Kabanata 38 : Pagpawi ng Liwanag

9.8K 902 113
                                    

Tila mayroong palasong dumuro sa aking puso nang makita ko ang kalagayan ni Handiran mula sa likuran ng babae. Naramdaman ko ang panginginig ng aking kalamnan. Agad na gumapang ang takot at dama ng pagkakasala sa aking dibdib.

"Handiran," halos pabulong na sambit ni Anam habang nakatingin sa kanila.

"Pagpupugay, sisidlan ng hilaga," sambit ng lalaki mula sa kalayuan. Sa akin lamang nakatuon ang kanyang tingin, isang lapastangang kilos na maituturing sapagkat hindi niya binigyang-pansin si Urduja, ang aming pinuno.

Pigil ang hininga ng bawat gabay at mandirigma ngunit nagngingitngit at malagim ang mga tingin nina Urduja, Anam at Bagim sa dalawa.

Nabigla na lamang kami nang hinawakan ng lalaki ang buhok ni Handiran at kinuyom ito. Nakita namin ang kanyang mukha na pulos dugo at tila nadurog ang aking puso nang masilayan ko ang paghihirap na kanyang dinanas sa kanilang mga kamay.

"Ang nais ni Ama ay ang dakilang sisidlan," sabay tingin niya nang masama kay Handiran, "subalit ito ang kanyang nakuha."

Muli niyang itinulak ang ulo ni Handiran sa likuran ng babae at bigla na lamang nilang pinatakbo ang kanilang mga kabayo.

"Ika'y hihintayin namin sa bahayan ng Maysapan, sisidlan."

Mabilis silang nakalayo kaya't agad namin silang sinundan. Ilang mandirigma ng Namayan ang humarang sa aming daanan ngunit agad silang nawala sa aming harapan nang sumugod sina Bagim at Anam.

Wala ni isa ang nagsalita at patuloy lamang na sinusundan ang dalawang pinunong aming nasilayan ngunit likas na mas mabilis silang magpatakbo ng kabayo kaya't unti-unti silang nawawala sa aming paningin.

Apo Anagolay, dingin ang aking ngalan, saad ko sa aking isipan at agad kong naramdaman ang pagdaloy ng kanyang kapangyarihan sa aking paningin.

Mabilis akong lumingon kay Ridge at agad niyang nakuha ang nais kong mangyari. Binilisan niya ang pagtakbo ng aming kabayo hanggang sa kami ang manguna sa aming hanay.

Mula sa aking kinalalagyan ay tanaw ko ang dalawa. Muling bumigat ang aking puso nang makita ko ang kalagayan ni Handiran. Tila lantang-gulay siyang nakatali sa katawan ng babae. Ang puting buhok ng kabayo ay nabahira na ng kanyang dugo. Tiyak na siya'y humihinga pa ngunit hindi ko batid kung hanggang kailan.

Ako ang naging gabay ng aming hukbo upang patuloy na masundan ang mga taga-Namayan.

Nababagala rin ako sa aking natanaw na marka kanina. Ang marka ng araw ay tanda ng pagiging napili ni Apo Init . . . liban na lamang kung mayroon pang ibang diyos o diyosang mayroong kawangis na marka.

"Handiran . . ." mahinang sambit ni Anam.

Hindi ko alam kung ilang sandali na ang nakalipas. Palubog na ang araw nang huminto kami sapagkat hapo na ang aking mata. Bumigat ang aking pakiramdam sapagkat tuluyan nang nawala sa aming paningin sina Handiran.

"Magpahinga ka ng ilang sandali, Sayi," utos ni Urduja.

Iyon ang unang pagkakataon na siya ay nagsalita matapos naming masilayan si Handiran.

"N-ngunit—"

Isang matalim na tingin ang kanyang binitiwan. "Kailangan ko ang iyong lakas. Pagkagat ng dilim, titiyakin kong hindi na muling masisilayan ng araw ang nayong ito."

Halos nagsitayuan ang buhok sa aking katawan nang bitiwan niya ang mga salitang iyon. Tila naglalagablab ang kanyang mukha mga mata dahil sa pagtama ng araw sa kanyang mukha.

"Magat," tawag niya at agad na tumingin sa kanya si Ridge. "Nais kong masilayan ang banghay ng Namayan. Maiguguhit mo ba ang kabahagian nito?"

"Marapat lamang, Hara."

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon