Chapter 10

27 6 2
                                    

"Libreng Prutas"

Isang araw, may naisip sina Filipinya at Treet. Napagdesisyunan nila na manguha ng mga nakakalat na prutas sa kalsada. Ang mga Nanay nila ay abalang abala sa mga gawaing bahay habang si Spud naman ay maghapon lang naglalaro ng basketbol. Naisip nila na hindi yun patas, kaya bumuo sila ng isang plano. Magdamag silang gising sa gabi at tulog naman hanggang sa tanghali. Sa tuwing gigisingin sila ni Nanay, nagpapanggap sila na natutulog. Nagpatuloy ang paglalarong iyun ng mga bata hanggang sa pagkatapos ng tanghalian, kung kailan madalas umiidlip si Nanay.

Nang makatulog si Nanay, kumuha ng pagkain at tubig si Filipinya at dali daling hinanap si Treet, na siya ring nagpanggap sa kanyang Nanay. Naglakad sa kagubatan ang mga batang babae upang makaiwas sa kalsada. Nagkita sila sa malaking bato.

"Pumunta tayo sa bahay na yon at tingnan natin kung walang aso" ang sabi ni Filipinya kay Treet.

Pagdating nila sa bahay, tahimik ang bakuran at walang mga aso na nakabantay. Hitik na hitik sa bunga ang mga puno. Maraming prutas gaya ng mangga, cacao, tambis, saging at lomboys. "Sa tingin ko hindi naman mahahalata nung matandang lalaki kapag kumuha tayo ng ilang bag ng mga yan diba, Pinya?"

"Uh, Hindi ko alam Treet."

"Tara na Pinya, nagsasaya lang naman tayo oh. At isa pa, gutom na ako."

"Oo sa tingin ko tama ka. Ikaw na ang mauna kasi mas mabilis ka sa akin. Baka kasi may dumating na mga aso, baka natutulog lang sila."

"Ok, sandali lang. Titingnan ko kung papalapit na yung matandang lalaki o yung kanyang mga aso."

Lumiban si Treet sa bakod at tumakbo papunta sa taniman. Nagtago siya sa halamanan para masigurong walang tao sa paligid. Pagkatapos ng ilang minuto, kinawayan ni Treet si Filipinya na agad namang tumakbo papunta sa mga puno. "Bilisan mo Pinya, punuin mo na yang bag mo. Pupunuin ko rin tong bag ko."

Ang hindi alam ng mga batang babae, pinanonood pala sila ng matanda mula sa loob ng bahay nito. Binigyan pala nito ng buto ang kanyang mga alagang aso at saka ikinulong sa kwarto. Napansin niya na noong mga nakaraang araw, bigla nalang nawawala ang kanyang mga tanim na prutas kaya nag-isip siya ng bitag. Alam kasi niyang hindi niya kayang habulin ang mga bata kung sakaling tatakbo ang mga ito. Noong kamakailan ay sinubukan din niyang habulin ang ilang mga bata pero nalaglag ang mga prutas na sinungkit ng mga ito kaya nawalan siya ng ebidensya.

Kaya ngayon, naghintay muna siya, nanood at itinago ang kanyang mga aso. Pinuno ng mga batang babae ang kanilang mga bag at tumakbo sa kalsada pauwi sa kanilang bahay. Itinago ng mga bata ang kanilang mga bag sa ilalim ng kama at naging abala hanggang sa hapunan.

"Pinya, Spud, maghugas na kayo ng kamay para sa hapunan. Nandito na si Tatay."

At gaya ng ginagawa nila gabi gabi, nakisali rin sina Lolo at Lola sa hapunan. Mas masaya ang kanilang hapunan kapag sama-sama at kapag naririnig nila ang mga kwento ni Lolo.

Sinabi ni Tatay, "Ok, salamat po sa pagkain." At biglang may kumatok sa pinto.

Inutusan ni Nanay si Filipinya na buksan ang pinto, at kung si Treet iyon ay imbitahan na rin niyang makisalo sa hapunan. Binuksan ni Filipinya ang pinto, ngunit hindi iyon si Treet, halos mahimatay na si Filipinya dahil sa kaba. Sinabi ng matandang magsasaka, "Well hello Pinya! Nagkita ulit tayo. Sa tingin mo ba hindi kita naaalala?"

Sumigaw si Nanay, "Sino ba yan? Sabihin mo ay makisali na sa atin dito." Hindi nakasagot si Filipinya at pumasok ang matandang lalaki. Kumuha ito ng isa pang bangko at nakisali sa hapag kainan.

Ang Pakikipagsapalaran ni FilipinyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon