Kabanata 9 : Bukod-Tangi

43.4K 2.3K 137
                                    

"Narigat ti kayat mo, Prinsesa," (Mahirap ang iyong nais, Prinsesa,) ani ni Anam, ang Punong Kalakian.

"Kailangan tayo ti addo nga armas tapno kasdiay," (Kailangan natin ng maraming armas kung gayon,) dagdag naman ni Ditan, ang Punong Panday.

"Agpayso, nga kailangak ti tulong," (Tunay nga, ngunit kailangan ko ang inyong tulong,) sabi ni Urduja habang pabalik-balik ang tingin sa dalawa.

Sa isang nayon, tatlong tao ang may hawak ng kapangyarihan sa sistema: ang datu na siyang namamahala sa buong nayon at itinuturing na tagapagbatas, tagapagpaganap at tagahukom; ang punong panday na siyang abala sa paggawa at pag-aaral ng mga armas at sandata; at ang punong babaylan na kumakatawan sa espiritwal at medikal na mga aspeto. Ngunit sa Kaboloan, ibinigay ni Urduja ang pamamalakad sa mga mandirigma sa dalawang tao—kina Bagim, na siyang punong mandirigma, at Anam, ang punong Kalakian.

Simula noong naging datu si Urduja ay itinalaga niya ang Kalalakian, isang grupo ng mga natatanging kababaihan na nagtataglay ng talino at lakas halintulad sa mga mandirigma. Ayon sa kanya, hindi ito nagustuhan ng mga mamamayan at mandirigma noong una ngunit nang may nagtangkang dakipin ang mga babae ng nayon upang ipagbili bilang mga alipin ay sila ang tumalo at nagtaboy sa mga ito. Mula noon ay kinilala sila bilang bahagi ng hukbo ng mga mandirigma at nakarating din iyon sa mga karatig-nayon dahil taliwas ang kanilang ginagawa at kaanyuan sa karaniwang babae.

"Aggapo nasapa pay para ditoy, Prinsesa," (Marahil ay masyado pang maaga para rito, Prinsesa,) sambit ni Ditan.

Nandito kami ngayon sa Balay Parsua, ang pook-hukuman kung saan isinasagawa ang mga desisyon para sa Kaboloan at dito rin nagpupulong ang mga punong-gabay ng datu.

Gaya ng Balay Sayi (ayon kay Urduja, isinusunod ang ngalan ng pook-dasalan sa kinikilalang punong babaylan), ang Balay Parsua ay gawa rin ito sa punongkahoy at pawid. Sa gitna ng silid ay may malaki at pabilog na lamesang-kahoy at nakapaligid doon ang anim na upuan. Sa bandang harapan naman ay may iba't ibang armas na nakasabit o di kaya'y nakasandal sa dingding na, ayon kay Anam, ay ginagamit sa mga sumusuway sa batas ng nayon. Pinili kong huwag nang muling tumingin doon dahil sa sinabi niya.

"May maimumungkahi ka ba, punong pantas?" tanong niya kay Ridge at napatigil kaming lahat dahil sa itinawag niya sa kanya.

"P-punong pantas?" tanong ni Ridge na tila hindi rin inaasahan ang narinig.

"Wen," (Oo) sagot niya. "Marapat lamang dahil sa iyong angking talino."

Inihayag niya ang ginawa ni Ridge noong sumugod ang mga taga-Namayan at pinuri niya ang kanyang dunong sa larangan ng taktika.

"Addo met ti ammo na dagiti samal nga inusar na dagiti palaso," (Marami siyang nalalaman tungkol sa lason at ginamit niya iyon sa mga palaso,) dagdag ni Ditan at sumilay ang manipis na ngiti sa kanyang mga labi.

"Hindi ba nagapo met isuna ti sabali nga pook?" (Hindi ba mula rin siya sa ibang pook?) tanong ni Ditan.

Panahon, pagtatama ko sa aking isipan. Tanging si Urduja lamang ang may alam nito ngunit malakas ang pakiramdam kong may ideya na rin si Bagim at sa paglipas ng mga araw ay tiyak na malalaman din ito nina Anam at Ditan.

"Isuna, ngem di ka mabuteng, Ditan, aggapo kada Magat ken Sayi ti agkakaduwa," (Siya nga, ngunit huwag kang mangamba, Ditan, 'pagkat sina Magat at Sayi ay ating kakampi,) turan ni Urduja.

Sandaling katahimikan ang bumalot sa aming anim hanggang sa nagsalita si Ridge.

"Maraming salamat sa iyong mga salita, Prinsesa," sabi niya habang nakayuko sa direksyon ni Urduja.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon