Chapter 24

5.9K 127 7
                                    

 Simula noon ay iniwasan ko na silang lahat. Tinangka pa nila akong kausapin. Pinupuntahan nila ako sa bahay ngunit hindi ko sila pinagbubuksan. Pati tawag at text nila'y hindi ko sinasagot. Masakit sa akin na gawin 'yon pero kailangan. Unreasonable man sa paningin nila ay wala na akong pakialam. Mas lalo kong mararamdaman ang sakit kapag mananatili pa sila sa buhay ko. Sapagkat sila ang magpapaalala sa akin kay Ram.

 Ngunit makulit talaga si Lester.Napilitan akong magpalit ng sim card dahil hindi niya ako tinatantanan. Pati sa mga social media account ko ay nangungulit. Kaya ang ginawa ko, nag-deactivate ako ng mga account.

 Subalit ayaw niya talaga akong tigilan. Lagi niya akong pinupuntahan sa bahay. Kinakalampag ang gate para lang pagbuksan siya. Hindi ko lang pinapansin para isipin niyang walang tao. Hanggang isang araw ay napansin ko ang sasakyan niya sa labas. Inaabangan ang paglabas ko. Kaya naman nitong mga nakaraang araw ay hindi na ako umaalis ng bahay. Pinapagod ko na lang sarili ko sa mga gawaing bahay para kahit papaano'y maging abala ang utak ko. Iyon lang din ang alam kong paraan para makalimutan kahit pansamantala ang sakit na aking nararamdaman. Ngunit may mga pagkakataon talagang pumapasok si Ram sa isipan ko at bigla na lang tutulo ang mga luha sa aking mga mata nang hindi ko namamalayan.

 Isang araw ay napagpasyahan kong pumunta kina Dave para ipaalam na pansamantala'y babalik na muna ako roon. Natitiyak kong matutuwa sila sa pasya ko. Ngunit alam kong magtataka sila. Lalo na si Dave. Gayunpaman ay buo na ang pasya ko na doon na muna. Saka ko na sasabihin kung sakaling magtanong sila. Mag-iisip na lang ako ng ibang idadahilan. Alangan naman sabihin kong may iniiwasan ako. Lalo lang hahaba ang usapan.

 Ayokong dumating pa sa puntong malaman ni Dave ang ginawa sa akin ni Ram. Hindi pa ako handang sabihin sa kanya ang lahat. Ayoko rin silang masaktan. Napamahal na kasi si Ram sa mga magulang ni Dave. Noong maging kami'y ipinakilala ko siya sa kanila dahil sila na ang tumayong magulang ko. Nasundan pa ng maraming beses ang pagsasama-sama namin kasama si Ram. Madalas kasi ay isinasama ko siya tuwing may okasyon sa kanila. At dahil doon ay nahuli niya ang loob ng mga ito. Lalo na si Tita. Wiling-wili siya tuwing kausap niya ito. Minsan ay nasabi niya sa akin na botong-boto siya kay Ram at huwag ko na raw pakawalan.

 Tiyak na malulungkot si Tita kapag nalamang iniwan ako ni Ram para sa ibang babae. Nakita ko ang pagkadismaya sa mukha nito nang hindi nakasama si Ram sa amin noong ipagdiwang namin ang aking pagtatapos. Pinagtakpan ko lang siya noong araw na 'yon. Paano ko naman maaatim na sabihin sa kanila ang lahat nang hindi siya nasasaktan? Bukod pa do'n, ayokong kaawaan nila ako.

 Bago umalis ay sumilip muna ako sa bintana para siguraduhing wala ang kotse ni Lester. Nang masigurong wala ito ay lumabas ako ng bahay at inilock ang pinto. Pagbukas ko ng gate ay laking gulat ko nang bumungad sa harap ko si Lester. Seryoso at ang mga mata'y nakatuon sa akin. Naglakad ako. Kunwari'y hindi ko siya nakita. Ngunit bago pa ako makaiwas ay nahawakan niya ang braso ko at hinila pabalik ng bahay.

"Open this damn door!" mariin niyang utos nang hindi niya ito mabuksan. Kasabay niyon ay ang paghampas ng kamay nito sa pinto. Napapitlag ako sa gulat. Kinuha ko ang susi sa bag. Hinablot niya ito sa akin at siya na ang nagbukas.

 Nang hindi ako tumitinag ay hinila niya ako sa loob at pabagsak na itinulak sa mahabang sofa. Nangingilid na ang mga luha sa aking mga mata dahil sa pagpipigil ng aking emosyon. Yumuko siya para salubungin ang aking tingin.

"Alam mo ba kung gaano mo ko pinag-alala? Hindi mo sinasagot lahat ng tawag at messages ko. Pati mga social media accounts mo dineactivate mo para lang iwasan ako. And I guess nagpalit ka na rin ng sim card." sumbat nito sa akin.

 Hindi ako umimik. Yumuko lang ako. Ayokong salubungin ang mga nanlilisik niyang tingin.

"Bakit mo ba ko ginaganito? Kung galit ka kay Pierre huwag mo kong idamay for crying out loud!"

Surrender Your Heart (Hidden Agenda)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon