Kabanata 27 : Pag-usbong ng Liwanag

13.6K 1K 129
                                    

Patuloy ang paghampas ng marahas na hangin at ulan. Mula sa kalayuan ay tanaw ko pa rin ang isa sa mga natatanging sisidlan katuwang ang kanyang pinagsisilbihang lakan, sina Ilati at Lakan Silang ng Seludong.

"Ilati, iyong isakatuparan ang aking mithi," malumanay na hayag ng lakan na taas-noong nakatindig sa kanyang kabayo.

"Masusunod, aking Lakan," sambit ni Ilati.

Hanggang ngayon ay hindi ko tiyak kung papaano ko napakikinggan ang kanilang usapan ngunit batid kong hindi kaaya-aya ang mga susunod na mangyayari.

Sa paghagupit ng tila latigong hangin at mala-palasong mga patak ng ulan, pilit kong tiningnan ang kalagayan mula sa ibaba. Agad ko namang naaninag ang anyo ni Ridge na patuloy na lumalaban sa mga nananakop. Sa kabilang banda naman ay mag-isa pa rin si Datu Kayo habang gamit ang kanyang kakayahan bilang sisidlan ng pintakasi upang pigilan ang pagsulong ng hukbo ng kalaban.

Tila huminto ang aking paghinga nang bigla na lamang sumilay ang tingin ni Ilati sa aking kinalulugdan. Isang nakapangingilabot na ngiti ang kanyang ibinigay at doon ko napagtanto ang tunay nilang nais makamtan.

Ang binhi.

Muli kong narinig ang pag-iyak ni Raniag habang pilit na isinisilang ang kanyang anak. Marahil ito ang dahilan kaya't narito ang mga mandirigma sa Seludong.

Sa isang iglap ay nagbago ang lahat. Ang marahas na hangin ay tila naglaho sa alapaap. Ang matutulis na patak ng ulan ay tumigil sa pagbuhos. Isang nakalalagim na katahimikan ang bumalot sa buong kagubatan.

"Sa ngalan ng aking pintakasi, Anitun Tabu, dinggin ang aking mithi."

Ang nakahihindik na katahimikan ay napalitan ng nakabibinging hiyaw ng hangin, at nagsimulang bumuhos ang ulan nang pahalang . . . patungo sa aking kinatatayuan.

Tiyak na malilipol ang anumang pook na tatamaan ng mala-bagyong pagsalakay na iyon. Agad akong nag-isip kung sinong diyos o diyosa ang maaaring hiraman ng kakayahan ngunit hindi tugma ang kanilang kapangyarihan sa mga elementong tulad ng hangin at ulan.

Napatakbo ako sa loob upang maging sanggalang ni Raniag.

"A-apo . . ."

Bakas ang pag-aalala at takot sa kanyang mukha habang nakatanaw kami sa palapit na delubyo. Binigyan ko siya ng ngiti at humarang sa kanyang paningin.

"Huwag kang mag-alala, narito ako," malumanay kong sabi.

Ako'y humiling kay Bulan na kahit papaano ay mailigtas si Raniag kahit hindi sakop iyon ng kanyang kapangyarihan. Ramdam ko na ang hagupit ng kapangyarihan ni Ilati patungo sa balay na ito kaya't pinilit kong maging mahumpay sa harapan ni Raniag.

Hinintay ko ang pagdaluhong ng mga palasong patak ng ulan sa aking katawan ngunit bigla na lamang dumilim ang paligid at hindi na muling narinig ang hangin at ulan. Dahan-dahan akong lumingon at agad kong natanaw ang malalagong dahon at katawan ng puno na siyang nakatabing sa mga bintana.

"A-ama . . ." iyak ni Raniag at ilang sandali pa ang makalipas ay unti-unting umatras ang kalikasang nagligtas sa amin.

Sumama ang aking kutob at dali-daling lumabas, nananalanging sana ay mali ang aking nararamdaman. Ngunit nang tumingin ako sa kinatatayuan ni Datu Kayo ay agad akong napasinghap.

Walang-imik siyang nakatayo roon habang may sibat na nakabudlong sa kanyang dibdib. Sa halip na iligtas niya ang kanyang sarili ay pinilit niyang iligtas kami. At ang pagitan ng layo ng aming kinalulugaran ay tiyak na nangangailangan ng malaking halaga ng hilagyo.

"O, diyos ng Agta, Gutugutumak-kan, nawa ay bigyang basbas ang aking anak at ang kanyang anak, sila ay iligtas mula sa kamay ng mga ibaba. Iyon ang aking nais," bulong ni Datu Kayo habang patuloy na dumadaloy ang kanyang dugo sa lupa.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon