Kabanata 19 : Hara

27.4K 1.3K 159
                                    

Ilang araw na ang nakalipas mula noong huling dumalaw si Atubang Kayo. Sa pakikipagpalitan ng kaalaman ng mga panday ng Kaboloan at ng mga mamamana ng Agta ay nagkaroon ng magandang ugnayan ang dalawang nayon.

Habang nakadungaw sa bintana ng aking balay ay hindi ko maiwasang hindi mapangiti lalo na't aking nakikita ang paghalakhak ng mga bata habang sila ay naghahabulan sa labas. Nais kong maging ganito kapayapa ang Kaboloan sa loob ng matagal na panahon ngunit batid kong hindi iyon ang magiging daloy ng tadhana.

Abala sina Urduja, Bagim at Anam sa pakikipagsanay sa mga mamamana mula sa Agta habang si Ditan naman ay naroon pa rin sa kanilang nayon upang hasain ang kanilang paggawa ng mga palaso at pana. Samantala, si Ridge ang namumuno sa pagsasaliksik tungkol sa maaaring maging daan ng kalakalan. Siya ay sumasama sa mga manlalayag upang matukoy ang lagay ng karagatan, maging ang mga karatig isla.

'Pagkat wala akong makausap sa aking balay ay nagtungo ako sa pook-dasalan sa gitna ng kagubatan. Sa tuwing may agam-agam sa aking isipan ay pumupunta ako rito. Kahit papaano ay bumubuti ang aking pakiramdam sa tuwing aking nakikita ang kakaibang punong nagtataglay ng basbas ng mga diyos at diyosa.

Hindi ako tiyak kung ilang oras akong nakaupo lamang dito at nagmumuni-muni. Bumalik lamang ang aking isipan sa kasalukuyan nang may marinig akong kaluskos mula sa paligid. Sa aking paglingon ay aking nasilayan si Ridge at saglit siyang napatigil nang magtama ang aming mga mata.

"Narito ka pala," sambit niya habang palapit sa akin.

"Kararating lamang ba ninyo?" tanong ko at agad naman siyang tumango.

Umupo siya sa aking tabi at bakas sa kanyang mukha ang pagod. Simula noong itinalaga siya bilang punong pantas ay halos hindi na siya nakakatulog nang maayos. Marahil ay sagana sa ideya ang kanyang isip kaya't nais niyang gawin ang mga ito, lalo na at ang kapakanan ng kanyang ninuno ang nakasalalay rito.

"Kumusta?" tanong ko at nakita ko ang kanyang pagngiti.

"Tila napakatagal na simula nang marinig ko ang salitang iyan," sambit niya.

Maging ako ay napatigil nang mapagtanto ko iyon. Hango nga pala sa Kastila ang salitang 'kumusta' kaya hindi naming iyon naririnig sa kahit saang pook o pulo sa Pilipinas.

"Sa kinalulugaran ng Pilipinas, tiyak na mapakikinabangan natin ang pakikipagkalakalan," aniya at umayos siya ng pagkakaupo. "Maaari tayong makipagpalitan sa iba't ibang bansa sa Silangan at Timog-Silangang Asya at makakuha ng mga kagamitang mayroon sila."

"Ngunit sa tingin mo ba ay papayag sila na makipagkalakalan sa atin?"

Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga. "Iyan ang hindi ko pa masasabi."

"Bakit?"

"Sa kasalukuyan, ang kadayangan ni Prinsesa Urduja ay mayroong dalawang nasasakupan—ang Kaboloan at ang Agta. Tanging ang Samtoy lamang ang may kaalaman sa pakikipagkalakan kaya't kinakailangan naming matuto mula sa kanila."

Sa aking pagkakatanda, ang nayon ng Samtoy ay kinikilalang Ilocos Sur ngayon. Kung titingnan ang kanilang posisyon, sila ang may kakayahang makipagkalakalan sa mga karatig-bansa. Ngunit ayon kay Urduja, nang pumanaw ang kanyang ama, ang nakaraang Datu, ay hindi siya binigyan ng basbas ng babacnang o ang namumuno sa Samtoy na katumbas ni Datu Urang, sapagkat hindi niya nakikita si Urduja bilang karapat-dapat na pinuno. Datapwa't magkasundo ang dalawang nayon ay hindi na muling nagkaharap ang mga pinuno nito.

Marahil ay kaya rin nais ni Urduja na hingin ang tulong ng mga Agta sapagkat batid niyang mahihirapan siya sa pakikipag-usap sa babacnang dala ng kanilang kaugnayan.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon