❝Maskara❞

9K 296 65
                                        


Kilala mo nga ba ang iyong sarili?

Kung sino ka ngang talaga ay hindi mo rin mawari?

Minsan masaya, madalas ay malungkot,

Ikaw kaibigan, alam mo na ba ang sagot?


Kahit ano'ng gawin, sa paningin nila ay mali,

Lahat na lang ng sabihin sila rin ay may masasabi

Hindi naman pwedeng wala kang pakialam,

Tao ka rin naman, may nararamdaman.


Hindi ka perpekto gaya ng gusto nila,

Hindi man nila sabihin, doon din naman ang punta

Magkamali ka lang kahit isang salita,

Wala ka na namang maihaharap na mukha.


Ano ka nga ba sa kanila at sa mundo,

Naisip mo na ba ang katanungang ito

May misyon nga ba talaga na dapat mong gawin?

Lahat ba ng sabihin nila ay dapat mong sundin?


Kalayaan nasaan, bakit hindi mo maramdaman?

Tunay nga ba ito o isang kathang isip lamang?

Bakit tila ikaw ay naguguluhan?

Ang daming katanungan, walang kasagutan.


Ang akala ng lahat ikaw ay masaya,

Nakangiting humaharap sa bawat umaga

Ngunit kaibigan, totoo nga ang sabi nila,

Napakagaling mong magtago sa likod ng iyong maskara.


Kapag mag-isa na lang, iyo nang tatanggalin,

Ang iyong maskara 't haharap sa salamin

Sana nakikita nila ang tunay mong mukha,

Hindi ang ikaw na gusto mo lang nila makita.


Kaibigan, ikaw pa ba ay umaasa?

Na darating ang panahon na hindi mo na kailangan ang iyong maskara?

Na ikaw ay matatanggap ng lipunang mapanghusga,

At ikaw ay magiging malaya na.


Sa ngayon kaibigan, ito lang ang masasabi ko,

Dumating man o hindi ang panahong iyon sa buhay mo

Karamay mo ang maskarang iyong ginawa,

Para matakpan ng ngiti ang bawat mong luha.


Bawat isa sa atin ay may maskara,

Ang paggamit nito ang siya lamang naiiba

Ngunit ang hangarin natin ay iisa,

Na balang araw ay huwag ng magamit pa siya.

Lyrical Paradox | ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon