Kabanata 32 : Tala at Bulan

12.7K 984 52
                                    

Tila naubusan ng lakas ang aking katawan nang muli kong matanaw si Urduja. Taimtim akong nagbigay-pugay kina Apo Pawi at Tala sa pagsagip sa tatlong taong aking pinahahalagan.

Nawala sa aming paningin sina Ilati at Datu Silang, maging ang kapangyarihan ni Apo Anagolay. Napaluhod na lamang ako nang mawari kong ito na ang hangganan ng aking lakas-hilagyo. Tunay ngang nakapanghihina ang yugtong ito ng buwan.

"Sayi!" sigaw ni Ridge matapos niyang mahatak sa ligtas na kalupaan ang aming mga mandirigma.

Hapos ang aking hininga ngunit sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang makita kong ligtas sina Bagim at Urduja.

"A-ayos lamang . . . ako," tugon ko.

Naramdaman ko ang pagyapos ng kanyang balabal sa aking likuran habang abala naman sina Bagim sa pagsasaayos ng aming pulutong.

"Hindi ayos ang iyong kalagayan," bulong ni Ridge. "Tila nag-aalab ang iyong balat sa init."

Muli kong naalala ang babala ni Atubang Kayo noong kami ay nagsasanay. Ayon sa kanya, hindi magandang ipilit ang paggamit ng kapangyarihan ng mga diyos at diyosa kung hindi sapat ang lakas-hilagyo na iyong taglay sa panahong iyon.

Tila nagbabaga ang loob ng aking katawan matapos ang nangyari at ramdam ko ang pagpulso ng aking mga mata.

Inabot ko ang kanyang braso at taimtim na tumingin sa kanyang mga mata. "Ridge," bulong ko. "Nasa inyo ni Bagim ang basbas ni Tala."

"Anong . . ."

"Katuwang ang iyong dunong, mayroon kang kakayahang baguhin ang galaw ng tadhana. Iligtas mo ang ating banghay mula sa mga taga-Seludong."

"Ngunit—"

Binigyan ko siya ng isang ngiti. "Bilang mga gabay ng Hara, ito ang ating pangunahing tungkulin."

Nang sambitin ko iyon ay nagbago ang badya sa kanyang mukha. Marahan siyang tumango at tumungo kay Bagim. Napatingin ako sa kinatatayuan ni Urduja. Patuloy na umaagos ang dugo sa kanyang pisngi at balikat ngunit tila hindi iyon iniinda ng prinsesa.

"Hara," mahina kong tawag at tumingin siya sa aking direksyon.

Batid kong nais niyang harapin sa isang labanan ang lakan ngunit hindi pa ito ang nararapat na panahon. Hindi lamang lakas ang kailangan upang mapuksa ang hukbo ni Lakan Silang, kung hindi isang malambis na pagbabanghay sa aming kilos.

Tumungo siya sa aking kinalalagyan at lumuhod upang maging magkawangis ang aming baitang.

"Ayos ka lamang ba, Apo Sayi?" usisa niya habang hawak ang aking pisngi.

Marahan akong tumango. "Ikaw ang nangangailangan ng lunas," sambit ko habang nakatingin sa kanyang mga natamong pinsala.

"Hindi ko ikamamatay ang mga ito," tugon niya.

Halos sabay naman kaming napalingon nang biglang nagliwanag kung nasaan sina Bagim at Ridge. Bagama't malupaypay ay natatanaw ko ang hilagyo ni Tala sa kanilang likuran.

"Baggak (Bituin)," mahinang hayag ni Bagim habang nakatingin sa kalangitan.

Napatingala rin ako sa kalangitan at napaawang ang aking bibig nang aking makita ang ningning ng mga talampad ng bituin.

"Balatik. Gaganayan," hayag ni Bagim.

"Mapulon," pagsunod ni Ridge.

Tila nabalot ng liwanag ang kanilang mga katawan at ang kampilan ni Bagim, maging ang tagdan ni Ridge, ay tila taglay ang kislap ng mga bituin sa kalangitan habang ang kanilang mga mata'y nagkulay pilak.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon