"ABA'Y teka, mabuti at naalala ko." Mula sa hapag-kainan kung saan sabay silang nag-almusal ay tumayo ang kanyang ina. Sinundan ito ng tingin ni Mikaella. Nagtungo ang kanyang ina sa isang mataas na estante na nagsisilbing partisyon ng sala at dining area. Mula roon ay may kinuha ito. Muling bumalik ang kanyang ina at naupo. "Ire, nalimutan kong ibigay sa iyo kahapon." Iniabot nito sa kanya ang isang plastic na may tatak ng isang kilalang courier company. Binitiwan ng dalaga ang hawak na kubyertos at tinanggap iyon. "Noong isang araw iyan dumating. Nakapangalan iyan sa 'yo. Eh, kako darating ka naman kaya hindi ko na pinangahasang buksan at usisain ang laman."
Inusisa niya kung kanino iyon galing. Daisy Calderon ang nakalagay na pangalan ng sender. Tumaas ang kilay niya bago binuksan ang lalagyan at inusisa ang laman. Isang kulay pula at halatang ipinasadya pa na wedding invitation. Napatingin siya sa ina, na may pagtatanong din sa mga mata. May stick-it note ang invitation. Iyon muna ang inusisa niya.
Hi Mikaella. Huwag kang mawawala sa big day ko ha? I am expecting you. —Daisy.
Sunod niyang inusisa ang wedding invitation.
"O, anak, ano ba iyan, hane?"
Desimuladong lumunok siya. "Imbitasyon po para sa kasal, Nay."
"Siya nga?" Lumiwanag ang mga mata nito sa excitement. Funny pero tila nabasa rin ni Mikaella sa mga matang iyon ang pag-asam na sana ay maikasal na rin siya. "Aba'y sino ang ikakasal? Hindi pamilyar sa akin kung sino iyang si Daisy Calderon na nagpadala niyan, eh."
"Kaklase ko po no'ng high school si Daisy. Pero hindi n'yo po siya nakilala kaya hindi po siya pamilyar sa inyo." At wala rin namang pagkakataon na nagsama siya ng sino mang kaeskuwela sa kanilang bahay. Dahil sa kanyang ama, siyempre. "Bale nagkataon po na nagpanagpo kami sa isang mall sa Maynila. Nagkakilanlan. Tapos nagkakuwentuhan nang kaunti. Nabanggit nga po niya na ikakasal na daw siya at padadalhan niya ako ng imbitasyon." Nagkibit-balikat siya.
"Ano naman ang sinabi mo?" Inabot ng inay niya ang palad niya at hinawakan. "Umoo ka?"
"Pinapangako ho niya ako na dadalo ako. 'Kako ay hihintayin ko na lang ang imbitasyon para sa iba pang detalye." Lihim na napangiwi si Mikaella. Sana pala ay deretsahan na siyang tumanggi. Ipinakita sa kanya ni Daisy ang picture diumano ng pakakasalan nito. Napakaguwapo ng lalaki, sa totoo lang. Isang foreigner, Amerikano.
"Ganyang nakapangako ka pala, eh, dapat lang na dumalo ka," anito. Hindi nakaligtas kay Mikaella ang bahid ng pambubuyo, bagaman banayad lang. Ibinubuyo siya nito na dumalo sa kasalang iyon dahil baka nga naman makadama siya ng inggit at gustuhin ding mag-asawa.
"Bahala na ho, Nay," walang kasiguruhan na sagot niya. Dinampot niya ang tasa ng kape at sumimsim doon. "May sakit ho yata ako sa petsang iyan." Muntikan nang mabilaukan ang kanyang nanay. "Biro lang ho." Lihim na napabuntong-hininga si Mikaella. Batid niya na may hinala ang kanyang inay sa intensiyon niya na hindi mag-asawa. Hindi lang niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito sa sandaling malaman nito ang totoong plano niya. Wala siyang planong mag-asawa. Pero planong magkaroon ng anak. At bibigyan niya iyon ng katuparan.
Padre Burgos, Quezon
"THANK you," sabi ni Mikaella sa isang resort staff na naghatid sa kanya sa pinagdarausan ng reception ng kasal. Bitbit sa kanang palad ang katamtamang laki ng paper bag na pinaglalagyan ng regalo, sa kaliwang palad ay naroon naman ang kanyang purse. Sinadya niyang magpahuli para hindi saksihan ang seremonya ng pagpapalitan ng sumpaan dahil well... kailangan pa ba niyang sabihin ang dahilan? Magiging isang negatibong enerhiya lang siya kung sakali na panay ang lihim na pagkokomento. Magkakasala lang siya. Napilitan lang talaga siyang dumalo dahil bukod sa nakaoo na ay mapilit din ang kanyang ina. Hindi ito papayag na hindi siya dumalo. Isa pa, noong isang araw ay tinawagan pa siya ni Daisy para kumpirmahin ang pagdalo niya.
BINABASA MO ANG
The Start Of Forever (Completed)
RomanceThe Bouquet Ladies Trilogy Three friends attending their friend's wedding. During the bouquet throwing, they fight each other for the flowers because they believe the one who gets it gets married next... Book 1 Aya Myers Book 2 Kensi Book 3 Dwayne I...