"Hey, relax lang." napatingin ako kay Darren nang bigla niyang hawakan ang nanginginig kong mga kamay.
"S-Sorry. Kinakabahan lang kasi talaga ako." sabi ko. Nasa jeep kami ngayon at papunta sa ospital kung nasaan si mommy. Nasa kanan ko si Darren at nasa harapan ko naman si Shin.
Napatingin ako sa kapatid ko. Pasulyap-sulyap siya sa may bandang harapan ng jeep at sa may bintana para malaman kung malapit na kami. Parehas kaming kinakabahan para sa kalagayan ni mommy.
Nang tumigil ang jeep sa harapan ng hospital, agad bumaba si Shin kahit hindi pa tuluyang tumitigil ang jeep. Napamura tuloy yung driver at biglang napatapak sa brake. Humingi na lang ako ng paumanhin at nagmamadaling bumaba at sumunod kay Shin.
"Miss, nasaan po si Angeli De Jesus?" tanong ni Shin doon sa nurse.
"Ah, nasa room 463 po." sagot nung babae. Pagkasabi niya noon ay agad naglakad si Shin paalis. Nakasunod lang kami ni Darren sa kanya.
Pagkarating namin sa may room 463, naabutan naming may nakabantay doong isang pulis. Sakto lang ring may lumabas na doktor mula doon sa kwarto.
"Kayo po ba ang tumingin kay mommy? Kamusta na po siya?" tanong ni Shin doon sa doktora.
Medyo nagulat yung doktor sa biglang pagsulpot namin. Pero kaagad rin naman siyang sumagot. "Si Angeli De Jesus ba ang tinutukoy niyo?" tumango kami. "Oo, ako ang tumingin sa kanya. Nagkaroon ng ilang galos sa katawan ang pasyente at nagkaroon rin ng bali ang kanyang kanang braso. Other than that, there's no serious injury na dapat ikabahala."
Nakahinga ako ng maluwag. "Salamat naman." saad ko.
"Hindi pa rin nagkakamalay ang pasyente pero pwede niyo na siyang puntahan sa loob. Magsasagawa pa kami ng ilang tests para makasiguradong walang ibang pinsala sa kanyang katawan. Ang maipapayo ko muna sa ngayon ay ang pagpahingahin ang mommy niyo para madali siyang gumaling lalo na ang napilay niyang braso." sabi ng doktor.
"Salamat po, dok." sabi ni Shin.
"Walang anuman. Sige, mauna na ako." sabi ng doktor at tuluyan na itong umalis.
"Kayo ang mga anak ni Angeli, diba?" napatingin kami doon sa pulis na lumapit sa amin. "Gusto ko lang ipaalam sa inyo na naglahad ng pahayag yung nakabangga sa mommy niyo. Ang sabi niya, sasagutin niya raw lahat ng bayarin dito sa ospital at handa raw siyang magbayad para sa pinsalang nangyari. Kasalukuyan siyang nakadetain ngayon sa presinto. Nais naming malaman kung magsasampa kayo ng kaso." saad nito.
Nagkatinginan kami sandali ni Shin. At sa tinginan naming iyon, alam kong parehas kami ng desisyon. "Hindi na po. Sapat na po yung pagsagot niya sa pagpapagamot kay mommy. At tsaka hindi naman masyadong malala ang nangyari sa mommy namin. Ang mahalaga ay buhay siya at ligtas namin siyang nahanap." sabi ni Shin.
Tumango yung pulis. "O sige. Yun lang ang ipinunta ko dito. Babalik na ako sa presinto. Masaya ako't nakita niyo na rin ang nanay niyo. Sabihin niyo na lang kung may kailangan kayo."
Nagpasalamat kami sa kanya tapos pumasok na kami doon sa kwarto kung nasaan si mommy. Nang makita ko siyang nakahiga sa kama, hindi ko na napigilang hindi umiyak dahil sa halo-halong saya, lungkot, takot at pag-aalala.
Matagal-tagal na rin naming hindi nadadalaw si mommy lalo na si Shin kasi nasa ibang siyudad siya. At ngayon ko lang napagmasdang mabuti si mommy. Ang putla niya at mas payat na siya kaysa noong huli ko siyang nakita.
BINABASA MO ANG
Pakopya (Published Under Viva Psicom)
HorrorMalaki ang paniniwala ko na hindi naman masamang mangopya. Pero unti-unting nagbago ang paniniwala kong iyon nang unti-unti ring nabago ang buhay ko dahil sa gawaing akala ko'y tama pero nakakasama pala. Mahilig rin ba kayong mangopya tulad ko? Pwes...