- S A R A H -
Tahimik kong pinagmasdan ang makulimlim na kalangitan. At tulad nga ng aking inaasahan, unti-unting bumuhos ang ulan.
Ambon lamang ito. Ngunit alam ko na hindi magtatagal, unti-unti rin itong lalakas.
Inilibot ko ang aking tingin sa aking paligid. Hindi ko alam kung nasaan ako pero kailangan kong makahanap ng masisilungan bago pa tuluyang lumakas ang ulan.
Wala akong makitang kahit isang bahay man lang na maaaring pagsilungan. Kakaunti lang din ang mga punong naririto.
May ilang mga taong naglalakad at napansin kong patungo sila sa iisang direksyon. Lumalakas na ang ulan at unti-unti na akong nababasa kaya't napagpasyahan kong sundan na lamang sila.
Hindi ko alam kung gaano kalayo ang nilakad namin. Basta natagpuan ko na lamang ang sarili ko sa harap ng isang gusali. Sobrang lakas na ng ulan at basang-basa na ako. Hindi ko na kayang magtagal pa sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan kaya't pumasok na ako sa loob.
Malakas na tugtog at nakakasilaw na ilaw ang bumungad sa akin.
Ngayon lang ako nakapasok dito pero alam ko kung ano ang tawag sa lugar na 'to. Base na rin sa mga napapanood ko sa telebisyon at nakikitang litrato sa internet, nandito ako ngayon sa isang bar o club.
Ayon sa pagkakaalam ko, may bayad ang pagpasok sa mga lugar na ganito lalo na't mukhang bigatin ang club na 'to. Buti na lang at hindi ako hinarang nung guard.
Tumingin-tingin ako sa paligid. Baka sakaling may makita akong bakanteng upuan. Ang pangit namang tingnan kung nakatayo lang ako dito. Ang daming tao dito kaya ang hirap maghanap tapos medyo madilim pa.
Sakto namang napatingin ako sa may counter ng bar. Doon ata umo-order ng drinks. Maraming bakanteng upuan. Napangiti ako. Sa wakas, makakaupo na rin ako. Agad akong naglakad papunta roon.
Pero agad ring napawi ang ngiti sa aking mga labi dahil sa senaryong bumulaga sa akin.
Ito na naman yung pakiramdam na yun. Yung sakit. Yung galit.
Biruin mo nga naman. Ang magaling kong boyfriend—- ex-boyfriend —- ay nandito at nakikipaghalikan na naman.
Nakakanlong sa kanya yung babae. Kahit madilim, alam kong hindi siya si Althea. Base pa lang sa pangangatawan niya, hindi siya yun.
BINABASA MO ANG
Pakopya (Published Under Viva Psicom)
HorrorMalaki ang paniniwala ko na hindi naman masamang mangopya. Pero unti-unting nagbago ang paniniwala kong iyon nang unti-unti ring nabago ang buhay ko dahil sa gawaing akala ko'y tama pero nakakasama pala. Mahilig rin ba kayong mangopya tulad ko? Pwes...