaya na ang mga kaibigan ko. Papalit-palit na sila ng mga taong iibigin at masaya naman sila sa kanilang pinipili.
Ngunit ako'y nagpapakalunod pa rin sa pagmamahal ng isang taong hindi maibibigay sa akin kahit kailan.
Nakakatangang pag-ibig.
Gayonpaman, nais kong iyong mabatid ang aking damdamin. Sa ilang taong hindi kita nakasama, masaya ako sa minsang pagsasalubong pa rin ng ating mga landas.
At sa tuwing nangyayari iyon, maituturing na isang magandang pagkakataon upang ika'y aking masilayan saglit.
Ngunit sa ilang beses nating pagtatagpo, ilang beses ko na ring sinayang ang mga pagkakataong iyon.
Gustuhin ko man, ayokong umasa lamang sa wala. Hindi ko kayang titigan ka sa iyong mga mata, sapagkat ako'y nanlalambot.
Sa tuwing nagkakasalubong ang ating mga titig, nakikita ko sa mga iyon ang kasiyahang nararamdaman mo ngayon sa piling niya.
Alam kong ika'y may iniibig na, at ako'y hindi nais panghimasukan ang matibay ninyong relasyon.
Ang aking paghanga sa iyo ay magsisilbing isang alaalang hindi ko nais pakawalan. Isang kasiyahang sa sandali ko lang nararamdaman.
Hindi ko nais tanggapin ang katotohanang mayroon ka nang iniibig. Hindi ko nais pakinggan na ika'y may iba nang mahal.
Ngunit kailangan....sapagkat iyon ang katotohanan. Masakit ngunit kailangang tanggapin.
Hindi ko nais nang magmahal pa ng iba. Kahit may iba ka man, ikaw palagi ang aking gugustuhin.
Nakakatawa. Marahil ako'y nababaliw na nga sa pagmamahal na ito. Nakakainis.
Marahil sadyang manhid lang talaga ako o talagang tanga na umaasa pa rin sa'yo.
Ikaw ba ay isang mangkululam? Anong inumin ang iyong ibinigay sa akin at bakit ako'y baliw na baliw pa rin sa'yo.
Maaari ko rin bang ipainom sa iyo ang inuming iyon nang sa gayo'y iyong maramdaman ang aking pag-ibig.
Upang akin namang maranasan ang mahalin at kabaliwan ng isang tao. At upang aking maranasang ibigin nang palihim kahit ilang taon na ang lumipas.
Walang palya. Ikaw lang talaga.
Dumating man ang ibang ginoo, mananatili ang binibini sa kanyang iniibig.
Ngunit hindi ko sisirain ang matibay mong koneksyon sa iyong mahal. Nawa'y patuloy ka lang sa pagngiti palagi kahit hindi ako ang dahilan.
Sa loob ng walong taon, ako'y humahanga pa rin sa iyo. Kahit walang pag-asa, gugustuhin pa rin kita.
Ikaw pa rin. Ikaw lang talaga, palagi.
- Ellie, 2025
YOU ARE READING
Too Late, Ellie
Teen FictionEllie Rivera A woman with assurance. Reliance on people isn't her job as she is always sure of every decision she make. A girl who pushes herself too much to something she like. She was doing fine, not until she met a man. Will she be true to hersel...
