Chapter 14

25 5 3
                                    


Paglalaro sa Snow

Sa isang tipikal na araw sa Nayon malapit sa Enchanted River ay naglalaro ang mga binata ng basketbol at volleyball; pabalik-balik din ang mga motorsiklo, tricycle at dyip sa kalsada. Ang maliliit na bata naman ay nasa kalsada para maglaro ng kung anu-ano. Isang grupo ng mga bata ang naglalaro ng "tumba-lata" o tumbang preso. Ilang mga batang babae naman ang naglalaro ng jumping rope at chinese garter. May mga lalaki namang naglalaro ng "shatom". May mga bata namang malalawak ang imahinasyon at naisip na maglaro ng pulis at magnanakaw. Gumamit sila ng mga dahon bilang pera at mga sanga naman ang ginamit nila bilang baril-barilan. May mga bata rin na nagsuot ng bao sa kanilang mga paa at naglaro ng kadang-kadang at mayroon ding nagpapagulong ng gulong sa kalsada. Hindi tulad kapag tag-ulan, ang mga bata ay nakakulong lang sa loob ng bahay para maglaro ng bahay-bahayan. Kapag gabi naman, ang mga bahay at kainan ay punong-puno ng ingay galing sa mga Karaoke, tila ba sila ay nagpapalakasan ng tugtog sa karaoke.

Isang araw, kakatapos lang nina Coco at Spud na maglaro ng basketbol. Pagpasok niya sa bahay, sinalubong sila ni Filipinya at tinanong, "Kamusta yung laro niyo Coco?"

"Ayos naman Pinya. Lalong bumibilis at gumagaling sa shooting si Spud araw-araw. Baka maglaro na rin siya pagdating ng kolehiyo".

Tumawa si Filipinya at sinabi, "Basketbol player sa future? Hindi siguro! Masyadong maliit si Spud. Mahihirapan siyang maka-shoot laban sa mga matatangkad na players."

"Aba Spud, bakit hindi mo isama sa labas itong kapatid mo at ipakita mo ang iyong moves?", sabi ni Coco.

"Ayoko nga! Gutom na ako at hindi ko siya tuturuan magbasketbol", sabi ni Spud. "Magiging propesyonal kami pagkatapos ng kolehiyo! Miami Heat babeeeeee!" at nag-fist bump ang dalawang lalaki.

"Oras para sa meryenda, halina kayo!", sigaw ni Nanay. Gutom na gutom ang tatlong bata kaya nag-unahan silang pumunta sa kusina para kumain. Habang kumakain ang mga bata, dumating si Treet at hinahanap sa Filipinya. Inanyayahan ni Tatay si Treet na sumalo sa tanghalian. Pumasok si Treet at dumiretso sa kusina para makita ang kanyang mga kaibigan. Nakiupo siya at kumuha ng isang stick ng bananacue at binigyan siya ni Nanay ng isang baso ng sago't gulaman. Di nagtagal, ang pamilya at ang mga kaibigan ay nabusog na sa masarap na meryenda. Nagtulungan sila para linisin ang mesa at kusina.

Tinanong ni Filipinya si Treet, "Anong balita BFFL? Anong gusto mong gawin?"

Sumagot si Treet, "Tara, manood tayo ng Frozen. Binigyan ako ng tita ko ng DVD."

Sinabi ni Coco, "Ang tagal na noon. Alam na natin kung paano nagkasundo yung magkapatid sa huli."

Dagdag pa ni Spud, "Oo, pero gusto kong maglaro sa snow!"

Nanlaki ang mga mata ni Coco at ngumiti, tila ba may naisip siyang magandang ideya. Nakita niya ang mga kahon ng prutas na may kasamang styrofoam. Kinuha niya ang styrofoam at ikiniskis sa pader. Inipon niya ito at inilagay sa isang plastik bag para gawing "snow".

Kinuha ni Treet at Filipinya ang kanilang mga payong, binuksan at inilagay sa sahig. Tinakpan nila ito gamit ang puting kumot para magsilbing "igloos" kunwari.

Naghanap si Spud ng apat na jacket sa loob ng kanilang kabinet at ibinigay sa mga kaibigan para hindi sila ginawin sa "snow".

Nagsimula ng gumana ang malilikot na imahinasyon nina Coco, Filipinya, Treet at Spud.

Binuhay na ni Spud ang electric fan.

Binuksan ni Coco ang plastic bag na punong puno ng kinaskas na styrofoam at inilagay sa harap ng electric fan. Pumasok ang mga babae sa payong at nagkunwari na umuulan na ng snow.

Sinabi ni Treet, "Wooo, ang lamig at nanginginig na ako."

Tinawag sila ng mga lalaki at inimbitahan na lumabas sa kanilang igloo para bumuo ng snow man.

Kinuha ni Filipinya at Spud ang kanilang tuwalya na ginagamit sa paliligo. Iniikot nila ito at gumawa ng dalawang malaking bilog para magsilbing ulo at katawan ng snowman. Inilagay din nila ang kanilang maliliit na damit sa ibaba ng snowman. Pumunta si Treet sa kusina para kumuha ng carrot para sa ilong at dalawang ubas para sa mata.

Nakita ni Tatay ang kalat na ginawa ng mga bata. Nagkalat ang mga styrofoam sa bahay at sinabi na kailangan nilang linisin ang kanilang kalat. Ngunit naisip ni Tatay na ang galing ng imahinasyon at pagiging malikhain ng mga bata kaya nagdesisyon siya na makisali sa kasiyahan ng mga bata. Tinulungan niya ang mga ito na bumuo ng snowman at kumuha ng dalawang piraso ng kahoy para magsilbing mga snow ski. Gumamit siya ng lumang sinturon para maikabit ang mga ski at para hindi ito mahulog kapag nagsimula na ang karera. Kumuha naman si Tatay ng dalawang mapayat na sanga para gamitin na ski poles.

"Swish! Swooosh! Hoy mga bata, habulin niyo ako!"

Ngunit ang totoo ay hindi naman umaalis si Tatay sa kanyang pwesto, ginagamit lang niya ang kanyang imahinasyon at iniisip na siya ay nakasakay sa skii pababa sa isang matarik na bundok ng malalambot na snow.

"Tingnan niyo ito, ito ang tinatawag na 360!"

Habang sinusubukan niyang umikot sa snow, nahulog si Tatay sa sahig at nadaganan siya ng mga bata. Nagtawanan ang mga bata at sinubukang isubsob si Tatay sa snow. Kumuha si Spud ng snow at ipinahid ito sa mukha ni Tatay. Itinali ni Coco ang mga kamay ni Tatay habang nasa dibdib ni Tatay sina Filipinya at Treet. Tuwang tuwa ang mga bata sa paglalaro, maging si Tatay din.

Maya-maya, lumabas si Lolo at Lola para maglakad-lakad bago lumubog ang araw. At gaya ng nakasanayan, dumiretso sila sa kanilang paboritong lugar sa mundo, sa taniman ng mga sampaguita at ligaw na bulaklak. Ang mga ibon, bubuyog, hangin, ulan at araw ay nagtulungan para mabuo ang malawak na taniman ng magagandang bulaklak at halaman. Punong puno ng kulay ang lugar na ito sa buong taon. Ngunit para sa kanila, hindi matutumbasan ng pisikal na ganda nito ang halaga ng mga alaala nila na hindi nakikita ng mas nakararami.

Limampung taon na ang nakalipas, ang taniman ng sampaguita ay naging saksi para sa first kiss ng isang binata at dalaga. Biglang kinilig si Lolo habang kanyang inaalala.

Habang nakaupo ang binata at dalaga sa pinutol na puno, iniisip ng binata kung ano ang pakiramdam na mahalikan ang dalaga ngunit kinakabahan siya. Madami ang tumatakbo sa kanyang isip, Magaling ba akong humalik? Magugustuhan kaya niya ako? Malalaman kaya niya na siya ang first kiss ko?

Bukod sa mapuputing sampaguita, mayroon ding puti, dilaw, pink at violet na lily; pula, dilaw at puti na santan; at naglalakihang dilaw na sunflower. Napapalibutan sila ng magagandang bulaklak at katabi pa niya ang kanyang crush. "Ito na ang tamang pagkakataon", sabi niya sa kanyang sarili. Naglakas loob siya na itanong, "Malamig ba ang mga labi mo gaya ng sa akin?" Natahimik sila. "Teka, parang may mali. Bakit ko nga ba tinanong yun?"

"Hindi Joker, bakit naman magiging malamig ang mga labi ko sa panahong gaya nito?" sagot ng dalaga.

"Eh kasi nanlalamig ang mga labi ko," ang sabi ng binata sabay akbay sa dalaga.

"Nakahalik ka na ba ng babae?"

"Oo naman!" pagsisinungaling ng binata.

"Parang nanlalamig na ang mga labi ko ngayon", sagot ng dalaga.

Nagtitigan sila at nag-ngitian, parang may magnet na nagdikit sa kanilang mga labi.

Ang animoy simpleng paglalakad-lakad sa taniman ng sampaguita ay nagtapos sa pagbuo ng kanilang magagandang anak, hanggang sa sinundan nina Filipinya at Spud Santos. Oo, ito nga ay ang pinakapaboritong lugar sa buong mundo nina Lolo at Lola.




Ang Pakikipagsapalaran ni FilipinyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon