Part 23

10.4K 427 1
                                    


BAKIT hindi ka pa mamatay?! Bakit hindi ka atakihin sa puso at bawian ng buhay ngayon din mismo! Iyon ang tumatakbo sa isipan ng katorse anyos na si Mikaella habang naniningkit ang luhaang mga mata at nagngangalit ang mga ngipin sa tindi ng galit na nararamdaman para sa ama. Kadarating lang niya galing ng eskuwelahan at malayo pa, naririnig na niya ang naghuhurumentadong boses ng ama. At ang kaaway nito ay walang iba kundi ang walang kalaban-laban niyang ina. Lasing na naman ang kanyang ama. Wala na naman sa katinuan at ang nangingibabaw na naman ay ang demonyong espirito ng alak.

"Tama na iyan, 'Tay!" hindi nakatiis na bulyaw niya nang madatna

ng sinasaktan na naman nito ang kanyang ina.

Binalingan siya nito. Dinuro. "Umalis-alis ka sa harapan ko kung ayaw mong masaktan! Bwisit! Wala kayong kuwenta lahat!"

"Mikaella," saway sa kanya ng ina, may pakiusap sa mga mata. Subalit lalo lang siyang nagalit nang unti-unti nang maging obvious ang tama ng kamao nito sa balat ng kanyang ina. "Doon ka na lang muna kina Luding."

Umiling siya. "Hindi, Nay." Binalingan niya ang ama. "Kami pa ang walang kuwenta?" sarkastikong tanong niya. "Sino ba ang iresponsable rito at wala nang ibang ginawa kundi maglaklak? Sino ang walang kahihiyan at hindi binibigyan ang kahihiyan ang pamilya? Sino ang matapang na ang kaya lang labanan ay ang pamilya niya?" Galit na galit si Mikaella sa punto na wala na siyang nararamdaman ni katiting na respeto at paggalang para sa ama. Kinamumuhian niya ito. At hindi na mabilang ang mga pagkakataong ninanais niya na bawian na sana ito ng buhay. "Kung wala na kayong kahihiyan sa katawan ninyo, kami, bigyan n'yo kami!"

"Aba't—Tarantado ka!" Sa isang malaking hakbang ay nakalapit ito sa kanya. Umigkas ang mabigat na kamay at dumapo iyon sa kanyang pisngi. Sa sobrang lakas ay napabaling pa ang mukha niya kasabay ng pagtilamsik ng dugo mula sa labing nahiwa. "Walang modo!"

"Berting!" nahihindik na sigaw ng kanyang ina. Dinaluhan siya nito.

Parang sinisilaban sa tindi ng init ang pisnging nasaktan. Tuloy-tuloy na umagos ang mga luha ni Mikaella pero hindi niya binigyan ng boses ang pag-iyak. Matalim ang tinging ipinukol niya sa ama. Kumuyom ang kanyang mga kamao. Tumiim ang mga bagang. Masakit, napakasakit ng sampal. Pero katiting lang iyon sa sakit ng kalooban na idinudulot nito. Hindi. Hindi siya nagsisisi sa mga sinabi niya. Hindi siya nagsisisi sa ginawang pagsagot. Dapat lang iyon. Dapat lang. At kung makakapamili lang siya ng ama ay matagal na niyang ginawa.

"Ano, ha? Gusto mo pa?" singhal nito sa kanya. Dinuro-duro siya.

"T-tama na, Berting. Tama na. Maawa ka sa kanya. Ako na lang," umiiyak na pakiusap ng kanyang ina. Humarang na ito sa kanya. "Mikaella, anak, tama na. Tama na."




"HINDING-HINDI ako tutulad sa inyo, Inay. Hindi ako magpapakatanga sa isang walang kuwentang lalaki!" hindi napigilang bulalas ni Mikaella pagkaalis ng ama pagkatapos humingi ng pera sa kanyang ina. Marahas na pinahid niya ang mga luha gamit ang likod ng palad. Pero ayaw paawat ng mga luha niya, nag-uunahan iyon sa pagpatak.

"I-iyon ba ang tingin mo sa akin? Tanga?" umiiyak na tanong ng kanyang inay habang ibinabalik sa dati ang iilang kasangkapang nawala sa ayos dahil ipinagtatapon at ginulo iyon ng magaling niyang ama.

Oho. Dahil nagpapakatanga talaga kayo sa kanya."Bakit kasi ayaw ninyo siyang iwanan? Inay, maawa naman kayo sa sarili ninyo! Walang masisirang pamilya na dapat panghinayangan dahil hindi naman talaga tayo buo," halos pasigaw na sagot niya. She was crying so hard. "Inay, hindi sapat na may ama at ina ang isang bahay para tawaging pamilya iyon," sumisigok na dagdag pa niya. "G-gumising naman ho kayo."

"M-mahal ko siya, Mikaella," nakayukong sabi nito.

"Lintik na pagmamahal 'yan!"

"M-Mikaella..."

Pero ayaw niyang magpaawat, patuloy lang na naglalabas ng mga sama ng loob at hinanakit. "Kung ganyan ang tinatawag ninyong pagmamahal, ayoko nang magmahal pa. Wala na hong pagbabago si Tatay. Mamamatay na siyang ganyan, Inay. Bakit hinahayaan ninyong saktan niya kayo? Tratuhin na para bang alila niya kayo? Gawing punching bag? Inay, maawa naman kayo sa sarili ninyo." Her lips quivered. Patuloy siyang humahagulhol. Bakit parang hindi naiintindihan ng inay niya ang nais niyang ipaintindi rito? Bulag ba ito? Bingi? Manhid? "N-nakakapagod na, inay. Ikaw, hindi ka ba napapagod? Hanggang kailan kayo magpapaka-martir? Dahil ako, matagal na akong pagod sa sitwasyong ito. Matagal na akong sumuko sa pag-asam na sana magbago si Tatay...matagal na akong bumitiw sa kanya!"

"Hindi, anak, huwag mong sabihin iyan. Magbabago ang tatay mo. Huwag mo siyang sukuan."

Umiling siya. Pagkuwa'y itinuro niya ang dibdib. "A-alam n'yo bang nasisira, nagkakawatak-watak ako sa loob? Dahil kay tatay, may sugat dito sa puso ko. Sugat na sumisira sa maraming magagandang bagay. Sugat na hindi basta-basta magagamot." Muli ay marahas na pinahid ni Mikaella ang kanyang mga luha, pati na ang uhog na tumutulo na rin. Pagkuwa'y determinadong nag-angat siya ng mukha. "Ipinapangako ko na hindi ko daranasin ang dinanas ninyo. Hindi ako magpapakatanga sa isang lalaki. Hindi ako tutulad sa inyo, Inay. Walang lalaki na hahayaan kong saktan ako! Hindi ganito ang magiging buhay ko sa hinaharap. Magiging matapang ako at matatag. Hinding-hindi ko itatali ang buhay ko sa isang lalaki." Punong-puno ng pangako na wika niya.



MIKAELLA blinked away her tears. Parang bula na naglaho sa puso niya ang nadaramang saya at napalitan ng pait at galit dahil sa mga eksenang tumatakbo sa isipan. Mga eksena ng nakaraan. Nasa kalsada pa sila. Sa gilid ng mga mata niya, nakita niya si James na pasulyap-sulyap sa kanya at animo hindi malaman kung papaano babasagin ang katahimikang humaharang sa pagitan nilang dalawa...



Pa-VOTE na lang po. Thank you. :D

The Start Of Forever (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon