Kabanata 30 : Hudyat ng Pagsisimula

14.3K 997 130
                                    

Ilang sandali na ang nakalipas ngunit hindi ko rin alam ang gagawin. Marahil ay hapo na ang kanyang isip at katawan kung kaya't hindi na niya kinaya.

Nakatulog na lamang si Ridge sa aking balay matapos niyang isalaysay ang aking tungkulin sa nalalapit na paggalaw ng Kadayangan ng Hilaga.

"Magpahinga ka muna," mahina kong sabi at saka naglagay ng patungan sa kanyang ulunan.

Dumako ako sa bintana at muling tinanaw ang liwanag ng buwan at ng mga bituin sa kalangitan. Ramdam ko ang hanging tila pumipigil sa aking paghinga.

"Ang samyo ng dugo . . ." sambit ko.

Hindi man ganoon kalakas ay tila dinadala ng hangin ang tila bakal na amoy sa dugo. Isang hudyat na nagsisimula na ang pakikipaglaban ng iba't ibang nayon upang mapalawig ang kani-kanilang sakop na lupain.

Muli akong napatingin kay Ridge at napangiti. Marahil kung hindi siya napunta sa panahong ito ay malabong manalo ang Kaboloan. Ang lawak ng kanyang kaalaman ang dahilan kung bakit unti-unting nakaaangat ang Kaboloan at ang mga nayong kasangga nito sa iba pa.

Tulad niya, nais ko ring makatulong sa kaunlaran at kaligtasan ng aming nayon.

Sa kailaliman ng gabi ay lumabas ako sa aking balay at nagtungo sa pusod ng gubat kung nasaan ang pook-dasalan. Agad akong napatigil nang makarinig ako ng ingay mula roon. Marahan akong nagtago sa likod ng puno at sumilip.

"Nalupoy!" (Mahina!) sigaw ni Anam kay Handiran habang nagsasanay sa pagkikipaglaban gamit ang sibat.

Nanindig ang aking katawan nang makita ko ang mga mata ni Handiran mula sa liwanag ng buwan—mga matang nag-aalab sa kasugiran.

"Nais nila lumakas upang ikaw ay ligtas."

Isang impit na sigaw ang lumabas mula sa aking bibig nang marinig ko ang tinig na iyon sa aking tabi. Sa aking paglingon ay sumalubong ang tingin ni Bagim habang nakatingin sa kalangitan.

"B-Bagim."

"Sa Hara . . . at sa punong babaylan . . . aming tungkulin ang inyong tiyak na kaligtasan."

Ilang sandaling katahimikan ang bumalot sa aming pagitan. Siya nga. Bawat tao sa nayon ay may kani-kaniyang tungkulin. At bilang babaylan, batid ko ang nararapat kong gampanan.

Ikinuyom ko ang aking kamay at tumingin kay Bagim.

"Mayroon akong kahilingan," saad ko.

At doon nagsimula ang aking paghihirap.


***

Sa pag-usbong ng kanyang araw,

kadiliman ay muling dadalaw;

Kapalit ng kanyang sinag,

haligi'y papawian ng liwanag.


Agad akong napabangon habang hinahabol ang aking hininga nang muling kumisap sa aking isipan ang pangitain na iyon.

"Bangungot?" usisa ng isang tinig at napatingin ako sa aking gilid. "O isa na namang pangitain?"

Ilang sandali akong nakatitig lamang kay Ridge at hindi ko tiyak kung ano ang dapat maipinta sa aking mukha. Bago pa man ako makapagsalita ay isang hagikgik ang lumabas mula sa kanyang mga labi.

"Nawalan ka ng malay habang nagsasanay?"

Nabalot ng hiya ang aking mukha at muli kong naalala ang nangyari kagabi.

Nais kong maging bihasa pa lalo sa paggamit ng pana sapagkat iyon ang kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ni Bulan. Bilang punong-mandirigma at bihasa sa paggamit ng anumang sandata ay hiniling ko kay Bagim na ako'y kanyang muling sanayin.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon