Bakit ikaw pa ang taong minahal?
Bakit nasasaktan ng ganito katagal?
Ang mundo ko'y tila bumabagal,
Mahalin mo lang ang tangi kong dasal.
Sa dinami-rami ng maaaring piliin,
Ikaw pa ang ginusto ng pusong malihim.
Hindi ba't nagmumukha na akong sakim?
Hindi pag-aari ngunit aking inaangkin?
Kahit ano'ng pagtulak ang sa'kin ay gawin,
Sunud-sunuran sa'yo na tila alipin.
Mistulang anino sa takipsilim,
Inaangkin ang puso mong hindi mapapa-sa'kin.
Sa bawat araw dinudurog ang aking puso,
Ibinalik sa'kin no'ng ibinigay ko sa'yo.
Sa pagtalikod mo'y hindi namalayan,
Naapakan at nawasak ito nang tuluyan.
Bakit nais mo'ng sa iba ako'y ipaubaya?
Nakikita mo naman na sa'yo ako masaya.
Ganyan ka ba kabulag sa sinasabi mong pag-ibig?
Pag-ibig na pait ang sa'kin ay hatid.
Bakit 'di ka mawaksi sa aking isipan?
Walang pakialam sa'yong nakaraan.
Ang pagsilay ng ngiti sa 'yong mukha lamang,
Katumbas ay buhay sa mundong ginagalawan.
Bakit 'di mo subukang sa'kin ay tumingin?
Handa akong ibigay kahit ano'ng hiling.
Huwag lang ang lisanin at tumigil mahalin,
'Yan ang bagay na hindi ko gagawin.
Bakit wala ng luha ang nais kumawala?
Ngunit ang sakit ay hindi nawawala.
Bakit parang patay na humihinga?
Ngunit buhay kapag ika'y inaalala.
Bakit nagtitiis sa isang tulad mo?
Bakit sarado ang isip ngunit hindi ang puso?
Bakit hinahayaan ang sariling masaktan?
Bakit hindi mo kayang mahalin kailan man?
Bakit?
[ Isa lang naman ang sagot: Kasi mahal kita. ]

BINABASA MO ANG
Lyrical Paradox | ✔
PoetryEnglish and Tagalog Compilation | #3 IN POETRY | The Fiction Awards 2016 Winner © 2016 kyeriella all rights reserved book cover made by @OhWanderlust_