Part 35

11.2K 330 7
                                    


"M-MIKAELLA..." may pananabik na wika nito, kumikislap ang nanunubig na mga mata. Alam niyang luha iyon, naiipong luha. Tila ba kinokontrol ang sarili na huwag tawirin ang distansiyang naghihiwalay sa kanilang dalawa.

"I...ah..." Hindi mahagilap ni Mikaella ang kanyang tinig. Nangingilid ang mga luha sa mga mata. Ngayon niya lubusang napagtanto kung gaano niya pinananabikan ang binata. Gusto niya itong yakapin nang mahigpit at sabihing handa na siyang sumugal. Na napagtanto niya na mas wala siyang katahimikan noong mawalay siya sa binata. Tuluyang tumulo ang mga luha niya. "J-Jena d-dragged me here," aniya sa kawalan ng sasabihin. Kinagat niya ang dila niya para makontrol kahit papaano ang kanyang emosyon. Pero nabigo siya dahil hindi naawat ang kanyang mga luha.

"Pinakiusapan ko siyang gawin iyon," tugon ng binata, taas-baba ang Adam's apple. Napakaguwapo nito sa suot na three-piece suit. And God! The emotion in his eyes was taking her breath away. Dahil sa mga matang iyon ay nasisilip niya ang laman ng puso ng binata. Mahal siya nito. Mahal na mahal.

Marahang humakbang ang binata, sinasakop ang distansiyang naglalayo sa kanila. Hindi alam ni Mikaella kung ano ang gagawin. Ang mga mata niya ay patuloy lang sa pagpapakawala ng hindi mapigil na mga luha. Nang nasa harap na niya ang binata ay tumaas ang palad nito at masuyong pinahid ang mga luha niya. Hindi niya iyon tinutulan. Ang tanging iniinda lang niya ay ang pagmamahal at pangungulilang nararamdaman para kay James. "Alam mo ba kung bakit kinutsaba ko si Jena na dalhin ka rito?"

"B-bakit nga ba?" tanong niya, nagdarasal na sana ay iyon na ang tamang pagkakataon para magkaayos na sila ng binata. Wala na siyang pakialam kung sila na ang sentro ng atensiyon sa exhibit na iyon, o kung parang nanonood ng shooting ang mga taong nakapaligid sa kanila. Gusto niyang sabihin sa binata na mahal niya ito. Na handa na siyang sumugal. Na sana ay huwag itong sumuko sa kanya.

"Dahil sutil ang puso ko, Mikaella," mahina ang tinig na wika nito habang magkaugnay ang kanilang mga mata. "Matigas ang ulo ko. I promised you I'll avoid every road that leads to you pero hindi ko kaya...hindi ko mapaglabanan ang kagustuhan ng puso ko na matanaw ka kahit sa malayo. Hindi ako pinatatahimik ng puso ko, Mikaella. Gusto niyang huwag kitang sukuan."

Oh, thank God! Thank God! Lalo siyang napaiyak dahil sa narinig. Para iyong mga tinig ng isang mahika. Para iyong tunog ng kampana na kumalma sa kanyang pagdududa. Ang pag-asa at pagmamahal ay tuluyang namukadkad sa kanyang puso. Hindi siya sinukuan ni James. Batid naman niya sa kanyang puso na hindi naman talaga siya susukuan ng binata. May bukas na naghihintay sa kanila. Isang maliwanag, masaya, at puno ng pagmamahal na hinaharap.

Sinisikap ni James na pigilin ang mga luha nito. But the emotion in his handsome face was unmistakeable. "N-na kung kinakailangang paulit-ulit kong buksan ang puso ko sa 'yo, kung kinakailangang paulit-ulit kong isigaw ang pagmamahal ko para sa 'yo...gagawin ko," basag ang tinig na pagpapatuloy nito. "Mahal kita, Mikaella Crisologo. At hinding-hindi kita susukuan. Never. Kahit magmukha akong tanga, kahit paulit-ulit akong mabigo..."

Napagtanto ni Mikaella na mahirap pa lang isalin sa salita ang damdamin niya. Kaya mas pinili niya ang mas epektibong paraan para maipakita ang sariling damdamin. Sinakop niya ang distansiyang natitira sa pagitan nila ni James. Tila may sariling isip ang mga daliri niya na pumaloob sa buhok ng binata at kumapit doon. Pagkatapos ay umabante ang mukha niya at inangkin ang labi nito.

Buong puso na tinanggap ni James ang labi niya. Mapag-angkin at sabik na pumulupot ang mga braso nito sa kanyang katawan at hinapit siya. Para sa binata, sapat na ang naging aktuwasyon niya bilang sagot sa damdaming inihain muli nito. They kissed, passionately. Mikaella breathed in the scent of him, the warmth, and the need. His kisses were drugging and she wanted him, knew she always had.

Kung hindi pa sa masigabong palakpakan na pumasok sa pandinig niya ay tuluyan na marahil na natangay si Mikaella sa mainit na sandaling iyon. "Oh!" Nahihiyang sumubsob siya sa leeg ni James, pilit nagsumiksik sa pagitan ng balikat at ulo nito. "D-damn you for putting me into this," nagbibirong usal niya.

Tumawa si James. Humigpit ang yakap nito sa kanya na ginantihan din naman niya ng mas mahigpit na yakap. Pagkatapos ay nadama niya nang dampian ng halik ni James ang ulo niya. Tiningala niya ang binata. Sa loob ng ilang sandali ay magkahinang ang mga mata nila, nag-uusap sa mga lengguwaheng sila lang ang nagkakaintindihan. Napakasaya niya. Sobrang saya na pakiramdam niya ay wala na siyang mahihiling pa. "I love you," usal niya kasabay ng muling pagpatak ng mga luha niya.

Namula ang mga mata ni James, kapagkuwan ay naipon ang luha roon. "I love you more. I love you too much." Hinagilap ng binata ang palad niya. Buong-pusong tinanggap naman ng dalaga ang pagsasalabat ng mga daliri nila. "Umalis na tayo dito..."

"Please," pagsang-ayon niya.

At magkahawak-kamayna tumakbo sila palabas sa lugar na iyon.     

The Start Of Forever (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon