Kabanata 29 : Paglalakbay sa Silangan

15.1K 1K 47
                                    

"Ayon sa mga manlalayag, tayo ay aabutin ng pitong araw upang makarating sa daungan ng Nanjing, ang pangulong-bayan ng Ming."

Nanlaki naman ang aking mga mata nang marinig ko ang pahayag ni Ridge.

"P-pitong araw?"

"Siya nga," tango niya. Bigla naman siyang lumapit sa akin at bumulong. "Wala pang makina sa panahong ito kaya't lumalayag sila sa pamamagitan lamang ng hangin."

"Ngunit . . ."

Tinangay na lamang ng hangin ang mga salitang nais kong sabihin.

Sa katunayan, hindi ko nais maglakbay sa karagatan o kahit anumang anyong-tubig sapagkat wala akong dunong sa paglangoy. Nanghina ang aking katawan nang mabatid kong sampung araw ang itatagal namin sa gitna ng kawalan.

"Magat. Sayi."

Napahinto kami sa paglalakad nang marinig namin ang tinig ni Urduja. Agad kaming nagbigay-galang nang tumindig siya sa aming harapan.

"Hara," sabay naming sambit.

"Narito ang aking handog sa kanilang pinuno."

Iniabot ni Urduja ang isang kahong naglalaman ng mga binhi at yamang likas lamang sa Kaboloan, at mga pilak at ginto.

"Hihintayin ko ang magandang salaysay sa inyong pagbabalik," aniya. "At gayon din ang aking gagawin."

"Masusunod, Hara."

Nagpatuloy kami sa paglalakad ngunit napahinto ako at muling tumingin kay Urduja. Nagtama ang aming mga mata at bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. Batid ko ang bigat ng mga tungkuling kanyang ipinapasang mag-isa. At sa pagkamatay ng isa sa mga itinuturing niyang kasundo at tagapayo, marahil ay muli niyang naalala ang kanyang ama at nakatatandang kapatid.

Hindi man niya ito ihayag, batid naming may takot siyang nadarama tuwing nawawalay ang isa sa kanyang mga punong-gabay.

"Ano iyon, Sayi?" usisa niya.

Sumilay ang ngiti sa aking labi. "Nagagalak akong ikaw ang aking napiling pagsilbihan, Hara," pahayag ko at gumuhit ang saglit na gulat at pagkalito sa kanyang mukha. "Magbabalik kami sa iyong tabi. Pangako."

Hindi na ako naghintay sa kanyang tugon at agad na humabol sa paglalakad ni Ridge.

"Nararapat na mga salita mula sa isang sisidlan?" tanong ni Ridge habang patungo kami sa dalampasigan.

"Mula sa isang kaibigan," hayag ko.

Narinig ko naman ang mahina niyang pagtawa. "Siya nga."

At sa dalampasigan, dalawang bangka ang naghihintay sa aming pagdating.


***

Tila kumikinang ang katubigan sa pagtama ng sikat ng araw sa kalawakan ng dagat. Sariwang hangin na may halong alat ang tumatagos sa aking balat.

Sa gitna ng kalawakan at kailaliman ng karagatan, kami ay nagmistulang alabok na walang makapapansin sakali mang may mangyaring anuman.

Isang manlalayag at dalawang mandirigma ang aming kasama sa aming bangka habang nasa isa naman ang ilan pa. Tumungo kami ni Ridge sa unahan at nanatili akong nakatanaw sa paligid kahit na karagatan lamang ang aking nasisilayan.

"Tiyak na narinig na ng kanilang hari ang ngalan ni Urduja matapos ang nangyari noon sa Samtoy," sambit ni Ridge kaya napatingin ako sa kanya.

Muli akong napaisip sa kalagayan ng Tsina sa panahon ngayon. Kasalukuyang umuusbong ang dinastiyang Ming matapos pabagsakin ang Yuan kaya tiyak na nasa kalagitnaan ng digmaan ang lupain ng Tsina.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon