Part 30

10K 287 7
                                    


TWO MONTHS LATER

TINITIGAN ni Mikaella ang halagang nakasulat sa tseke. Nakakalula ang pigurang naroon. Kayamanan nang maituturing. Kung magtatrabaho siya ay aabutin ng maraming taon bago siya makaipon ng ganoon kalaking halaga. Si Attorney Gregorio—ang abogado ni James—ang naghatid niyon sa kanya. Dalawang buwan na ang nakalilipas mula nang makauwi siya at tumupad si James sa kanilang kasunduan. Hindi na ito nagpapakita sa kanya. Ni wala siyang balita kung nakabalik na ba ito ng Pilipinas, o kung ano na ang ginagawa nito. And she was terribly missing him.

"Mahigpit na bilin ni Mr. de Andrada na iparating ko umano sa iyo na kapag kailanganin mo ng ano mang tulong ay maaari mo akong kontakin at—"

"Attorney," pag-awat ni Mikaella sa sinasabi ng abogado. Inilapag niya ang tseke sa ibabaw ng mesa bago itinulak iyon papunta sa harap nito. Pagkuwa'y itinago niya ang kanyang mga palad sa ilalim ng mesa para maitago ang panginginig niyon. Huminga siya nang malalim. "Pakisabi ho sa kliyente ninyo na wala ako ni isang kusing na tatanggapin mula sa kanya. Na alam ho niya kung ano talaga ang gusto kong makuha. Peace of mind. Iyon lang ho ang kailangan ko."

Peace of mind? Bakit, Mikaella, hindi ka naman na ginugulo ni James 'di ba? Ni hindi siya nagpapakita sa 'yo. Pero nasaan ang peace of mind na sinasabi mo? Wala ka noon, Mikaella, pagkontra ng isang bahagi ng isip niya. Alam mo kung ano ang meron ka? Pagmamahal. Pagmamahal para sa lalaking tinangihan mo. You miss him! You're looking, longing for him! Admit it, nangungulila ka sa kanya. Gusto mo siyang makita!

Stop it, tugon niya sa ayaw paawat na boses sa likod ng kanyang isip. Bakit ba para iyong sirang-plaka na paulit-ulit na sinasabi ang mga bagay na alam naman na niya? Oo, mahal niya si James. Nangungulila siya rito at gusto niya itong makita! At, oo! Wala siyang kapayapaan. Paano ba siya magkakameron niyon kung ang isipan niya ay walang ibang laman kundi ang binata at mga sandali sa piling nito? "A-at hindi naman ho niya ako g-ginugulo kaya...k-kaya p-pakisabi bayad na siya."

Tinitigan siya ng abogado na para bang hindi ito makapaniwala na pakakawalan niya ang ganoon kalaking pera. Pagkuwa'y tumango rin naman ito. "Makakarating." Dinampot nito ang tseke at ibinalik sa folder. Pagkatapos ay isang dokumento naman ang inilabas nito at iniabot sa kanya. "Iyan ang mga dokumento na kailangan mong pirmahan para masimulan na ang proseso ng divorce."

Parang nilukob ng kung anong lamig si Mikaella. Kasabay ng pagtusok ng sakit sa puso niya. She knew it will come. Inaasahan na niya iyon. Pero bakit ganoon? Bakit hindi pa rin niya napaghandaan ang sakit na tila pumipilas sa pagkatao niya? Her eyes wavered. Gustong-gustong kumawala ng mga luha niya sa sandaling iyon.

Kung nasasaktan ka man, Mikaella ay kasalanan mo na iyon. Mahal ka ni James at inaalok ka niya ng kasal pero tumanggi ka. Mas pinangibabaw mo ang takot mo kesa sa nararamdaman mo sa kanya. Ngayon, magdusa ka, sabi uli ng isip niya.

"Kung gusto mo, hija, ay maaari mo iyang iuwi para mabasa ang mga nilalaman niyan."

Kinagat ni Mikaella ang kanyang dila. Matinding pagpipigil ang ginagawa niya para hindi magpakita ng ano mang emosyon. But damn it. Gusto niyang maglupasay at humagulhol nang malakas. Gusto niyang maiyak sa sakit at pangungulila na nagsisiksikan sa kanyang puso. "H-hindi na ho kailangan. Pipirma na ho agad ako para masimulan na ang proseso ng divorce." Mabilis na pumirma ang nanginginig na palad ng dalaga. Pagkatapos niyon ay mabilis na sinamsam niya ang kanyang bag. "E-excuse me," aniya at mabilis na tumayo para umalis. Pagtalikod niya ay namaybay agad ang mga luha sa mga pisngi niya.



The Start Of Forever (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon