Part 15

10.6K 303 0
                                    


"I LIKE photography. Bata pa lang ako hilig ko nang kumuha ng mga litrato. Though hindi ko naman siya gustong maging career talaga kaya hobby na lang. Ikaw, ano ang paborito mong kulay?" magaang tanong ni James sa kanya. Hapon na niyon at sabay silang naghahapunan.

Natigil si Mikaella sa tangkang pagsubo bago tinaasan ng kilay ang binata. Sa mga pagkakataong tinatarayan niya ito ay sinisiguro niya na silang dalawa lang ang magkaharap. Lagi na ay pinapaalalahanan niya ang sarili na sa harap ng ibang tao ay mag-asawa sila na kakakasal pa lang at nasa honeymoon stage pa. Kung kaya't dapat na umakto sila na in love na in love sa isa'tvisa. Kaya nga hindi stay-in si Pina, para ibigay sa kanila ang privacy ng gabi.

"I'm trying to make a conversation here," anito bago marahang ngumiti. Tila maamong tupa ang hitsura ni James. "Mas makakabuti kung magkasundo tayo, hindi ba, Mikaella? Hindi tayo mahihirapan na pakiharapan ang bawat isa. Hindi magiging ganoon kabigat sa 'yo ang pananatili rito. Huwag kang mag-alaala dahil hindi ko kakalimutan ang mga boundaries ko." Pagkatapos ay sumandok ito ng pagkain at dinagdagan ang nasa plato niya. Kakaunti naman kasi talaga ang kinuha niya. "Please, eat well. Ayokong magkasakit ka."

Napatitig si Mikaella kay James. Napaka-sweet ng inaakto nito. At hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nakakaramdam siya ng tuwa. At kilig.

"O, mas makakakain ka ba kung hindi mo ako kasabay? Pwede rin naman." Tumayo ito.

"N-no." Biglang nahawakan ni Mikaella ang kamay ni James para pigilin ito sa tangkang pag-alis. Sa loob ng ilang sandali ay pareho silang nakatingin lang sa maghawak na mga palad nila. Hindi malaman ni Mikaella kung alin ang mas pagtutuunan ng pansin; ang nawala sa ritmong tibok ng puso niya, o ang init ng palad ni James na animo tumutulay sa kanyang palad papunta sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Para siyang biglang ninerbiyos. "Uhm..." Pilit sinisikil ang pagkataranta na binitiwan niya ang palad nito. Umayos siya ng upo. Ang kanyang palad ay ipinatong niya sa mga hita para maitago ang panginginig niyon. "H-hindi mo kailangang umalis. T-tama ka. Mas... mas magiging magaan ang lahat kung magkasundo tayo," hindi tumitingin nang deretso na wika niya.

Sa gilid ng mga mata, nakita niya nang mauling maupo si James. "Salamat. So, puwede mo na sigurong sagutin ang tanong ko tungkol sa paborito mong kulay?" Kapansin-pansin ang sigla sa tinig ng binata. Naisip tuloy ni Mikaella kung papaano kaya kung titingnan niya ang mga mata nito, ganoon din kaya ang makikita niya?

Kaswal na nagkibit-balikat siya. "Wala namang partikular na kulay akong gusto. Basta ayoko lang ng masyadong matingkad tulad ng mga neon colors..." Muli niyang hinawakan ang mga kubyertos at bumalik sa pagkain, pilit sinisikil ang pagka-concious na nararamdaman.

"No neon colors. Noted. So... ahm... Ikaw naman ang magtanong sa akin."

"Sigurado ka na sasagutin mo ang itatanong ko?" Bahagyang umangat ang kilay niya.

Tumaas ang sulok ng labi ni James dahil sa pinipigilang ngiti. "Why, buhay at kamatayan ba ang katumbas ng tanong mo?"

Bahagyang napangiti si Mikaella. She looked at him. Katulad ng sigla sa tinig nito, kapansin-pansin din nga ang saya sa mukha nito. "Hindi naman."

"Then shoot. Sasagot ako."

"Ilan na ang mga babaeng lumuha dahil sa 'yo?" Halos matawa si Mikaella nang mamutla si James. Tila ba nasukol ito sa tanong na iyon. "So?"

Tumikhim muna ito bago sumagot. "Intentionally? I mean, iyong intensiyon kong paluhain?" Umiling ito. "Wala pa. Pero siyempre alam naman natin kung ano talaga ang gusto mong sabihin. Well, honestly, hindi ko alam. Hindi ko gustong magbilang. Ang sigurado lang ako... hindi ka mabibilang sa mga iyon, Mikaella."

"Never," mabilis at defensive niyang tugon. "Hindi ako luluha o masasaktan dahil sa 'yo, James." Dahil hindi naman talaga niya ii-involve ang sarili rito. Kailangan nito ng asawa? Well, kailangan naman niya ng anak. Pagkatapos noon ay kanya-kanya na sila ng landas.

"Sisiguraduhin ko iyon," tugon din naman ni James na may kakaibang determinasyon sa tinig. O pangako ba iyong nahimigan niya?

Wait. Natilihan siya. Biglang nalito. Parang magkaibang punto ang binibigyan nila ng diin. Pinupunto niya na hinding-hindi niya ii-involve ang sarili kay James habang ito ay tila nangangako. Nangangako na hindi siya masasaktan o luluha dahil dito.

Kung ano-ano ang nai-imagine mo, Mikaella! saway niya sa sarili.


The Start Of Forever (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon