Kabanata 4 : Tadhana

49.5K 3K 406
                                    


Tahimik kaming apat sa balay ni Urduja. Ilang minuto na ang nakakaraan pero wala pa ring nagsasalita at lahat kami ay nagpapakiramdaman. Hindi ko magawang tingnan si Ridge kanina pero nang sumilip ako ngayon ay biglang nagtama ang aming mga mata. Hindi na ako nakaiwas at alam kong marami rin siyang tanong.

"Agam ammo kayo?" (Magkakilala ba kayo?) tanong ni Bagim at agad namang isinalin ni Urduja ang kanyang sinabi sa Tagalog.

"Ah. Oo," mahina kong sagot sabay tingin kay Ridge. "Nagmula kami sa parehong pook."

Sa hinaharap, sa isip ko. Mukhang nakuha ni Urduja ang ibig kong sabihin at siguro ay may ideya na rin si Bagim dahil sa kakaibang kasuotan namin.

"Mukhang kailangan ninyong mag-usap," sabi ni Urduja at bigla naman siyang tumayo kaya sumunod din si Bagim.

Pagkaalis nila ay bigla naman akong nakaramdam ng matinding hiya dahil sa pagtitig sa akin ni Ridge. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pag-uusap namin dahil sa gulo ng mga pangyayari pero bigla naman siyang lumapit at umupo sa harapan ko.

"May binasa ka rin ba bago ka mapunta rito?" tanong niya kaya agad akong napatingin sa kanya.

"I-ikaw rin?"

"Oo," tango niya. "Nakita ko sa mga lumang gamit ng mga magulang ko."

"Tapos bigla ka na lang napunta ro'n sa gubat?" dagdag ko at muli siyang tumango.

Pagkatapos no'n ay sandaling katahimikan ang bumalot sa amin at inisip ko kung ano ang maaaring dahilan ng lahat ng ito. Paniguradong naguguluhan din ang mga tao rito dahil sa pagdating namin, lalo na't mukha kaming dayuhan sa aming kasuotan, maging sa pananalita.

"Mukhang tama nga si Papa," biglang sabi niya, dahilan para kumunot ang aking noo.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Ang sabi niya, kapag nakita ko ang babaeng nasa litrato, ibig sabihin ay iyon na ang takdang panahon."

Nakatitig siya sa akin kaya umiwas ako ng tingin. Bigla ko namang naalala ang sinabi ng mga kaibigan ko sa akin noong pauwi na kami. Sabi nila, nakatingin lang daw nang seryoso sa akin si Ridge.

"May kinalaman ba 'to sa akin?" agad ko namang tanong at nagtamang muli ang mga mata namin.

"Oo," seryoso niyang sabi. "Kamukha mo siya."

"Ako?" sabay turo ko pa sa sarili ko.

"Ayaw mong maniwala? Heto, o—"

Napatigil naman siya nang makita niya ang phone niya. Hindi gaya ko ay dala niya 'yon dito pero wala ring silbi dahil hindi ito mabuksan at hindi rin gumagana.

"Ikaw? Alam mo ba kung bakit ka napunta rito?" tanong niya at ako naman ang natigilan.

"Hindi," sabi ko naman. "Bigla na lang akong naging babaylan nang wala man lang kahit anong ideya kung anuman itong napasok ko."

Napatingin naman ako sa kamay ko at naroon pa rin ang "marka" ng pagiging babaylan ko. Hindi ko pa rin talaga lubos-maisip na bigla na lang akong napunta sa ganitong posisyon kahit na sa sarili ko ay hindi ko alam kung ano talaga ang nangyayari.

"Tadhana," sabi niya.

"Ha?"

Tinignan niya ang paligid at pagkatapos no'n ay lalo pa siyang lumapit kaya inatras ko ang ulo ko.

"Naniniwala akong may dahilan ang lahat ng 'to," mahina niyang sabi at hindi ko na magawang umiwas sa mga mata niya.

Magtatanong sana ulit ako nang biglang may kung anong imahe ang gumuhit sa isip ko. Napapikit ako dahil nakaramdam ako ng hilo at para bang namanhid ang buong katawan ko.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon