Kabanata 31 : Tanglaw ng mga Tala

13.3K 1K 243
                                    

Sa panahong namalagi ako rito ay naranasan ko na ang pakikipaglaban. Ngunit kahit ilang ulit na ay hindi pa rin mawala ang takot at pag-aalala sa aking loob sa tuwing tutunog ang mga tambuli . . . sapagkat iyon ay hudyat din ng tiyak na pagpanaw ng kayraming mga mandirigma.

Tumungo kami ni Ridge sa itaas ng balay Parsua habang minamanmanan ang kabuuan ng Kaboloan.

"Apo Anagolay, dinggin ang aking ngalan," sambit ko at matapos ang ilang sandali ay naramdaman ko ang pagdaloy ng kanyang kapangyarihan sa aking katawan.

Nagbago ang aking paningin at mula sa aking kinatatayuan ay tanaw ko ang aming mga hangganan. Mula sa mga kapatagang naghihiwalay sa Kaboloan at iba pang makapangyarihang nayon sa Timog ay mayroong mga hanay ng mandirigmang naglalakad patungo sa aming hangganan. At sa kanilang likuran ay ang wangis ng sisidlang aking nakasalamuha noon—si Ilati, isa sa mga natatanging sisidlan at ang punong katalonan ng Seludong.

Ayon kay Ridge, ang nayon ng Seludong ay ang kinikilalang Maynila sa kasalukuyan, at isa sa mga pinakamakapangyarihan sa Timog, sa ibabang bahagi ng ilog Pasig.

"Marahil ay nagkaroon na sila ng kasunduan ng nayon ng Tundun," saad niya.

"Ang nayon ng Tundun? Hindi ba't kaagawan nila ito sa pagsakop sa kabuuan ng ilog Pasig at look ng Maynila."

"Siya nga. Ngunit sapagkat tatlong nayon ang naghahati sa likas-yaman mula sa ilog ay tiyak na hindi iyon sapat sa kanilang mga mamamayan." Isang nakababahalang tingin ang ipinakita niya. "Kung kaya't nais nilang mapalawig ang kanilang kalupaan hanggang ditto sa hilaga kung saan sagana sa yaman ang mga kabundukan at karagatan na ating pinaliligiran."

Tiyak na hindi lamang iyon ang dahilan. Sapagkat batid ng kanilang natatanging sisidlan na iisa lamang ang maaaring mahirang sa luklukan. At sa pagitan ng mga namumuno sa kani-kanilang kalupaan, si Urduja ang mas mayroong pagkakataong maluklok dahil sa lawak ng kanyang nasasakupan.

At hindi niya iyon hahayaan.

Muli kong sinilayan ng tingin ang malayong kapatagan at mula sa kinatatayuan ng sisidlan at lakan ay nakita ko ang dalawang marka sa kanilang ulunan—ang ulan at kabundukan.

Batid kong ang kanyang pintakasi ay si Anitun Tabu, ang diyosa ng hangin at ulan. Ngunit sino ang pintakasi ng lakan?

"Sisidlan."

Halos malaglag ako mula sa aking kinatatayuan nang bigla na lamang maghayag ng kanyang hilagyo si Bulan.

"A-apo Bulan."

Nang sambitin ko ang kanyang ngalan ay tila naligalig si Ridge at lumingun-lingon sa aming paligid, na tila hinahanap ang diyosang aking sinambit.

"Tiyak na ang kanyang pintakasi ay si Dumakalem," ani ni Bulan habang nakatingin sa kalayuan.

"Dumakalem?"

"Ang kapatid ni Anitun Tabu."

Agad akong napatigil nang aking madinig ang kanyang sinabi at muli kong naalala ang nangyari sa amin ni Urduja. Tulad nina Apo Init at Bulan, magkapatid din ang mga pintakasi ng sisidlan at pinuno ng nayon ng Seludong. Agad ko naman itong ibinahagi kay Ridge at ipinadala naman niya ang kaalamang iyon sa hukbo ni Urduja gamit ang ibon.

"Ngayon ay malinaw na kung bakit nagamit nilang daanan ang kapatagan," hayag ni Ridge.

"Ano ang ibig mong sabihin?"

"Sinasamba rin ng mga Sambal ang diyosang iyon at bukod sa pagiging kasangga ng Namayan at Seludong, marahil ay ito rin ang isang dahilan kung bakit sila pinayagan ng mga taga-patag."

Natanaw ko naman si Urduja malapit sa hangganan ng Kaboloan at Sambal, at kasama niya si Bagim, pati na rin ang halos limampung mandirigma. Huminto sila sa talampas kung saan kanilang matatanaw ang halos kalahatan ng kapatagan. Isa ring kalamangan ng pook na iyon ay ang pagkakubli nito mula sa paningin ng mga taga-patag kaya't madalas na namamanmanan ng aming mga tagatanaw ang ikinikilos ng mga Sambal nang gawin itong moog ni Urduja.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon