Kabanata 23 : Dayuhan Mula sa Silangan

17.9K 1.2K 91
                                    

"Nagwagi ka sa iyong balak."

Napalingon sa aking direksyon si Ridge at sumilay sa kanyang mga labi ang matagumpay na ngiti kahit bakas sa kanyang mukha ang pagkahapo at kawalan ng pahinga.

Narito kami ngayon sa kagubatan at naging takbuhan niya na rin ang pook-dasalan sa tuwing nais niyang makapag-isip nang tahimik. Lumapit ako sa kanyang kinatatayuan at tahimik na tumingin sa puno sa aming harapan.

"Hindi ko inakalang ihahain mo ang konsepto ng rehiyon sa kanila," saad ko. "Tingin mo ba ay handa na sila sa ganoong sistema?"

Ngumisi siya. "Hindi pa, ngunit iyon lamang ang naiisip kong paraan upang maging maayos ang turingan ng mga nayon."

"Sasang-ayon kaya ang babacnang sa iyong mungkahi?"

"Sa tingin ko," tugon niya. "Isa pa, mas makabubuti sa kanila kung tatanggapin nila ang ating imumungkahi."

Tahimik naman akong sumang-ayon. Mas makikinabang sila kung masusunod ang nais na sistema ni Ridge ngunit may pag-aagam-agam pa rin sa aking dibdib sapagkat hindi ito ang kanilang nakasanayan.

"Mabuti na ba ang iyong pakiramdam?" tanong niya pabalik kaya't muli kong naalala ang mga nangyari noong nakaraang gabi.

"Hindi ko pa maintindihan nang lubos ang aking mga pangitain ngunit natatakot ako sa maaaring mangyari."

Muling dumaloy sa aking isipan ang mga nakapaninindig-balahibong pangitain at naramdaman ko ang pag-init ng marka sa aking mga kamay. Ayon sa mga salitang iyon, mayroong tatlong natatanging babaylan sa buong kapuluan ng Pilipinas. Iyon din ang tinuran ni Apo Angalo. Ngunit ano ang tungkulin ng mga sisidlan? Ano ang aming gagampanan sa panahong ito?

"Cyrene?"

Hindi ko napansin ang pagtawag ni Ridge sa aking ngalan kaya't bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. Bahagya akong ngumiti upang ipanatag ang kanyang kalooban.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya.

Agad akong tumango. "Oo. Ngunit tila kailangan na nating magpahinga. Ayon kay Hara, tayo ay lilisan paglubog ng araw."

"Siya nga."

Matapos ng aming pag-uusap ay bumalik kami sa kani-kaniya naming balay ngunit hindi ko magawang magpahinga. Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata ay muli kong naaalala ang aking mga pangitain kaya't natatakot akong matulog.

"Apo Bulan, alam kong narito ka," sambit ko.

Nitong mga nakaraang araw ay tila mas nararamdaman ko ang presensiya ni Apo Bulan. Batid ko kung malapit ang kanyang anyo sa akin kahit hindi niya ihayag ang kanyang sarili. Sa palagay ko ay may kinalaman iyon sa kanyang pagiging pintakasi.

"Ano ang bumabagabag sa iyo, sisidlan?"

Mayroong liwayway ng liwanag ang sumilang sa aking harapan at matapos ang ilang sandali ay inihayag ng aking pintakasi ang kanyang sarili.

"Apo, mayroon akong mga katanungan."

"Tiyak akong binalaan ka na ni Anagolay ukol dito," talamik niyang saad.

"Ngunit ang sabi niya ay tanging ang aking pintakasi lamang ang makakapagpaunawa sa akin ng mga nais kong malaman."

Naging malagim ang kanyang itsura ngunit nais kong maging malinaw ang lahat. Nais kong malaman kung ano ang tungkuling nararapat kong gampanan.

"Ayon kay Apo Angalo at sa aking pangitain, mayroong tatlong sisidlan sa kapuluang ito. Bakit?"

"Naaalala mo ba ang mga salita sa iyong pangitain?"

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon