Kabanata 20 : Ang Nayon ng Samtoy

20.5K 1.3K 116
                                    

Napatingin ako sa kaliwang banda at nasilayan ko ang malalakas na hampas ng mga alon sa dalampasigan. Sa aming harapan naman ay bumungad ang malawak na lupaing pulos buhangin. Walang kahit anong puno o anumang bakas ng pamumuhay sa pook na ito.

"Nasaan sila?" bulong ko kay Anam habang nakasakay pa rin kami sa kanyang kabayo.

"Nakababahala," tugon niya. "Walang mandirigmang nakabantay sa kanilang hangganan. Marahil ay may mga inilatag silang patibong sa malawak na kabuhanginang ito."

Napatingin kaming dalawa kay Urduja, naghihintay ng kanyang pasya. Kanyang siniyasat ang kabuuan ng patag na lupain hanggang sa karagatan sa aming kaliwa. Muli siyang tumingin sa amin at tumango.

"Tayo na," aniya at agad namang tumango si Anam at tumungo kami sa harapan ni Urduja.

"Ako'y iyong sundan, Hara," sabi niya.

Nakamamangha ang katapatan niya kay Urduja. Batid kong bilang isang Kalakian at kanyang gabay, tungkulin niyang protektahan ang kanyang prinsesa ngunit tila hindi niya alintana ang panganib na kaakibat nito. Walang bakas ng takot sa kanyang mukha at tanging karangalan lamang na mapagsilbihan si Urduja ang aking nakikita sa kanya.

Humawak ako nang mahigpit sa baywang ni Anam at nagsimulang tumakbo ang aming mga kabayo. Sa bawat hakbang nila ay lumalakas ang aking kaba sapagkat anumang oras ay maaaring may bitag o patibong sa aming harapan.

Nabigla na lamang ako nang sa isang iglap ay tila naglaho ang lahat. Doon ko lamang napagtanto na muntik na kaming malaglag sa isang malalim na hukay. Naapakan iyon ng aming kabayo at nawala ako sa likuran ni Anam ngunit agad akong nahawakan ni Urduja habang nakaunat ang kanyang kamay at habang tumatakbo ang kanyang kabayo. Mabilis niya akong hinatak patungo sa kanyang harapan at padapa akong nakasakay sa kabayo. Sa kabilang banda, agad namang bumaba si Anam at hinatak ang tali ng kabayo bago pa man ito tuluyang malaglag sa hukay at saka muling sumakay rito habang patuloy itong tumatakbo.

Hinahabol ko pa ang aking hininga matapos mangyari iyon ngunit tila karaniwan na ang pangyayaring tulog no'n sa kanilang dalawa. Umayos ako ng pagkakaupo at nakakahiya dahil nasa harapan na ako ni Urduja.

"Paumanhin, Hara," mahina kong sabi.

Sumilay naman ang ngiti sa kanyang mga labi. "Wala kang dapat ihingi ng tawad, Sayi," sambit niya. "Batid naming hindi pangkaraniwan sa iyo ang paglalakbay."

Nais kong sabihin sa kanila na araw-araw akong naglalakbay sa kasalukuyan ngunit hindi sa pamamagitan ng kabayo at lalong hindi sa lugar na may mga bitag at patibong.

"Nakamamangha, Apo Sayi," ani ni Anam. "Tila hindi ka na nasindak sa isang hindi inaasahang pangyayari."

"Siya nga," dagdag naman ni Urduja.

Napayuko na lamang ako at hindi na sumagot pagkat naunahan na ako ng hiya. Ito na ang pangalawang pagkakataon na kinailangan nila akong iligtas mula sa mga hindi kanais-nais na kaganapan.

Makalipas ang ilang sandal ay unti-unting napapalitan ang buhangin ng kalupaan, hanggang sa masilayan namin ang ilang balay. Ngunit bago pa man kami makalampas sa kabuhanginan ay mayroong sumalubong sa aming mga mandirigma. Agad nila kaming napalibutan at sa aming harapan ay mayroong naglalakad na kabayo, sakay ang isang lalaki.

Bakas sa kanyang mukha at katawan ang ilang taong karanasan. Ang kanyang tindig at pagtingin ay may kakayahang mag-udyok ng takot sa kahit sinuman.

"Pagbati, Babacnang Darata," sambit ni Urduja.

"Ano ang aking maipaglilingkod sa iyo, binukot?" magaspang na tanong ng lalaki.

Sandaling katahimikan ang pumagitna sa kanilang dalawa at nagpipigil ng hininga ang mga mandirigma, maging kami ni Anam sapagkat maaaring hind imaging maganda ang susunod na mangyayari.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon