Kabanata 5 : Ang Pagtatagpo

50.4K 2.7K 186
                                    

Tahimik lang kaming naglalakad habang dala ang ilang piraso ng nakakalasong parte ng Batano. Habang nakatingin ako sa likod ni Ridge ay muli kong naalala ang sinabi niya kanina.

"Ngayon, naniniwala ka na ba na ang lahat ng ito ay itinadhana?"

Hindi ko pa rin lubos maisip na galing siya sa angkan ni Bagim. Oo, may pagkakahawig sila pero ang hirap paniwalaan na nandito sila ngayon sa parehong lugar at parehong panahon. May dahilan kung bakit siya nandito pero hindi ko pa rin alam ang kinalaman nito sa akin. Wala akong koneksyon sa kahit isa man lang dito pero sa isang iglap ay naging punong babaylan ako ng nayon na ito.

Bigla namang humangin nang malakas at may kakaiba akong naramdaman. Napatingin ako sa marka sa kamay ko. Simula nang nagkaroon ako nito ay kung anu-ano na ang nakikita at nararamdaman ko. Sabi ni Urduja, ito ang simbolo na ako ang napili ng mga diyos at diyosa upang kanilang maging tulay sa mundong ito.

"Kailangan nating—"

Hindi na naituloy ni Ridge ang sasabihin niya dahil pareho kaming nagulat sa nangyari. Bigla na lang yumanig ang lupa ng ilang segundo, kasabay ng pag-igik na tila galing sa ilalim ng lupa. Matapos ang ilang segundo ay tumigil ang pagyanig ngunit nasundan naman agad iyon ng tunog ng tambuli mula sa nayon kaya't nagkatinginan kami at isa lang ang nasa isip namin: kailangan naming bumalik doon.

Napilitan kaming tumakbo para mabilis na makabalik sa mismong nayon pero halos matumba at mapasigaw ako nang bigla na lang may lumitaw na liwanag sa harapan ko kaya agad akong huminto at napapikit.

"Bakit?" rinig kong tanong ni Ridge. Pagdilat ko ay wala na ang nakakasilaw na hugis-bolang liwanag. Binigyan naman ako ni Ridge ng isang nagtatakang tingin at huminga na lang ako nang malalim upang kalmahin ang sarili ko.

"Wala," sagot ko at agad kaming tumungo sa nayon.


***

Pagdating namin doon ay abala ang lahat sa kanya-kanya nilang ginagawa. Ang mga lalaki ay may mga hawak na armas samantalang ang mga kababaihan ay tumutulong sa ppag-iimbak ng mga pagkain at ani. Kapansin-pansin din ang ilang lalaki na may itim na putong at ang mga burda sa kanilang katawan ay nasa braso at kamay lamang. May ilan ding babae na nakasuot ng tila-pandigmang gayak at maihahambing ang kanilang pangangatawan at presensiya sa mga lalaking mandirigma.

"Mga panday at ang Kalakian," sambit ni Ridge at bigla kong naalala ang kwento ni Mama noon.

Bukod sa pagiging pinuno ng nayon ay kilala rin si Urduja bilang pinuno ng Kalakian, mga babaeng mandirigma o sa kasalukuyang termino ay mga Amasona.

"Punong babaylan."

Napatingin naman ako sa pinanggalingan ng boses at nagulat ako nang makita kong naglalakad papunta sa direksyon ko ang mga babaylang kasama ko sa ritwal kanina. Dahil sa kanila ay napunta ang atensyon ng halos lahat sa aming dalawa ni Ridge.

"Mabalin ka nga makatungtong?" (Maaari ka bang makausap?) sabi ng isa at tumingin naman ako kay Ridge.

"Pwede ka raw ba nilang makausap," pagsasalin niya. "Mukhang tayo ang hindi makakapag-usap nang maayos sa ngayon. Pagkatapos nito, marami pa akong sasabihin pero kailangan muna natin silang tulungan," dagdag niya habang nakangiti. "Sige na."

Wala naman akong nagawa kundi sumama sa kanila at siya nama'y dumiretso sa direksyon ng mga panday. Sinundan ako ng tingin ng mga Kalakian at yumuko na lang ako dahil nakakatakot ang mga mata nila.

Nakarating kami sa lugar kung saan kami unang nagkita at pagpasok ko roon ay may naramdaman na naman akong kakaiba. Tila bumigat ang loob ko at nag-iinit ang kalamnan ko. Dinala naman nila ako sa isang kwarto at nagulat ako nang sinimulan nilang tanggalin ang damit ko.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon