Chapter 29: Liar

11 3 5
                                    



Halata kay Frederick na hindi niya nagugustuhan ang mga nangyayari, kinakabahan siya sa kung ano ba 'tong ginagawa ni Sandra.

"Pwes 'wag kang mag-alala, Frederick, dahil matutuloy at matutuloy ang kasal natin ano man ang mangyari at walang makakapaghiwalay sa atin kahit na ang kamatayan," sabi ni Sandra habang nakatingin sa mga mata ni Frederick, ramdam ni Frederick ang bahagyang kaba dahil sa tono at impact ng pagkakasabi niyon ni Sandra. Para bang nagbabanta siya o nananakot. Iisang bagay lang ang tumatakbo sa isip niya sa mga oras na ito—na ngayon ay napatunayan niyang ang minsan na niyang inibig ay isang baliw—baliw sa pag-ibig.

Mayamaya ay dumating na si Gary, medyo maayos-ayos na rin ang hitsura nito magmula no'ng ipabugbog siya ni Sandra sa mga gangsters. Tumayo si Sandra upang makuha niya ang atensyon ng lalaking kararating pa lang. Nabigla si Frederick nang makita ang kaibigan. Hindi siya makapaniwala na parang babaligtarin na siya ng kaibigan niya, pero naisip din niya na kung aamin na si Gary sa plano nilang iyon, mapagtatanto na ng mga magulang niya kung gaano nga niya kaayaw kay Sandra. Hindi na baling mabugbog siya ng tatay niya, ang mahalaga ay maipaglaban niya ang karapatan niyang pumili ng babaeng pakakasalan niya. Inihanda na lang niya ang sarili niya sa bugbog mula sa kanyang tatay.

Lumapit sa kanila si Gary at mabilis na nag-bow, nagtama pa ang tingin nila ni Frederick. "Magandang araw sa inyo."

"Hoy, walang hiya ka, ang kapal ng mukha mong gawin iyon sa kasal ng anak ko."

"Ah mama, huminahon lang po kayo. Napilitan lang din siyang gawin iyon."

"Kung gano'n bakit? Sino bang nag-utos sa iyong gawin iyon?"

Hindi muna siya sumagot, sa baba lang ang tingin niya at nag-iisip kung ano na ba ang gagawin niya. Nagdadalawang isip pa rin kasi siyang sabihin ang totoo. Halatang kabado si Frederick, ni hindi siya makatingin kay Gary, sa baba lang ang tingin niya. Ibinaba niya sa ilalim ng mesa ang mga kamay niya, pinagpapawisan na siya. Sa kanya lang ang tingin ni Sandra. Gusto nitong makita kung ano ba ang magiging reaksyon ni Frederick.

"Ano sino? Sabihin mo na, wag mo nang patagalin"

"Si Haizel po, ang dating girlfriend ng groom."

Nanlaki ang mga mata ni Frederick dahil sa isinagot ng kaibigan.

"Anong sabi mo?" gulat na gulat nitong reaksyon. Napangiti naman sa inis si Sandra.

"huwag mo nang itanong kung ano ang sinabi niya dahil malinaw naman iyon," sabi nito kay Frederick. "umalis ka na," sabi naman niya kay Gary. Nag-bow pa siya bago umalis. Napalunok si Frederick, hindi na siya nagtaka kung bakit gano'n ang nangyari, siguradong kagagawan iyon ni Sandra para lalong kamuhian ng mga magulang niya si Haizel.

"Walang hiya talaga ang babaeng iyon, ang kapal naman ng mukha niyang gawin iyon sa kasal ng anak ko. Sigurado akong naghihiganti iyong hayop siya."

"hindi, hindi gano'ng klaseng babae si Haizel. Mas maniniwala pa ako na may nangyari kay Sandra at ang lalaking iyon kaysa sa paniwalaang magagawa iyon ni Haizel. Hindi siya cheap katulad ng ibang babae diyan na kahit na ipinagtatabuyan na, para pa ring lintang dikit nang dikit. Nakakahiya?"

"hindi naman siguro ako iyang pinapaparinggan mo niyan, 'di ba."

Samantala, nagpasyang kumain sa labas sina Haizel at Riko, dalawang linggo na rin kasi magmula nang magsama sila sa iisang bubong. At dalawang linggo na lang at matatapos na rin ang kalokohang pinanggagagawa ng mga magulang nila para sa kanila. Nagkataon namang sa restaurant kung nasaan ang pamilya nina Frederick sila dinala ng tadhana. Paupo na sana no'n si Haizel nang bigla siyang nakarinig ng isang pamilyar na boses at pangalan niya ang sinasabi no'n. Tinatawag siya ng mama ni Frederick at halata sa boses nito ang pagkagalit.

"Oh, siya iyong mama ni Frederick, 'di ba??" sabi ni Riko sa palapit na matanda. Kinabahan sila dahil sa hitsura ng matanda na galit na galit.

Kalahating metro mula kay Haizel saka tumigil sa paglalakad ang mama ni Frederick. Sobrang tindi nang pagkakatitig nito kay Haizel habang si Haizel naman ay balot ng pagtataka ang mukha. Sa ibang table, may baso ro'n na may lamang tubig at buong lakas niya iyong isinaboy sa mukha ni Haizel, napapikit si Haizel. Nagulat ang lahat ng tao, sina Riko, ang asawa nito, ang mga taong nakakita maliban kay Sandra lalong-lalo na si Frederick. Walang makakapantay sa pagkabigla nito. "Ang kapal naman ng mukha mong sirain ang kasal ng anak ko, gusto mong maghiganti dahil do'n sa nangyari noong nakaraang taon? Hindi ka pa rin ba nakakapag-move on do'n?"

Pinunas ni Haizel ang mukha niya gamit ang wrist. "Para sa'n ang... tubig na iyon?" sarkastiko ang ngiti ni Haizel nang itanong iyan. Pinili na lang niyang maging mahinahon at huwag pairalin ang nararamdaman niya dahil ano't-ano man, mas matanda pa rin ito sa kanya ng halos kalahati ng edad niya.

Galit na galit talaga ang mukha ng mama ni Frederick, hindi pa rin nawawala ang galit nito kaya't sinampal pa niya ng napakalakas si Haizel, halos mabingi siya ro'n. Tumakip pa sa mukha niya ang ilang hibla ng buhok niya dahil sa sampal na iyon.

"Sa totoo lang gustong-gusto na kitang patayin ngayon pero hindi ko iyon gagawin dahil isa akong professional."

Napangiti si Haizel sa sinabing iyon ng matanda. Napa-smirk siya. "Tsk, professional?" may halong pagka-asar ang ngiti ni Haizel. Naging seryoso ang mukha niya. "At sinong nagbigay sa 'yo ng pahintuot na saktan ako?" sigaw nito habang may mga luhang nakagilid sa mata nito na ano mang oras ay puwedeng malaglag. Gustong-gusto na niyang umiyak dahil sa magkahalong kahihiyan at sakit no'ng sampal pero ayaw niyang ipakitang umiiyak siya sa mga taong hindi niya gustong pakitaan no'n.

Nabigla ang matanda sa mataas na boses na iyon ni Haizel. "A-ano? Sinisigawan mo 'ko ngayon? Wala kang respeto."

I Do, My ladyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon