Kabanata 40 : Ang Huling Habilin

10.5K 876 125
                                    


Tila isang walang lamang sisidlan lamang ang babaeng hatak ni Ditan. Walang buhay ang kanyang mga mata at nagpapahila na lamang sa kung saan man kami tutungo.

Nanatili kaming nakasunod ni Ridge habang nakaalalay siya sa akin. Tila bibigay na rin ang aking mga binti ngunit nais kong tulungan sina Urduja sapagkat ako lamang ang maaaring makapigil kay Ilati.

Ilang sandali pa ay muli kong natanaw sina Bagim at Anam. Tiyak na nais din nilang tumungo sa Hara ngunit kaiba sa mga karaniwang mandirigma ay malakas ang kanilang mga kaharap.

Halos manindig ang aking mga balahibo nang masilayan ko sina Urduja, Lakan Silang at Ilati. Namumukod-tangi ang kanilang mga hilagyo at walang nagtangkang lumapit sapagkat kamatayan lamang ang kanilang makakamit.

Ang anyo ng kanilang mga diyos at diyosang pinagsisilbihan ay unti-unting nagiging tunay at hindi na lamang katipunan ng liwanag sa kanilang likuran. Kaiba sa kadalasang hilagyo ay matayog ang kanilang anyo. Halos kalahati lamang ng kanilang mga katawan ang kanilang mga pintakasi.

Ngayon ko lamang din natanaw ang hilagyo nina Dumakulem at Anitun Tabu. Nababalot ng mga markang kahalintulad sa mga mandirigma ang pangangatawan ni Apo Dumakalem at ang kayumanggi niyang kulay ay tila sumasalamin sa kalupaan sa kabundukan. Sa kanyang likuran ay mayroon malaking pana at hawak naman niya sa kanang kamay ang isang palakol. Ang kanyang itim at mahabang buhok ay tila mga baging at sanga. Maamo ang kanyang mga mata ngunit bakas din sa mga ito ang kahusayan sa pakikipaglaban. Samantala, kawangis ni Anitun Tabu si Apo Bulan ngunit higit na marahas ang kanyang kaanyuan. Tila umaalong tubig ang kanyang gayak at puti lamang ang kanyang mga mata.

Agad kong hinila ang braso ni Ditan kaya't nabaling ang kanyang tingin sa akin.

"Hindi ka maaaring tumungo roon," sambit ko at sumulyap ako kay Ridge. "Manatili muna kayo rito at kung maaari ay tulungan ninyo sina Bagim at Anam."

"Sayi . . ." ani ni Ridge. "Ngunit—"

"Tanging ang mga sisidlan at pinuno na lamang ang makatatagal sa labang iyon."

Muli akong napatingin kay Ditan. Bakas sa kanyang mukha ang lungkot at pagsisisi. Nais kong tanungin kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon ngunit sa aking isipan ay batid ko na ang dahilan. Humigpit ang kanyang hawak sa kamay ng babae na nakatingin lamang sa kawalan.

Nagulat ako nang bigla na lamang ngumiti si Ditan at iniabot niya sa akin ang kampilan na kailanma'y hindi niya ginamit sa labanan. Halos kawangis ito ng gamit ni Urduja ngunit yari ang puluhan nito sa ginto.

"Maaari bang ibigay mo ito sa Hara?" malamlam niyang pakiusap at marahan ko itong tinanggap. "Ito ang pinakamainam kong likha—ang sandatang inalay ko sa nakaraang pinuno," paglalahad niya. "Sa pagpanaw ni Datu Urang ay inihabilin niya ang kanyang kampilan sa akin. Nais niyang ipamana ito kay Uriyan ngunit maging ang magiting niyang binata ay napaslang. Sa nagdaang panaho'y hindi pa sapat ang tiwala ng Kaboloan sa prinsesa ngunit sa pagkakataong ito ay lubos kong pinauubaya sa kanya ang aking buhay at karangalan bilang punong-panday."

Isang malungkot na ngiti ang kanyang pinakawalan habang nakatanaw sa kinaroroonan ni Urduja. Datapwa't siya ang may katandaan ay hindi maiaalis na umaasa't nagtitiwala rin siya sa Hara bilang pinuno.

"Masusunod, Ditan," sambit ko.

Bagama't hapo pa rin ay pinilit kong tumungo nang mabilis sa kanilang kinatatayuan. Halos tangayin ako ng napakalakas na paghampas ng hangin kaya't tinawag ko ang hilagyo ni Apo Ikapati upang panatilihin ang aking mga paa sa kalupaan.

Agad akong nagpakawala ng palasong yari sa liwanag ng buwan sa kinaroroonan ni Ilati sapagkat pinagtutulungan na nila si Urduja. Isang mabalasik na huni ang dumagundong nang tumama ito sa tipak ng lupang lumulutang dahil sa kapangyarihan ni Lakan Silang at Dumakulem.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon