Kabanata 43 : Pagbabalik sa Kasalukuyan

8K 882 187
                                    


"Hanggang sa muli nating pagkikita. Paalam."

"Cyrene! Cyrene!"

Napadilat ako habang hinahabol ang hininga nang makita ko ang mukha ni Urduja sa aking isipan, ngunit ang bumungad sa aking paningin ay ang mukhang kay tagal kong hindi nakita.

Isang malalim na paghinga ang binitiwan ni Mama habang nakahilig ako sa kanyang mga braso. Ilang sandali lamang akong nakatulala sa kanya sapagkat hindi ko alam ang dapat maramdaman. Hirap kong iniikot ang aking paningin at napaawang ang aking bibig nang mapagtanto kong narito na akong muli sa aming attic.

Sinubok kong tawagin si Mama ngunit walang tinig na lumabas sa aking mga bibig. Tila natuyo ang aking lalamunan at hindi ko rin magalaw ang aking katawan. Unti-unting bumigat ang aking mga talukap at ang huli kong nasulyapan ay ang pagbukas ng pinto ni Papa habang nakasunod sa kanya si Lola.

Sa pagtikom ng aking mga mata ay isang mapait na alaala ang sumaglit sa aking isipan. Magkahalong lungkot at ginhawa ang aking naramdaman sapagkat nakabalik na ako sa kasalukuyan—ang panahon kung saan ako nabibilang.


***

Sa aking muling paggising ay natanaw ko ang mukha ni Papa sa gilid ng aking higaan. Bakas ang pagkasabik at pag-aalala sa mga mata niya kaya pakiramdam ko ay muli akong bumalik sa pagkabata.

Madalas ay wala sila ni Mama dahil lumilibot sila sa buong Pilipinas kasama ang kani-kanilang pangkat para sa kanilang mga proyekto. Ngayong narito siya ay hindi ko maiwasang hindi maluha.

"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" malumanay niyang tanong at marahan akong tumango. Nanghihina pa rin ang aking katawan ngunit hindi na masakit ang aking ulo. "Ito pala."

Mayroong kinuha si Papa mula sa lamesa sa gilid ng aking kama at napahugot ako ng isang malalim na hininga nang makita ko ang pamilyar na kawayan.

"Hawak mo nang mahigpit 'yan noong nawalan ka ng malay noong isang araw," sambit niya.

Marahan kong hinawakan ang kawayan habang nakatitig sa mga nakaukit na baybayin ngunit napakunot ang aking noon ang mapagtanto ko ang sinabi ni Papa.

"Noong isang araw . . . ?"

"Dalawang araw ka nang tulog, Cyrene," sabi ni Papa. "Kaya nga halos tawagin na ng Mama mo lahat ng kakilala niyang doktor pero sabi ng lola mo ay magiging ayos ka rin ngayon . . . at nagising ka nga."

Muli akong natulala nang isalaysay iyon ni Papa ngunit sabay kaming napatingin sa pintuan dahil bumukas iyon at magkasunod na pumasok sina Mama at Lola.

"Cyrene!" sigaw ni Mama at agad niya akong sinalubong nang mahigpit na yakap. "Diyos ko, buti naman at nagising ka na, anak."

"Hindi ba't sinabi ko na sa iyo . . ." mahinang ani ni Lola.

"Pinag-alala mo akong bata ka. Saan ka ba nagpunta ng tatlong araw?"

Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin o maramdaman nang malaman kong tatlong araw lamang akong nawala, samantalang halos ilang buwan akong nanatili sa nakaraan, kaya't nagpakawala na lang ako nang malalim na buntong-hininga. Kahit naman sabihin ko sa kanila ang nangyari ay baka hindi sila maniwala sa akin pero nagulat ako nang biglang lumapit si Lola at marahang pinisil ang aking kanang kamay.

"Mayroon pa ring mumunting hilagyo ng diyosa ang nananatili sa'yo, apo," bulong niya habang nakangiti. "Kung gayon ay nagtungo ka nga sa nakaraan."

Nagpalitan ng mga tingin sina Mama at Papa matapos iyong sabihin ni Lola. Makalipas ang ilang sandali ay muling hinawakan ni Mama ang aking kamay at taimtim na tumingin sa aking mga mata.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon