Pakopya 13

24.8K 556 58
                                    

- S H I N -


Sampung minuto.



Hindi ko alam kung naka ilang tingin na ako sa relos na suot ko. Basta sampung minuto na lang bago ako makarating sa destinasyon ko.



Hindi ako mapakali sa kinauupuan ko. Kung pwede lang sanang paliparin ang bus na sinasakyan ko, kanina ko pa yun ginawa. Nakatanggap kasi ako ng text kanina galing sa kaibigan ng kapatid ko. Hindi ko alam ang lahat ng detalye basta ang naintindihan ko lang ay may pinatay raw. Natakot ako kaya agad akong umalis para puntahan ang kakambal ko. Buti na lang at simula na ng isang linggong bakasyon namin kaya wala akong dapat alalahanin sa school.



Limang minuto pa. Grabe, kapag talagang nagmamadali ang isang tao, parang ang bagal ng oras.



Pagkarating namin sa estasyon, agad kong kinuha ang bag ko at bumaba.



Ang laki ng estasyon na 'to. Dito mo mahahanap lahat ng pwede mong sakyan papunta sa iba't-ibang lugar. Malapit rin ito sa school nina Sarah. Kahit walang pasok ngayon, dagsa pa rin ang mga tao na babalik sa kani-kanilang mga probinsya o kung saan mang lugar na gusto nilang puntahan ngayong bakasyon.



Pamilyar na ako sa lugar na 'to dahil palagi akong pumupunta dito para dalawin si Sarah at yung nanay namin.



Medyo mahirap makalabas ng estasyon dahil siksikan ang mga tao. Nagtutulakan pa nga ang iba. Sa awa naman ng Diyos ay nakalabas rin ako.



Kinuha ko ang panyo ko sa aking bulsa at pinunasan ang pawis na tumulo mula sa aking noo. Medyo malayo-layo dito ang estasyon ng pulis kaya sasakay na lang ako ng tricycle para mas madali akong makarating doon.



Pupunta na sana ako sa pila ng mga tricycle pero biglang may humawak sa braso ko. Lumingon ako at nakita ang isang matandang babae. "Bakit po?" tanong ko.



"Mag-iingat ka. Natatanaw ko ang masamang kasasadlakan ng iyong pamilya at ng lahat ng taong may kaugnayan sa babaeng mapag-imbot." saad niya sa mababang tono.



"Babae? Sinong babae? Ano po ba yang sinasabi niyo?" nagtatakang tanong ko.



"Mayroon na siyang napatay. Huwag mong hintayin na isunod ka niya at ang kakambal mong babae. Hindi siya matatahimik hangga't hindi niya nagagawa at natutupad ang kanyang nawasak na mithiin. Kumilos na kayo hangga't maaga pa bago niya kayo isa-isahin." bulong niya.



Kinilabutan ako. "Hindi ko po kayo maintindihan. Pasensya na po pero kailangan ko ng umalis." sabi ko at nagmamadaling tumalikod.

Pakopya (Published Under Viva Psicom)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon