PROLOGUE...
Nasa loob kaming dalawa ng kotseng itim na may tinted na mga bintana. Nakaupo siya sa driver's seat habang ako, nakaupo naman sa passenger seat at malayang hinahayaan ang aking sarili na pagmasdan ang gwapo niyang mukha.
Hindi ko maiwasang hindi mapangiti kapag nakikita ko ang kanyang mukha. Ang animo'y may kaangasan na hilatsa ng mukha nito. Napakaganda ng pagkakatubo ng makapal at maitim niyang kilay na bumagay sa chinito niyang mga mata. Ang matangos niyang ilong na talaga namang ang sarap kurutin kapag inaasar ko siya. Ang may kanipisan at mamula-mula niyang labi na kaysarap halikan na binagayan ng manipis na bigote at balbas na bagong ahit. Ang mukha niya na talaga namang isa sa mga dahilan kung bakit ako nahulog at nagmahal sa kanya.
Bukod pa riyan, mayroon siyang katawan na talaga namang sasambahin ninuman. Napakaganda ng hubog ng buong katawan nito na bumagay sa kasuotan nitong damit. Bumagay rin sa ganda ng katawan nito ang pambihirang tangkad na bihira lamang makamit ng isang ordinaryong pinoy, mga nasa 5'9 kasi ang tangkad nito. Palibhasa, may lahi rin kasing Korean. Maganda at makinis ang balat na mestiso na bumagay sa itim na itim na kulay ng buhok nito na spiky ang pagkakaayos.
All in all... perfect na siya... sa mga paningin ko.
"Hindi ka pa ba nagsasawa?" tanong niya sa akin na bahagyang nagpagulat sa buong sistema ko. Hindi ko inaasahan na itatanong niya sa akin 'yan.
"Nagsasawa? Saan?" pagtatakang tanong ko.
Napatingin ang mga chinito niyang mata sa akin. Kanina ko pa napapansin ang kaseryosohan ng mukha niya hindi ko lamang itinatanong sa kanya kung bakit siya seryoso.
"Alam mo ang ibig kong sabihin." Sabi niya sa malamig ng boses pero hindi pa rin nawawala ang kaangasan niya.
"Hindi ko talaga alam... Ano bang ibig mong sabihin?" tanong ko muli.
Napabuntong-hininga siya. Umiwas siya nang tingin sa akin.
"Lagi na lamang tayong nagtatago na parang isang kriminal... Parang sa tuwing may gagawin tayo ng magkasama... pakiramdam ko... napakalaki lagi ng kasalanang nagagawa natin." Sabi niya.
Napaiwas na ako nang tingin sa kanya. Napabuntong-hininga ako.
"Nagtatago tayo hindi lamang para maprotektahan ang dignidad at pagkatao nating dalawa kundi para na rin hindi malaman ng iba na may relasyon tayong dalawa gayong may mga asawa na tayo." Sabi niya.
Muli akong napatingin sa kanya.
"Alam mo... Sa totoo lang, nakokonsensya na ako e... Mali na nga itong ginagawa nating pakikipagrelasyon sa isa't-isa... Mas lalo pa nating pinapalala at dinadagdagan ang mali dahil sa panloloko nating dalawa sa mga asawa natin." Sabi niya.
"Evo..." sambit ko sa pangalan niya. Primitivo Theodore Rosales ang buo niyang pangalan.
Napatingin siya sa akin.
"Hindi ko na kaya... Mahal na mahal ako ng asawa ko pero... nagagawa ko siyang lokohin..."
"Pero mahal din kita... mahal mo ako... di ba iyon naman ang mahalaga? Ang mahal natin ang isa't-isa..."
"Pero may mga naapakan tayong puso... Ang sa asawa ko at pati na rin sa asawa mo." sabi kaagad niya.
Napapikit ako ng mga mata. Parang alam ko na kung saan papunta ito e... ayoko mang mangyari dahil ito ang pinakakinakatakutan kong mangyari pero wala na... nangyayari na.
Bakit ba kasi ganun kapag nagmahal ka? Minsan nagiging bulag at masama ka na dahil hindi mo nakikita ang tama sa mali? Kagaya ko? Wala akong nakikita na mali sa pagmamahalan naming dalawa.
Muli akong napadilat ng mga mata. Mataman kong tiningnan siya.
"So... gusto mo na bang makipaghiwalay sa akin kasi hindi mo na kaya ang dala ng konsensya mo? Akala ko ba... kakayanin mo... natin..."
" 'Yun na nga e... Gustuhin ko mang makipaghiwalay sayo para matapos na ang lahat... nakokonsensya man ako dahil sa nagagawa kong lokohin ang asawa ko ng dahil sayo... pero sa huli... naiisip ko... hindi ko kaya... hindi ko kayang mahiwalay sayo dahil mahal na mahal kita... Pakiramdam ko... kapag nawala ka sa tabi ko o nilayuan man kita... parang iyong kahati ng puso ko... mamatay at mawawala na rin." Sabi niya. Hindi ko inaasahan ang sinabi niya. Ang akala ko... ang akala ko... iiwan na niya ako.
Bigla ko siyang niyakap ng mahigpit.
"Akala ko makikipaghiwalay ka na sa akin? Akala ko... akala ko iiwan mo na ako." Naiiyak kong sabi.
Gumanti siya nang yakap sa akin.
"Gustuhin ko mang makipaghiwalay at iwanan ka para hindi na tayo mas malubog pa sa kasalanan... Hindi ko magawa kasi hindi ko kaya." Sabi niya. "Mas nangingibabaw ang pagmamahal ko para sayo kaysa sa konsensya ng panloloko ko sa asawa ko." sabi niya pa.
Napapikit ako ng mga mata. Tipid na napangiti.
"Hayaan mo Evo... Basta magkasama tayo at mahal natin ang isa't-isa... tama lang ang lahat dahil wala namang mali pagdating sa pagmamahal di ba?" sabi ko.
Napatango na lamang siya.
"Mahal na mahal kita Evo..."
"Mahal na mahal rin kita... Henz Vincent Dela Cruz."
BINABASA MO ANG
SINFUL LOVE (ROMANCE-MELODRAMA) - COMPLETED #Wattys2020
Roman d'amourANG PAGMAMAHALANG IPINAGBABAWAL... HANGGANG SA HULI BA AY MAIPAGLALABAN? SINFUL LOVE by FRANCIS ALFARO COMPOSE OF 30 EPISODES ALL RIGHTS RESERVE, 2020 COPYRIGHT (C) 2020