Pakopya 38

14.2K 455 81
                                    

Pinasadahan ko ng huling tingin ang hawak kong test paper at ibinaba ito sa desk kasama ng aking ballpen. So far, satisfied naman ako sa sagot ko kahit papano.



Inilibot ko ang tingin ko at nakita ang mga kaklase kong todo sagot pa rin maliban kay Darren na nakaubob lang sa desk niya. Mukhang hirap na hirap ang mga kaklase ko sa pagsasagot. Ang iba'y nakatulala lang sa mga test papers nila.



Napabuntong-hininga ako. Sobrang hirap kasi ng test na ibinigay sa amin. Bukod sa hindi ito inannounce, hindi pa rin namin nadidiscuss ang topic na ito tapos biglang may exam pala. Buti na lang talaga at mahilig akong magbasa ng mga susunod na lessons dahil kung hindi, ewan ko na lang kung maipapasa ko 'to.



Maya-maya ay nagpaalam ang teacher namin na lalabas lang sandali at may kukuhanin. Saktong pagkalabas niya, agad nagkagulo ang mga kaklase ko.



"Anong sagot sa number 10?"

"Shit ang hirap! Halos pigain ko na ang utak ko sa kakaisip pero wala namang lumalabas!"

"Share-share naman kayo ng sagot diyan. Bilisan niyo't baka bumalik na si Ma'am."

"Teamwork na ito guys."



Napailing na lamang ako sa mga pinag gagagawa ng mga kaklase ko. Nagbubulungan pa eh ang lakas-lakas naman. Tapos nakita kong may pinagpasapasahan silang test paper. Kung kanino man yun, sana lang tama ang mga sagot niya. Mahirap kasi yung nangopya ka na nga lang ng sagot, mali pa yun kinopyahan mo. Eh di pare-parehas lang na bagsak ang kalalabasan niyo. Hay nako.



"Papalapit na si Ma'am!" sigaw ng isa kong kaklase na nakaupo malapit sa may pintuan. Agad nagsibalikan ang lahat sa kani-kanilang upuan at pumwesto na para bang seryosong-seryoso sila sa pagsasagot. Napatawa na lang ako ng bahagya at sumandal sa aking upuan. Huling subject na namin ito ngayong araw. Ilang minutes na lang naman at dismissal na.



Nang matapos ang klase, inayos ko na ang mga gamit ko. Uuwi muna ako sa bahay para magpalit ng damit bago pumunta sa ospital. Friday ngayon kaya uuwi si Shin dito. Weekends lang kasi siya pwedeng pumunta. Buti na lang at paminan-minsa'y nababantayan ni Tito Zach si mommy lalo na't may pasok ako tuwing weekdays.



Halos isang linggo na rin si mommy sa ospital. Sabi ng doktor, pwede na raw siyang lumabas bukas or sa makalawa tutal naman pagaling na yung bali at mga sugat niya. Medyo natagalan rin ang pananatili niya sa ospital dahil chineck-up pa siya ng isang psychiatrist to know if she's really mentally fine. Fortunately, ayos naman ang mga resulta.



Hinintay ko munang makaalis ang mga kaklase ko bago ako lumabas. Dumiretso na rin ako sa locker ko para mag-iwan ng gamit.



"May payong ka?" gulat akong napabaling kay Darren na bigla-bigla na lang sumulpot sa tabi ko. Inayos ko muna ang pagkakalagay ng gamit ko sa locker at isinarado ito.



"Wala. Bakit?"



"Good." sabi niya. Napakunot-noo ako. "I mean, good thing na lang at may payong ako. Umuulan kasi." mabilis niyang saad.



Napasilip naman ako sa labas at nakitang umuulan nga. "Hala, oo nga." napasimangot ako. "Bakit ba ngayon ko pa naisipang hindi magdala ng payong?" iritadong saad ko. Hindi naman super lakas ng ulan pero mababasa pa rin ako nito for sure. Kainis.



"Sumabay ka na lang sakin. Pupunta kang hospital, diba?" tanong ni Darren.



"Oo pero dadaan pako sa bahay. Hihintayin ko na lang na tumila ang ulan or manghihiram na lang ako sa iba---"



"Huwag na. Ihahatid na kita." sabi niya sabay hawak sa kamay ko at hatak sa akin.



Lumabas kami ng locker area. Nag-init ang aking mukha nang mapansing nakahawak pa rin siya sa kamay ko. Hindi ko mapigilang hindi siya sulyapan. Seryoso lang ang itsura niya at diretso ang kanyang tingin sa nilalakaran namin. Nang nasa may bukana na kami ng building, binitiwan na niya ang kamay ko para kuhanin at buksan ang payong niya. Napanguso ako at inilagay ang aking kamay sa isa kong bulsa bago kami nagpatuloy sa paglakad.



"What are the things that you like?" biglang tanong ni Darren. Hindi ako agad nakasagot. Things that I like? Ikaw sana, kaya lang hindi ka naman bagay.



I mentally cringed. Ang corny ng mga iniisip ko. Ipinilig ko ang aking ulo at iwinaglit ang mga kabalbalang nasa utak ko at nag-isip ng matinong sagot sa tanong ni Darren. "Books?" sagot ko.



"Anything else? Like accessories, clothes, bags, or any girly stuff?" tanong niya ulit.



Napangiwi ako sa mga binanggit niya. "Girly stuff? I hate those to be honest. Ni hindi nga ako girly eh. Buti sana kung makakain ko yun." sagot ko.



Nakita ko sa gilid ng aking mata ang bahagya niyang pagtawa. Napangiti na rin ako. Ang sarap kasing pakinggan ng tawa niya which is once in a blue moon lang ata niya gawin. At mas lalo siyang guma-gwapo kapag nakangiti or tumatawa siya. Nakakaiyak lang.



Biglang nagring ang cellphone ko. Agad ko naman itong sinagot pagkakita ko sa pangalan ni Shin.



"Hello, Shin."



"Nasaan ka ngayon?"



"Nasa school pa. Bakit? Nandito ka na ba?" tanong ko.



"Oo, kararating ko lang. Pumunta ka dito sa may terminal. Sa tingin ko alam ko na kung sino yung Norelia na pinapahanap ni mommy sa atin."



Nanlaki ang mga mata ko. "Talaga? Nahanap mo na ba siya?"



"Hindi pa. Pero pakiramdam ko siya yung babaeng nakausap ko dito sa may terminal dati. Naalala ko kasi na may kumausap sa aking weird na babae noon. Alam niyang may kakambal ako at may mga kung ano-ano pa siyang sinabi na hindi ko na masyadong matandaan. Basta malakas ang kutob ko na siya nga yon. Simulan natin ang paghahanap dito sa may terminal. Baka may nakakakilala sa kanya dito."



"O sige. Kasama ko si Darren---"



Naputol ang pagsasalita ko nang may biglang sumagi sa akin. Muntik pa akong madulas dahil basa ang semento. Buti na lang at nahawakan ako ni Darren. Nagsisilabasan na rin kasi ang ibang year levels kaya ang daming estudyanteng nagkalat. Humingi ng paumanhin sakin yung babae at nginitian ko lang siya.



"Okay ka lang?" tanong ni Darren. Tumango ako pero parang may bigla akong naramdamang kakaiba. Something like... déjà vu?



Natigilan ako nang may bigla akong maalala dahil sa nangyari kanina. Kung tama ang pagkakaalala ko, may nakabangga rin akong babae noon. Inisip ko pang nababaliw yung babae dahil kung ano-anong sinabi niya na may mangyayari daw masama at kung ano-ano pa. Napasinghap ako nang may unti-unti akong narealize.



"Sarah? Sarah, nandyan ka pa ba? Hello?!"



"Hello, Shin. Nandito pako. Pasensya na. May nakasagi lang sakin kanina." sagot ko. "Mukhang natatandaan ko na rin kung kelan at kung saan ko nakita yung babaeng sinasabi ni mommy. Mukhang tama ngang kilala niya tayong parehas." sumulyap ako kay Darren na nakatingin lang sakin at inilayo muna ang cellphone sa akin. "Sasama ka ba sakin?"



"Oo, sasama ako." walang pag-aatubiling sagot ni Darren.



Itinaas ko ulit ang cellphone sa may tenga ko. "Sandali lang, hintayin mo kami. Pupunta na kami diyan." sabi ko kay Shin.

Pakopya (Published Under Viva Psicom)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon