Kabanata 28 : Pamamaalam

15.5K 1K 60
                                    


"Tiyak na nais niya ring masilayan ang kanyang labi ngunit wala pa ring malay—"

Umandap ang aking mga mata at kasabay niyon ay ang pagtulo ng luha mula sa mga ito. Gumuhit sa aking isipan ang nangyari bago ako nawalan ng diwa at tila isang malalim na sugat ang kumukutog sa aking dibdib.

"Atubang . . ." Halos bulong lamang ang kumawala mula sa aking bibig.

Hindi pa rin matanggap ng aking kalooban ang aking nasilayan noong araw na iyon. Nais kong paniwalain ang aking sarili na hindi iyon tunay . . . na nakaligtas siya at marahil ay kasama na niya si Raniag at ang kanyang apo . . .

"Apo Sayi," tawag ni Handiran at bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan.

. . . ngunit batid kong iyon ang katotohanan.

Narating na ng atubang ang kanyang hangganan.

Muling sumilay ang aking paningin sa aking dalawang gabay. Nakasuot sila ng kaiba sa kanilang karaniwang bihis. Marahan akong bumangon at dumako naman sa aking magkabilang-gilid sina Handiran at Iliway.

"Ano ang kalagayan ng Agta?" mahina kong tanong at agad naman silang nagtinginan, tila nag-aalangan sa kanilang itutugon.

"Apo . . . pumanaw na ang datu," hayag ni Iliway.

Batid ko na iyon ngunit tila lumubog pa rin ang aking puso nang aking marinig ang kanyang sagot.

Pinigil ko ang aking luha. "A-at si Raniag?"

"Naroon ngayon ang Hara," dagdag ni Handiran. "Sa katunayan, ikaw ay kanilang hinihintay roon, Apo Sayi."

Nanghihina man ay pinilit kong tumayo at tinulungan nila akong maghanda upang magtungo sa nayon ng Agta. Tulad nila ay iba rin ang kasuotang ibinihis nila sa akin at doon ko napagtanto na ito rin ang kanilang isinuot noong pumanaw ang nakaraang punong babaylan. Sa halip na puti ay sari-saring kulay ang yari ng aming kasuotan. Ayon sa kanila, isang kalapastanganan kay Silagan, diyos ng paglilibing at ng mga pumanaw, ang pagsusuot ng anumang puti o payak na kulay sa libing ng isang namayapa. Kanyang isinusumpa ang sinumang lumabag dito at tiyak na mapupunta ang kanilang kaluluwa sa Kasanaan.

Inalalayan nila ako palabas ng aking balay at naglakad kami patungo sa Balay Parsua kung saan naghihintay si Ridge. Naroon din sina Bagim, Anam at Ditan, at silang tatlo ay nakasuot ng kalasag habang hawak ang kanilang mga sandata.

Sa aking pagdating ay tumindig sila sa aking harapan. Ang punong babaylan ang may kapangyarihang magtakda ng kailangang gawin sa sandaling lumiban ang pinuno ng isang nayon.

"Apo Sayi, kung inyong mamarapatin, nais naming manatili sa Kaboloan," sambit ni Anam.

Tumango naman ako. "Marapat lamang," ani ko. "Nais kong malaman ang kalagayan ng ating mga hangganan."

Itinaas ko ang aking braso at makalipas ang ilang sandali ay lumapag doon ang isang kalapati.

"Ipagbigay alam ninyo sa akin ang anumang paggalaw o pagbabago at ihahatid ko ito sa Hara," utos ko at agad namang lumipat ang kalapati sa braso ni Bagim.

"Masusunod, Apo Sayi," sabay nilang sambit.

"Tayo na, punong babaylan," sambit ni Ridge habang nakasakay sa kanyang kabayo. "Naghihintay ang Hara at ang Agta."

Marahan akong tumungo sa kanya at tinulungan niya akong makasakay roon. Saglit na nawala sina Handiran at Iliway at nang sila ay bumalik ay dala na rin nila ang kanilang mga kabayo at sandata.

Sabay silang tumango kay Ridge at agad na tumakbo ang kanyang kabayo, habang nakasunod naman sa amin ang dalawa.

"Maayos na ba ang iyong kalagayan?" bulong ni Ridge.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon