Kabanata 13 : Pananagutan

32.6K 1.8K 67
                                    


"Punong babaylan," tawag ni Handiran matapos ang pagdarasal namin kay Ikapati.

Narito kami ngayon sa Balay Langit kung saan isinasagawa lahat ng pagdarasal at orasyon para sa mga diyos, diyosa at anito. Ayon kay Handiran, isinasagawa ito tuwing kabilugan ng buwan 'pagkat iyon ang hudyat na nakikinig si Apo Bulan at kanyang isinasalaysay sa iba pang diyos at diyosa ang dasal ng mga tao.

"May mga pangitain ka bang nakita, Apo Sayi?" tanong niya.

Umiling naman ako. "Wala."

Sa nagdaang mga araw ay walang nagparamdam o nagpakitang diyos o diyosa sa akin. Apat na ang aking nakikilala simula nang mahirang ako bilang babaylan: sina Apo Init, Apo Bulan, Ikapati at Anagolay. Hindi ko alam kung ilan pa sila ngunit natitiyak kong hindi pa iyon ang huli.

Matapos kong magbihis ay tumungo ako sa labas at napabuntong-hininga ako nang makita ko ang paghahanda ng mga mandirigma at Kaboloan sakali mang may magtangkang sumakop sa aming nayon.

Dalawang araw na ang nakalilipas mula nang makabalik kami mula sa Sambal. Noon ko lang nakita kung gaanong nakakapanindig-balahibo sa oras na magalit sina Urduja, lalo na ang dalawa niyang pinuno—sina Bagim at Anam. Kinitil nila ang lahat ng mandirigmang humawak at hindi rumespeto sa kanilang prinsesa. Ang katapatan nila sa kanya ay kapuri-puri.

Naalala ko naman ang tinuran ni Urduja sa harap nina Datu Karugan at Lakan Tagkan. Dahil sa ginawa nilang kalapastanganan ay nangako siyang sila'y kanyang babalikan. Hindi man ako tiyak kung amin bang kakayanin ang kanilang hukbo ay alam ko namang buo na ang kanyang pasya at hindi niya kailanman tatalikuran ang mga salitang binitiwan niya.

Isa lamang ang nais ni Urduja ngayon—ang protektahan ang kanyang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapalawak nito. Tinanong ko sa kanya noon kung bakit kailangan niya pang gawin iyon kung kaya niya namang ipagtanggol ang kanyang mga mamamayan kahit na ganito lamang kaliit ang kanyang lupain.

"Darating ang panahon na ang malalaki at malalakas na kaharian ang magnanais ng likas na yaman at lupain ng Kaboloan," sambit niya. "Kailangan ng mas malaking hukbo at armas upang malupig ang ganoong uri ng mananakop. Kung gayon ay mas tataas rin ang pangangailangan sa lakas-tao, pagkain at lupain. Ang isang maliit na nayong tulad nito ay hindi makaliligtas sa kamay ng isang kaharian o imperyo."

Lalo lamang akong namangha sa kanyang pag-iisip nang sabihin niya iyon sa akin. Kung nabubuhay ngayon ang kanyang ama at kapatid, tiyak na ipagmamalaki siya ng mga ito. Lumaki man siya bilang isang binukot, mayroon naman siyang puso at isip ng isang mandirigma.

"Punong babaylan."

Napatalon ako at muntik nang mapasigaw nang may narinig akong boses mula sa aking likuran. Paglingon ko ay sumalubong agad ang pilyong ngiti ni Ridge. Napailing na lamang ako 'pagkat alam kong wala akong laban sa kanya. Sinabayan naman niya ako sa paglalakad.

"Saan ka nanggaling?" tanong ko nang mapansin kong iba ang daang tinahak niya papunta rito mula sa kanyang tinutuluyang balay.

"Sa balay ni Ditan," sagot naman niya.

"May pulong kayo?"

Tumango siya. "Ibinahagi ko ang mga napansin ko sa armas ng mga Sambal. Tiyak akong iba ang kanilang gamit sa atin. Marahil ay nakikipagkalakal sila sa mga karatig-bayan o bansa."

Bumaling ang tingin ko sa kanya. Napansin niya pa ang mga iyon habang nakikipaglaban kami para sa aming mga buhay? Kakaiba talaga ang mga nakikita't naiisip niya kaysa sa karaniwang tao.

"Ikaw? Saan ka patungo?" tanong niya naman sa akin.

"Sa balay ng Prinsesa."

"Kung gayon ay sabay na tayong pumunta roon."

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon