Kabanata 2: Kahalili

56.2K 3.4K 379
                                    


Urduja.

Iyan ang isa sa mga pangalan na lagi kong naririnig o nababasa kapag tungkol sa sinaunang kasaysayan ng Pilipinas ang pinag-uusapan. Sa pagkakatanda ko, ayon sa mga libro, sa Pangasinan siya namuno. Pero maraming istoryador ang nagsasabing folklore o haka-haka lamang si Urduja at hindi totoo ang kanyang istorya.

Pero kung totoo nga siya . . . kung nabuhay talaga siya . . . ibig sabihin . . .

"Maki am-am mo ka." (Magpakilala ka.)

Nagulat ako nang bigla siyang nagsalita. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil nakakatakot ang presensya niya. Pakiramdam ko, napakalakas niya. Hindi kaya siya talaga . . . si Urduja?

Huminga ako nang malalim at inipon ko ang natitira ko pang lakas ng loob para magsalita.

"Pasensya na pero hindi ko maintindihan ang sinasabi mo." Iba ang wikang sinasalita nila. Kung siya nga talaga si Urduja, ibig sabihin ay Pangasinense o Ilokano ang salitang sinasabi nila.

Nagbago naman ang ekspresyon niya at napakunot ang noo niya. Pero paglipas ng ilang segundo ay ngumiti siya na para bang may naisip siyang nakakatuwa.

"Iyan ang wika na ginagamit ng isang tribong napuntahan ko noon." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay ako naman ang nagulat. Marunong siyang mag-Filipino? Mali. Kung bumalik nga ako sa panahon ni Urduja, ibig sabihin ay wala pang Filipino noon. Malamang ay wikang Tagalog ang tinutukoy niya. Pero nakakamangha na alam niyang salitain ang Tagalog gaya ng nakasulat sa ibang libro na marami siyang alam na wika.

Hindi ko naman alam ang sasabihin dahil baka isipin niyang isa akong espiya mula sa mga Katagalugan. Hindi ko alam kung paano sasabihin sa kanyang hindi ito ang panahon kung saan ako namumuhay.

"Bakit ka narito sa aming pook? Ikaw ba'y inutusan ng inyong datu para magmanman dito?" Dahil Tagalog na ang sinasalita niya ay naintindihan ko kaagad ang sinabi niya.

"Hindi po. Hindi ako galing sa tribong tinutukoy mo."

"Kung ganoon, saan ka nagmula? Ayon kay Bagim, nakita ka niya sa kagubatan. Kakaiba rin ang iyong kasuotan. Marahil ay galing ka sa malayong pook?"

Huminga ako nang malalim dahil pakiramdam ko ay nauubusan ako ng hangin sa pagtatanong niya. Siguro nga ay kailangan kong sabihin sa kanya ang totoong nangyari. Baka matulungan niya akong bumalik sa amin.

"Ang totoo niyan ay hindi ako mula sa panahong ito," panimula ko at bigla siyang natahimik. Nakita ko rin ang pagkalito sa kanyang mukha pero hinayaan niya akong magpatuloy. "S-sa tingin ko ay galing ako sa hinaharap at bumalik ako sa nakaraan." Tumayo ako at yumuko sa harapan niya. "Kung may alam ka man kung paano ako makakabalik, parang awa mo na, tulungan mo ako."

Ilang sandali pa ang lumipas at walang umimik sa amin. Itinaas ko ang ulo ko at pagtingin ko sa kanya ay hindi ko mabasa ang expresyon niya. Pero bigla siyang bumuntong-hininga at tumingin ulit siya sa akin.

"Kaya mo bang maglakad kahit na ganiyan ang kalagayan ng iyong paa?" tanong niya.

"S-sa tingin ko."

"Kung ganoon ay sumama ka sa akin," sabay hawak niya sa braso ko kaya nakaladkad ako.

"T-teka, saan tayo pupunta—"

"Sa punong babaylan."

Napatigil ako noong narinig ko iyon. Punong babaylan?

"B-bakit? Anong meron sa kanya?"

Hindi naman niya ako sinagot at patuloy niya lang akong hinatak hanggang sa makalabas kami sa bahay na iyon. Noong nasa labas na kami ay napatingin sa amin halos lahat ng nandoon at sinundan nila kami ng tingin habang naglalakad. Napayuko na lang ako dahil nakaramdam ako ng hiya.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon