"Anong balita? May nahanap ba kayong kahit ano?" tanong ni Shin sa amin ni Darren nang magkita ulit kami sa may terminal. Napagpasyahan kasi naming maghiwalay kanina para magtanong-tanong kung may kakilala ba silang Norelia.
Umiling ako. "Wala eh. Wala daw kilalang Norelia yung mga napagtanungan ko. Or kung meron man, hindi katugma ang itsura dun sa babaeng hinahanap natin." sagot ko.
Napabuntong-hininga si Shin. "Wala rin akong nakuhang matinong impormasyon. Ang hirap kasing maghanap ng tao lalo na kung hindi naman natin alam ang buong pangalan." saad niya.
"Kaya nga eh. Bukas na lang kaya natin ipagpatuloy ang paghahanap?" sabi ko.
"Mabuti pa nga. Tutal wala namang pasok bukas. Tsaka wala nga palang kasama si mommy sa ospital. Baka hinahanap na tayo nun." sang-ayon ni Shin.
Tumango na lang ako bilang tugon. Pagod kong tiningnan ang mga tao sa may terminal. Abala ang lahat sa pagpila at pag-unahan sa pagsakay. Kakatila lamang ng ulan kaya dagsa ang mga sumasakay pauwi na kanina'y nakatambay lang at naghihintay na tumila ang ulan.
Napatingin ako sa nagtitinda ng palamig sa may gilid. Bigla akong nakaramdam ng uhaw. "Teka, bumili muna tayo ng maiinom. Nauuhaw nako." sabi ko at nauna nang lumapit dun sa nagtitinda.
"Manong, isa nga pong palamig." sabi ko. Sumunod sa akin sina Shin at Darren at bumili din ng para sa kanila.
"Saan mo ba nakita si Aling Norelia?" tanong ni Shin sa akin habang inaabot ang sukli niya.
Napaisip ako sandali. "Ang naaalala ko lang, papunta ata ako dito sa sakayan nang makabangga ko siya. Kalalabas ko lang galing sa school noon." sagot ko.
Naputol ang pag-uusap namin ni Shin nang magsalita si manong na nagtitinda ng palamig. "Huwag niyo sanang masamain ang pakikialam ko, pero sino ba yung hinahanap niyo? Kanina ko pa kasi kayo nakikitang paikot-ikot dito." tanong niya.
"May hinahanap po kasi kaming babae na nagngangalang Norelia. Dito po kasi sa may terminal namin siya nakita kaya nagbabakasakali kami na makikita namin siya malapit dito or baka may nakakakilala sa kanya na makakapagsabi kung nasaan siya." sagot ko.
"Norelia ba kamo?" napakamot ng ulo si manong. "Hindi ako sigurado pero... sa tingin ko kilala ko yang hinahanap niyo."
"Talaga po?" excited na saad ko.
"Oo. Si Aling Norelia. Medyo may katandaan na siya at nag-iisa na sa buhay. Palagi siyang nandito sa may terminal at pinapanood lang ang mga tao sa paligid. Ang weirdo nga ng babaeng yun. Iniisip ng iba na nababaliw na siya kasi may mga pagkakataon na kung ano-ano na lang ang sinasabi niya. Sinasabi rin niya na nakikita raw siya ng multo." sabi ni manong sabay tawa.
Nagkatinginan kami ni Shin. Mukhang yun na nga ang Noreliang hinahanap namin. Bumaling ulit ako kay manong. "Alam niyo po ba kung nasaan na siya ngayon?" tanong ko.
"Nitong mga nakaraan, hindi na siya naglalagi dito sa terminal. Ilang linggo ko na rin siyang hindi nakikita." sagot niya.
"Ganun po ba?" nanghihinayang na saad ni Shin.
May bumili ng palamig kaya pinagbilhan muna iyon ni manong bago siya muling nagsalita. "Huwag kayong mag-alala. Alam ko kung saan siya nakatira. Baka pwede niyo siyang puntahan doon." nakangiting saad nito.
***
"Sigurado ka ba sa pinuntahan natin?" tanong ko kay Shin habang pinagmamasdan ang paligid. Inabutan na kami ng dilim sa paghahanap sa bahay ni Aling Norelia. Iilan lamang ang mga posteng nagbibigay liwanag sa daan at magkakalayo pa ang distansya ng mga ito. Kakaunti lang din ang mga bahay na nandito sa gawing ito ng kalye.
BINABASA MO ANG
Pakopya (Published Under Viva Psicom)
HorrorMalaki ang paniniwala ko na hindi naman masamang mangopya. Pero unti-unting nagbago ang paniniwala kong iyon nang unti-unti ring nabago ang buhay ko dahil sa gawaing akala ko'y tama pero nakakasama pala. Mahilig rin ba kayong mangopya tulad ko? Pwes...