Kabanata 37 : Poot ng Kaboloan

9.6K 880 106
                                    


Nabalot ng kilabot ang aking katawan nang masilayan ko ang bagong anyo ni Urduja. Sa kanyang likuran ay naroon pa rin ang aninag ni Apo Init na tila sinasalamin ang kanyang bawat kilos.

Kasabay ng pagsikat ng araw ay ang pagliyab ng hilagyo ng Hara ng Kahilagaan.

"Tila tuluyan nang napukaw ang kanyang kapangyarihan," bulong ko sa aking sarili habang nakatitig sa kanya.

Ilang mandirigma pa ang dumating sa hangganan ng Namayan at iyon ang naging hudyat upang kumilos ang aming hanay. Nanguna sa pagsugod sina Anam at Bagim at nanatili sila sa magkabilang-gilid ni Urduja. Ang aming mga mandirigma, na pulos nakasuot ng pulang putong, ay nagpakawala ng nakakapanindig-balahibong sigaw habang tumatakbo kasunod ng mga punong gabay.

"Lakan Tagkan!" bulyaw ni Urduja na tila kulog na dumagundong sa kalupaan ng Namayan.

Agad kaming sumunod nina Ditan at Ridge patungo sa kanilang kinalalagyan habang patuloy naman silang sumusulong sa hangganan ng Namayan.

Ilang huni ng tambuli ang sumalubong sa pagsikat ng araw at mula sa hindi kalayuan ay aming nadinig ang ilang pulutong ng mga mandirigmang tila naghahanda sa aming pagsalakay.

"Kung tama ang aking alaala," mahinang sambit ni Ridge sa aking likuran, "mayroong iba't ibang bahayan ang kaharian ng Namayan."

"Bahayan?" tanong ko.

"Bayan," tugon niya. "At bawat bayan ay may namamahalang datu na siyang nag-uulat sa kataas-taasang lakan. Hindi ko batid kung ano o saan ang pangulong-bayan nila sapagkat biglaan ang pagsugod na ito."

Aking naramdaman ang kanyang agam-agam. Mula pa noong pagpupulong ay batid kong hindi sang-ayon si Ridge, maging si Ditan, sa nais ni Urduja, ngunit wala silang nagawa laban sa sidhi ng kanyang damdamin.

"Nais mo bang—!"

Isang impit na sigaw ang aking pinakawalan nang maramdaman ko ang paglipad ng palaso sa aming direksyon. Agad namang inilihis ni Ridge ang pagpapatakbo sa kabayo kaya't nakaiwas kami mula sa pagsalakay. Ngunit dahil doon ay nahiwalay kami mula sa aming hanay.

Hinigpitan ni Ridge ang hawak sa tali ng kabayo at napasigaw ako nang binilisan niya ang pagpapatakbo rito. Nagulat ako nang bigla niyang inabot sa akin ito.

"Ikaw muna ang bahala," bulong niya at saka inilabas ang kanyang arnis.

"S-sandali—!"

Hindi na ako nakadaing sapagkat may mga mandirigmang sumugod patungo sa amin. Halos nakatagilid na siya habang pinipigilang makalapit sa akin ang mga mandirigmang mayroong hawak na mga sibat at kampilan. Bagama't hindi ako dalubhasa sa pagpapatakbo ay ginawa ko ang aking makakaya upang hindi siya malaglag mula sa kabayo.

Agad ko namang natanaw sina Urduja sa bandang unahan kaya't tinahak ko ang daan na iyon ngunit isang sagansan ng mandirigma ang bigla na lamang humarang sa aming landas.

Sa kanilang likuran ay mayroong isang matipunong lalaki ang nakasakay sa kabayo. Nakasuot siya ng pulang kanggan at putong na mayroong burda. Ang kanyang mga kamay at leeg ay napalilibutan ng mga kalumbiga. Isang matatag na tindig ang kanyang ipinakita. Tiyak na isa siyang pinuno.

"Ano ang inyong pakay, mga lapastangang golot?"

Agad na napakunot ang aking noo sa kanyang tinuran. Naalala ko ang paggamit nito ni Babacnang Darata ng Samtoy noon sa mga Agta at Igolot na siyang dahilan kaya't hindi magkasundo ang mga nayon sa hilaga. Tiyak na pangungutya rin ang golot kapag ito ay ginamit ng mga timog sapagkat ang tingin nila sa mga taga-hilaga ay mga taong-bundok na mabangis at masukal tulad ng mga hayop.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon