Sa gitna ng kanilang halikan, biglang bumukas ang mga mata ni Maine na tila natauhan. Sumagi sa isip niya si Henry, dahil ganun na ganun din siya nito nakuha noon. Sa isang masarap na halik.
Kumawala siya sa marubdob na halik. Itinulak niya si Alden palayo, at kasunod 'nun ay isang malutong na---PAK! ---sampal.
Sa sobrang pagkagulat ni Alden, natulos siya sa kinauupuan. Saglit silang nagkatinginan, habang sapo ni Maine ang sariling bibig. Kapagkuwan, bigla itong tumalilis ng takbo papunta sa likod ng bodega, habang nanunubig ang mga mata.
Gustuhin mang sundan ni Alden ang dalaga para magpaliwanag sa nagawa, ay pinigilan niya ang kanyang sarili. Nag-alangan siya, dahil baka mas masaktan pa niya ito at lalong mapasama. Hinimas na lang niya ang nanakit na pisngi dala ng malakas na pagkakasampal dito.
Napalatak siya, "sakit ah?" reklamo niya, habang nakatuon ang mga mata sa lugar kung saan tumakbo ang dalaga at hinihimas pa rin ang pisngi.
SAMANTALA, maghuhugas sana ng kamay niya si Veron sa may likurang bahagi ng bodega nang makita niya mula roon ang nakaupong si Maine. Nakayukyok ang mukha nito sa dalawang tuhod habang inuuka ang lupa.
Tinawag niya ito, "Maine!" naglakad siya papalapit rito, "anong ginagawa mo diyan? Bakit nandiyan k--" saka saglit na natigilan. "Teka nga, umiiyak ka ba?"
Tiningala siya ni Maine, kapagkuwan ay tumayo mula sa pagkakauklo. "Wala po, Tetz." aniya, habang sumisinghot at mabilis na napahilos ng mukha, para punasan ang ilang patak ng luha na umaagos mula roon.
Napabuntong hininga si Veron, "Anong wala eh, halata. Ano na namang ginawa sa 'yo ng anak ko? Makakatikim nanaman sa 'kin 'yun! Kakasabi ko lang na 'wag manakit ng babae eh."
Tipid na ngumiti si Maine sa kanya, "Wala po 'to. Hindi po si Alden. May naalala lang po ako." aniya, at biglang nabakas muli sa mga mata niya ang lungkot.
Nabahala naman si Veron sa kanya, "Pamilya mo ba? Boyfriend?"
Nahihiyang yumuko si Maine dito, "Uhm, wala ho talaga. At saka, pamilya? Wala na yata ako nun."
"Bakit ulila ka na ba?"
Napailing si Meng, "Hindi naman ho. May kapatid at Tatay pa ho akong tinatawag pero hindi po kami okay eh. Hindi nila po kasi ako tanggap. Saka boyfriend? Wala po ako 'nun. Yung ex ko po eh, matagal ko ng isinumpa."
Biglang bumukas ang koryusidad sa isipan ni Veron. Merong bahagi sa utak niya na gustong-gustong bulatlatin ang pagkatao ng dalagang kausap. "Pasensya na, di ko inaasahang marinig 'yun. Pero bakit hindi kayo okay ng kapatid at Tatay mo? Anong nangyari sa Nanay mo?"
"Wala na po si Nanay, mahigit three years na hong patay."
"Aww... tsk. Eh paano? Kayo na nga lang ang natitirang magkapamilya na dapat na magdamayan tapos hindi pa kayo maayos."
Bumuga ng marahas na hangin si Maine, saka bahagyang hinilot ang sentido. Bigla kasing nanakit ang ulo nito. "Ampon po kasi ako. Umm.. pero Tetz, pwede po sa van na lang muna ako? Nanakit kasi bigla ulo ko eh."
Kahit gusto pang tanungin ito ni Veron, ay mas makakabuti rito ang magpahinga muna. Sa ilang araw na lamang niya ito hahayaang mag-kwento, "Okay, sige na. May pain reliever 'dun sa mini box, sa baba ng stereo ng van. Uminom ka ng mawala yang sakit ng ulo mo." dagdag pa niya rito.
"Salamat po, Tetz."
"NP. Itulog mo na din. Maya-maya tapos na kami."
Pagkasabi nun ni Veron, muli siyang nginitian ni Maine saka tuluyan ng naglakad patungong van.

BINABASA MO ANG
The One
Fanfiction"Coincidence man o meant to be, wala na akong pake. Isa lang ang alam ko; ikaw na, you're THE ONE for me."