Kabanata 21 : Kapulungan

19.3K 1.2K 80
                                    

Tumungo ako sa kakahuyan upang kumalma at lumanghap ng sariwang hangin. Batid kong sa panahong ito ay nakakakita ako ng mga diyos at diyosa ngunit nagulat pa rin ako nang masilayan ko ang isang higanteng tulad ni Angalo.

Mula sa mga kwento ng aking mga magulang, naaalala ko ang kakaibang alamat ng Ilocos Sur o Samtoy sa panahong ito. Sa halip na mga anito, diyos o diyosa, naniniwala sila na ang Luzon ay nabuo sa tulong ng mga higante at sila rin ang itinuturing nilang mga ninuno.

"Sisidlan."

Nagulantang ako nang nakarinig ako ng tinig at sa aking paglingon ay naroon si Angalo sa kanyang normal na anyo. Mayroon siyang suot na salakot sa kanyang ulo at tanging bahag lamang ang tabing ng kanyang matipunong pangangatawan at kayumangging balat.

"A-Apo Angalo," tawag ko at saka yumuko.

Naramdaman ko ang kanyang paglapit kaya't nanatili akong nakatingin sa lupa.

"Tila nalalapit na ang kadiliman," aniya habang nakatitig sa kalangitan.

Muli siyang tumingin sa akin at ngumiti ngunit kasabay niyon ay ang pagdaloy ng mga pahayag.


Tatlong sisidlan,

Isang dakilang digmaan;

Tatlong pintakasi,

Sino ang magwawagi?


Natitiyak kong may karugtong pa iyon ngunit nawala na lamang ang tinig sa aking isipan at pagdilat ko ay mayroon nang kasama si Angalo.

Nakatingin sa akin ang isang diyosang nasilayan ko na noon. Naalala ko ang kanyang maamong anyo at kasuotang hindi makamundo. Gaya dati ay nag-iiba ang kulay at hugis ng kanyang mga mata. Ang pagkakaiba lamang sa una naming pagkikita ay ang pagkawala ng kanyang ngiting tila nanlalambing at napalitan ito ng talamik na hayag.

"Angalo," tawag ni Anagolay na tila may pagbabanta sa tinig.

"Ipagpaumanhin mo, Anagolay," tugon ni Angalo at saka tumingin sa akin. "Nais ko lamang bigyan ng kaalaman ang ikatlong itinakdang sisidlan."

"Ikatlo?" sambit ko habang nakatingin sa dalawang makapangyarihan sa aking harapan.

"Patawad, sisidlan, ngunit hindi ko maaaring sagutin ang iyong mga katanungan." Muling bumaling ang kanyang tingin kay Angalo. "Bukod sa diyos o diyosa na iyong pinagsisilbihan, walang sinuman ang maaaring makialam sa paghahabi ng tadhana ng isang sisidlan."

Tumalikod sina Anagolay at Angalo sa akin, hudyat ng kanilang paglisan, ngunit tumigil sa paglalakad si Anagolay at sumulyap kung saan ako nakatayo.

"Ngunit ito lamang ang maipapayo ko sa iyo, sisidlan ng Kaboloan: Malaki ang iyong tungkuling gagampanan, sapagkat bawat hibla ng iyong tadhana ay nakaugnay sa mga yugto ng dakilang kayarian at katapusan."

Kasabay ng pagbitiw niya ng mga salitang iyon ay ang kanilang paglaho sa aking harapan. Naiwan akong nakatulala, iniisip kung ano ang ipinahihiwatig ng aking pangitain at ang pahayag ni Anagolay, nang marinig kong muli ang pagtawag sa aking ngalan.

"Apo Sayi!"

Natanaw ko si Anam mula sa bukana ng kakahuyan at mabilis siyang nakarating sa aking kinatatayuan.

"Nakahanda na ang pulong."


***

Tumungo kami sa isang balay-pulungan at naroon na ang si Urduja, si Babacnang Darata at ang kanyang mga katalonan at gabay. Umupo ako sa kaliwang band ani Urduja habang sa kanan naman si Anam.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon