Revenge.
Hindi ko maintindihan. Bakit gustong maghiganti ni Shiara? Para saan? Para sa sarili niya? Para sa akin? Para kanino? Siya ba ang maghihiganti o may iba pa? Ano ba talagang dahilan niya at bakit niya ginagawa ang lahat ng ito?
Ang daming tanong na naglalaro sa isipan ko na halos hindi ko na alam kung ano pa ba ang dapat kong isipin at alalahanin. Pakiramdam ko ay tatakasan na ako ng bait anumang oras sa sobrang dami ng bumabagabag sa isipan ko ngayon. Ang tanging nagbibigay lakas na lang sa akin na kumapit sa realidad ay ang pamilya ko at ang takot na nararamdaman ko.
"Paalis na po sana kami ng school noon nang makarinig kami ng sigaw at ilang mga ingay. Napatingin po kami sa pinanggalingan ng ingay at nakita po namin yung babae na nahulog sa building." napatingin ako doon sa babaeng nagpapaliwanag. Mahaba at kulot ang kanyang buhok. May katabi pa siyang isang babae na medyo maikli naman ang buhok at naka-layered. Hindi ko sila ka-batch kaya marahil ay third year students sila.
Napatingin naman ako doon sa pulis na nagtatanong. Nandito pa rin kami sa school hanggang ngayon. Maraming pulis ang nagkalat sa paligid. Nagkakagulo rin ang mga guro at ilang trabahador ng paaralan. Nakita ko ang aming principal na mukhang alalang-alala sa nangyaring insidente.
Sinulyapan ko ang construction site kung saan nahulog si Karen. May nakapalibot na ditong kulay dilaw na nagsisilbing harang para walang makapasok maliban sa mga nag-iimbestigang pulis.
"Miss." bumaling akong muli doon sa pulis nang tawagin niya ako. "Isa ka sa mga naging saksi sa nangyari sa biktima. Maaari mo bang sabihin kung ano ang nakita mo?" tanong niya.
Medyo natigilan ako sa itinanong niya. Huminga muna ako ng malalim bago sumagot. "G-galing po ako sa library. Humiram po ako ng ilang libro para sa research namin. Pauwi na rin po ako noon nang mapadaan ako sa bahaging iyong kung saan ginagawa yung bagong building." paliwanag ko sabay turo doon sa ginagawang gusali. "Nakita ko po doon sa may fourth floor si Karen na may inaabot na papel. Tapos... bigla na lang po siyang nahulog."
Pinanood ko yung pulis habang isinusulat ang mga sinabi ko. Ayokong magsinungaling... I mean, totoo naman lahat ng sinabi ko. Pero hindi ko sinabi ang buong katotohanan. Sa bagay, wala rin namang maniniwala na itinulak si Karen ng isang multo kaya siya nahulog.
Tumingin ulit sa amin yung lalaki pagkatapos niyang magsulat. "Sige, salamat. Pasensya na sa abala. Ipapatawag na lang kayo kapag may kailangan pang itanong tungkol sa kaso. Sa tingin ko at base na rin sa mga impormasyong nakalap, mukhang aksidente ang nangyari. May pananagutan dito ang paaralan kasi nagsagawa sila ng ganyang klase ng aktibidad kahit alam naman nilang delikado dahil may mga estudyante sa paligid." paliwanag ng pulis habang umiiling. "May mga pulis na maghahatid sa inyo pauwi. Sila na din ang bahalang magpaliwanag kung saka-sakaling magtanong ang inyong mga magulang." sabi niya.
Maya-maya pa'y may mga pulis na dumating para sunduin kami. Sumakay na ako sa police car at kinalong ang aking backpack.
BINABASA MO ANG
Pakopya (Published Under Viva Psicom)
HorrorMalaki ang paniniwala ko na hindi naman masamang mangopya. Pero unti-unting nagbago ang paniniwala kong iyon nang unti-unti ring nabago ang buhay ko dahil sa gawaing akala ko'y tama pero nakakasama pala. Mahilig rin ba kayong mangopya tulad ko? Pwes...