Chapter 26
Pas-ko to Pas-namin
Gaya nga ng napag-usapan ay sabay nga kaming nagsimbang gabi, pinuntahan ko siya sa may bahay nila sa kalagitnaan ng gabi, malamig at romantic, di man namin gustong pati sa simbahan ay lumabas ang nararamdaman sa isa't isa ay hindi talaga namin paminsan mapigilan gaya tuwing “Ama Namin” at tuwing nagpe-peace be with you.
Pinipilit kong dumistansya sa pagitan naming dalawa bilang magkaibigan. Kasi nga, may mga pagkakataon na na lumalagpas na kami sa limitasyon namin ng hindi din namin inaasahan at ginugusto.
At 'yun! Sabay kaming nagsimbang gabi hanggang noong December 23 ng madaling araw, nagpaalam na din ako sa kanya dahil sa kinaumagahan ng December 23 ay pupunta kami ni mama sa Malanday, Marikina para puntahan 'yong iba naming kamag-anak doon at daw kami magpapasko.
Nag-empake na ako ng konting damit at bago kami umalis ni mama ay dumaan muna kila Maxine pero pagdating ko doon ay si Maxine lang ang mag-isang nasa bahay.
“Oh, ba't parang wala 'yong mga magulang mo?”
“Pasok ka! Halika!”
“'Wag na! Baka anjan mga magulang mo eh!”
“Wala!”
“Nasaan?”
“Di ko alam, umalis eh, pero…”
“Pero?”
“Kasi parang may problema sila eh.”
“Huh? Ano?”
“Pumasok ka na kasi!”
“Hindi okay lang, dito na lang ako, aalis na din kasi kami eh, dinaanan lang kita,eh hindi naman sa nanghihimasok ah, pero manghihimasok na din ako, eh ano ba kasi talagang problema ng mga magulang mo?”
“Hindi ko din alam eh, pero kasi siguro wala pa din silang mahanap na trabaho eh.”
“Ano! Mula noong umuwi sila dito?!”
“Oo, 'yung onting ipon nila 'yung pinanggastos namin nitong mga nakaraan.”
“Eh paano 'yun?”
“Ewan ko nga din eh, oh! Hindi k aba inaantay ng mama mo? Akala ko ba aalis kayo?”
“Ay oo nga pala! Sorry ah! Sige mauna na ako!”
“Bye!”
“Bye din!”
At tumakbo na ako papunta na ako sa sa bahay namin, pero hindi pa man ako nakakalayo ay biglang sumigaw sa akin sa Maxine.
“Jeeek!” kaya lumingon ako, “Merry Christmas!” sabay ngiti at kaway sa akin.
“Merry Christmas din!”
Bago pa man ako lumingon sa daan ko pauwi sa bahay ay nagulat ako ng bigla siyang nag flying kiss sa akin, kaya sa sobrang gulat ko ay napalingon ulit ako sa kanya at nakita ko siyang nakangiti sa akin at kumakaway.
Nginitian ko din siya at tuluyan na akong tumakbo papauwi.
Dahil trapik noong araw na iyon dahil sa papalapit na pasko ay mejo hapon na kami nakarating sa Marikina.
Nandoon 'yong mga pinsan, lolo, lolat, tita at mga tito kong karamihan sa kanila ay hindi ko kilala. Kaya mejo na o.p. ako.
Pagdating na pagdating namin ay niyaya agad ng mga tita ko si mama na mamalengke, niyaya din ako ni mama na sumama sa kanila pero tumanggi ako dahil alam ko na isasama lang niya ako para may taga-bitbit sila.