Kabanata 41 : Pagbagsak ng Kaboloan

8.8K 797 70
                                    


Ang aming pagbabalik sa Kaboloan ay tila isang malagim na paglalakbay tungo sa kasawian. Wala ni isa ang nagsasalita at tanging ang aming hapit na paghinga lamang ang naririnig, kasabay ng paghampas ng hangin sa mga kapunuan.

Sapagkat wala nang lakas si Raniag upang mabilis kaming makarating doon ay si Urduja lamang ang kanyang naisama. Halos hapo na rin ang aming mga kabayo, ang ila'y pag-aari ng mga Namayan, ngunit tila sanlibong palaso ang dumarampi sa aking balat dahil sa bilis ng kanilang pagtakbo.

Unti-unting nanlabo ang aking mga paningin at umikot ang paligid. Agad akong napasandal kay Ridge at saglit na pumikit.

"Magpahinga ka, Sayi," marahan niyang bulong. "Tiyak na kakailanganin ng Hara ang iyong kapangyarihan."

"Ngunit . . ." sambit ko ngunit walang tinig na lumabas mula sa aking bibig.

Mas lalong bumigat ang aking mga talukap ngunit pilit kong nilabanan ang pagod nang masilayan ko ang takot at pagkabagabag sa mga mukha nina Bagim at Anam. Kasunod namin ang ilang Kalakian at mandirigmang nakaligtas sa Namayan. Karga ng dalawa sa likuran ng kanilang mga kabayo ang labi ni Ditan at ang kanyang kabiyak na nakatingin lamang sa kawalan.

Nabaling ang aking paningin sa kalangitan at muling bumigat ang aking pakiramdam nang matanaw ko ang bagong talampad ng mga bituin sa wangis ni Handiran habang hawak ang kanyang kampilan. Marahang tumulo ang luha sa aking pisngi at nagsisising hindi ko siya agad na nailigtas.

Naramdaman ko naman ang marahang paghawak ni Ridge sa aking ulunan. Bagama't nakatalikod ako sa kanya ay tila batid niya ang aking pagdadalamhati. Nagtuluy-tuloy ang tahimik ng pagpatak ng aking mga luha hanggang sa tuluyang mahimbing ang aking diwa.


***

Ang nakasisilaw na sinag ng araw at ang kagimbal-gimbal na mga pagsigaw ang gumising sa akin. Sa loob lamang ng mahigit sa kalahating araw ay nakabalik kami sa aming nayon—ngunit tila ibang pook na ang aming nadatnan.

Tila lumubog ang aking puso nang matanaw ko ang kasalukuyang kalagayan ng hangganan ng Kaboloan. Nilamon ng nagngingitngit na apoy ang kagubatan. Nakaratay sa kalupaan ang mga katawan ng aming mga mandirigma at ilang mga naiwang kalalakihan sa nayon. Ang ilang kabahayan ay nagsisimula na ring matupok ng apoy.

Agad na tumungo sina Bagim at Anam sa kalooban ng nayon kung saan nanggagaling ang ingay ng labanan. Bakas sa kanilang mukha at kilos ang pangamba sapagkat mag-isa lamang si Urduja at hindi namin tiyak ang kanyang kasalukuyang kalagayan.

"Kalakian!" biglang sigaw ni Anam na halos yumanig sa buong Kaboloan. Ilang sandali pa ay nadinig ko ang pagtakbo at paglipon ng ilang daang kabayo sa bawat sulok ng aming kalupaan. Gayon din ang ginawa ni Bagim. Hinipan niya ang tambuli at narinig ko ang pagsigaw ng mga mandirigmang malapit sa aming kinalalagyan.

Nagsitayuan ang aking mga balahibo nang matanaw ko ang aming hukbo. Bagama't ang iba'y sugatan ay nawala ang pag-aalinlangan sa kanilang mga mukha nang makita nila ang kanilang mga pinuno.

"Patungo sa Hara!" dagundong ng dalawa.

Nais ko ring tumulong ngunit hindi pa bumabalik ang aking lakas. Sinubok kong tawaging muli ang kapangyarihan ng karagatan upang kahit papaano'y pigilin ang pagkalat ng apoy ngunit tila mayroong pumupigil dito.

"Ridge," sambit ko. "Nais kong tumungo kay Urduja."

Nanatili siyang walang imik at gumuhit sa kanyang mukha ang takot, ngunit marahan siyang tumango makalipas ang ilan pang sandali.

"Masusunod."

Sakay ng kanyang kabayo ay nagtungo kami sa loob ng Kaboloan at sa tuwing may madaraanan kaming katawan ay tila dinudurog ang aking puso nang paulit-ulit. May ilan ding kawal ng Tundun ang nagtangkang pigilan kami ngunit bago pa sila makalapit ay dutsa ng mga palaso ang sumasalubong sa kanila.

BabaylanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon