Kabanata 6 : Ang Mandirigma mula sa Timog

43.9K 2.4K 128
                                    


Hindi na ako muling nakatulog matapos ang mga nangyari. Pinagmasdan ko na lang ang pagsikat ng araw mula sa bintana habang hinihintay ang anumang mangyayari.

Bigla ko namang naalala ang pag-uusap namin kanina ni Ridge.

"Cyrene, sino ka ba talaga?" tanong niya at nabalot lamang kami ng katahimikan dahil wala rin akong maisasagot.

Pagkatapos no'n ay may narinig kaming kaluskos sa labas kaya naman agad siyang tumakas gamit ang bintana. Sa panahong iyon ay pumasok naman ang ilang Gabay at agad silang yumuko sa harapan ko. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil hindi sila nagpang-abot ni Ridge dahil isang malaking kasalanan ang pagpapatuloy ng sinuman, liban sa mga babaylan, sa lugar na ito. Pakiramdam ko tuloy ay nagkasala na rin ako.

"Handiran," tawag ko dahil siya lang ang may pamilyar na mukha sa mga Gabay na narito. "Bakit kayo narito?"

Saka ko lang napagtanto na Tagalog ang binigkas kong mga salita kaya hindi nila ako naintindihan. Nagpakawala ako ng buntong-hininga dahil hindi pa rin kami magkaintindihan at itinuro ko na lang sila at saka ang sarili ko. Noong una ay kumunot ang noo nila ngunit mukhang kahit papaano ay nakuha ni Handiran ang ibig kong sabihin.

"Adda toy kami adda ti ited kanyam," (Narito kami para ibigay ito sa'yo.) turan niya sabay lapag ng isang baluktot na kahoy sa harapan ko.

"Para saan ito?"

"Ni Prinsesa Urduja laengen ti mangibaga kinka, punong babaylan." (Si Prinsesa Urduja na ang magpapaliwanag sa'yo, punong babaylan.)

Pagkasabi niya no'n ay muli silang yumuko at saka tumayo. Lumakad sila nang patalikod hanggang sa makarating sila sa pinto at tuluyan na silang umalis. Sinilip ko naman sila sa bintana at pabalik na sila sa kanayunan. Pinagmasdan ko naman ang buwan mula sa aking kinatatayuan. Hindi ko alam kung anong oras na ngunit dahil tumatagos na ang lamig sa aking katawan at lubos na tahimik ang paligid, marahil ay maghahating-gabi na.

Isinara ko ang mga tabing sa bintana pati na rin ang pinto at umupo sa kinahihigaan ko kanina. Tiningnan ko ang piraso ng kahoy sa harapan ko. Mukha itong pana ngunit walang pising nakakabit dito.

"Bakit kaya nila 'to ibinigay sa akin?" bulong ko sa sarili ko. Kinuha ko iyon ngunit agad ko iyong nabitiwan dahil may kakaiba akong naramdaman nang dumampi ito sa aking balat.

Napaatras ako habang hinahabol ang hininga matapos ang nangyari. Ramdam ko ang pag-init ng aking palad at pagtingin ko ay muling nagliwanag ang marka sa aking mga kamay.

Mag-iisang araw pa lang ako sa lugar na ito pero pakiramdam ko ay ang dami nang nangyari. May mga kakaiba ring naganap sa akin at hindi ko alam kung paano ko iyon gagamitin. Una, nakikita ko ang mga mangyayari pa lamang. Bigla ko tuloy naalala si Lola dahil tulad niya, nakikita ko rin ang ilang piraso ng hinaharap simula nang itinakda ako bilang punong babaylan. Pangalawa, nakikita ko ang mga sinasamba nilang anito, diyos at diyosa. Alam kong isa sa mga tungkulin ng babaylan ang makipag-usap at makiugnay sa kanila ngunit hindi ko naman inakala na magpapakita sila sa akin. Isa pa, sobrang lakas ng presensiya nila at sa parehong pagkakataon, nang makita ko si Ikapati at sina Apo Init at Apo Bulan, ay nanghina ang aking katawan.

Sinubok kong muling matulog ngunit ang daming tanong na bumabagabag sa akin kaya naman nanatili akong gising hanggang sa sumikat na ang araw. Narinig ko ang tunog ng ilang tambuli mula sa kanayunan, hudyat na may nasilayang dayuhang bangka ang mga Tagamasid.

Palabas na sana ako sa balay ngunit napatigil ako nang nakita kong muli ang kahoy na iyon sa sahig. Huminga ako nang malalim at saka iyon kinuha. Naghintay ako ng maaaring mangyari at sa kabutihang-palad ay wala na akong naramdamang kakaiba mula roon. Agad akong lumabas at tumakbo papunta sa kanayunan at habang papalapit ako ay naririnig ko ang pagkilos ng mga tao.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon